MATAGUMPAY na nakuha ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong ang ika-pito nitong Seal of Good Local Governance (SGLG) na iginawad ngayong taon ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang prestihiyosong parangal ay tinanggap ni Vice Mayor Menchie Abalos, sa pangalan ni Mayor Ben Abalos at ng lungsod, sa seremonya ng 2023 SGLG Awards na ginanap sa The Manila Hotel.
Mismong si DILG Secretary Benhur Abalos, kasama ang iba pang opisyal ng ahensya, ang nag-abot ng parangal sa mga opisyal ng mga local government units (LGUs) na nawagi ng SGLG.
Kabilang ang Mandaluyong City sa 22 LGUs sa bansa, at isa sa dalawang LGUs sa NCR, na patuloy na nananalo ng SGLG simula noong 2015. Patunay ito na nasusunod ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong ang mga pamantayan ng DILG para sa LGUs sa larangan ng financial administration and sustainability; disaster preparedness; social protection and sensitivity; health compliance and responsiveness; sustainable education; business-friendliness and competitiveness; safety, peace, and order; environmental management; tourism, heritage development, culture, and arts; at youth development.