28.5 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

Salubong sa Pasko

- Advertisement -
- Advertisement -

 (Isang maikling kuwentong pambata ni Luis P. Gatmaitan na ginamit bilang piyesa sa kumpetisyon para sa National Festival of Talents (NFOT) ng DepEd sa kategoryang ‘Madulang Pagkukuwento sa Filipino’ noong taong 2020)

HINDI mapakali si Timmy sa kaiisip sa mga plano niyang gagawin sa Disyembre. Mula nang magsimulang kantahin sa radyo ang Jingle Bells at Ang Pasko ay Sumapit, abala na siya sa paghahanda sa paparating na Pasko.

“Peyborit ko talaga ang Pasko!”  sabi niya sa bestfriend niyang si Jannah, isang Muslim.

“Kaya pala kay aga n’yong magsabit ng parol sa bintana!” biro nito.

“Bes, hustong matapos ang Undas, nagdedekorasyon na kami ng bahay. Kayo ba?”


“Sa aming mga Muslim, ordinaryong buwan lang ang Disyembre. Ramadan kasi ang ipinagdiriwang namin. ”

“Ay, oo nga pala.  Ano nga ulit ang ginagawa n’yo kapag Ramadan?” Habang nakikipagkuwentuhan ay isinasabit na ni Timmy ang kanilang makukulay na Christmas lights.

“May ginagawang fasting ang aming mga magulang sa loob ng isang buwan. Powasa ang tawag namin sa fasting.”

Ipinaliwanag pa ni Jannah na ang pagpa-fasting sa panahon ng Ramadan ay isa sa pundasyon ng pananampalatayang Islam.  Kapag nagpa-fasting daw, walang kinakain at iniinom ang isang Muslim sa buong maghapon habang nagdarasal kay Allah.

- Advertisement -

“E, kailan kayo puwedeng kumain at uminom?” pag-uusisa ni Timmy.

“Sa gabi lang kami puwedeng kumain. Tapos, ang huling kain namin ay sa madaling-araw na…”

“Di ba’t parang nakakagutom at nakakauhaw ‘yun?”

“Oo, pero masasanay din daw. Tapos, sa pagtatapos naman ng Ramadan, ipinagdiriwang namin ang Eid’l Fitre.  ‘Yun yung parang Pasko naming mga Muslim!” paliwanag ni Jannah.

Inulit ni Timmy ang sinabi ni Jannah. “Ang Pasko sa mga Kristiyano ay parang katumbas naman ng Eid’l Fitre sa mga Muslim?”

“Oo, Bes. Kapag Eid’l Fitre ay naghahanda rin kami ng masasarap na pagkain. Tapos, nagbibigayan din kami ng mga regalo.”

- Advertisement -

“Parang Pasko nga!” natutuwang sabi ni Timmy.

Sa kabila ng magkaibang pananampalataya, nananatili ang respeto ng isa’t isa sa kani-kanilang kinalakihang mga tradisyon at paniniwala.

 

Nang sumunod na araw, itinayo na rin ni Timmy ang kanilang  Christmas tree. Katulong niya si Patrick, ang nakababata niyang kapatid.

“O, tingnan mo, Patrick, nilagyan ko pa ng parang snow ang ating Christmas tree!

“Ang ganda niyan, Ate!”

“Sabi ko nga kay Nanay, bumili na tayo ng bagong Christmas tree sa susunod na Pasko. ‘Yung mas mataas. Para mas malaking star ang mailagay ko sa tuktok!” sabi pa ni Timmy.

“Oo nga, Ate. Mas maganda ‘yun!”

“Tiyak na matutuwa si Tatay pagdating niya mula sa Saudi!” Kitang-kita sa mukha ni Timmy ang sigla. Nakikisabay pa siya sa mga kapitbahay nilang tambay na paulit-ulit na kinakanta ang I Saw Mommy Kissing Santa Claus!

 

Nagulat si Tatay Ferdie, ang amang OFW ni Timmy, nang dumating ito sa bahay mula sa airport. Ugali na nitong umuwi sa Pilipinas tuwing Kapaskuhan. Halos hindi nakilala ni Tatay Ferdie ang kanilang bahay. Nagliliwanag kasi ito sa napakaraming Christmas lights.

“A-Akala ko, naligaw ako ng bahay. Aba e, Paskong-pasko na sa bahay natin!” bungad ni Tatay Ferdie.

“Si Ate Timmy po ang nagdekorasyon lahat niyan!” pagmamalaki ni Patrick.

“Naku, ang galing naman ng panganay ko, a.”

“Sorry po pala at di ako nakasama sa pagsundo sa inyo…” paumanhin ni Timmy.

“Okay lang, anak. Mukhang bising-bisi tayo, a” biro ni Tatay Ferdie.

“May praktis po kasi kami kanina ng karoling, Tatay. Para po ito sa pondo ng Science Club ng Grade 5. Tapos, may makukuha rin po kaming kaparte,” masayang kuwento ni Timmy.

“A, ganun ba?  Siyanga pala, nagustuhan ko ang mga ikinabit mong dekorasyon, ha. Ibang-iba talaga ang Pasko sa ‘Pinas!”

Nang biglang sumabad si Nanay Joyce sa kuwentuhan. “Baka gusto n’yong kumain na tayo. Masarap ang niluto kong sinigang na baka.”

Lalo pang sumaya ang kuwentuhan nila nang lumutang ang sama-samang tinig ng isang grupo ng mga kabataan. Parang nasa harap ito ng bahay nila –

Pasko na, Sinta ko/ Hanap-hanap kita

                                     Bakit nagtatampo?/ Nilisan ako…

“Uy, may nangangaroling yata…” nasisiyahang  sabi ni Tatay Ferdie habang sinisilip sa bintana ang pinanggagalingan ng tinig. “O, Timmy, iabot mo nga ‘tong sandaang piso…”

 

Nang sumunod pang mga araw, lalo pang naging abala si Timmy. Sumali siya sa Christmas presentation ng kanilang klase. At hindi rin siya uma-absent sa gabi-gabing pangangaroling ng kanilang grupo.

Sa umaga tuloy, puyat at pagod ang nararamdaman ni Timmy.

“Magpahinga ka naman, Bes!” paalala sa kanya ni Jannah. “Minamalat ka na, a.”

Pati ang kanyang mga kapamilya ay tinatawag na rin ang pansin niya.

“Anak, puwede bang samahan mo ang Tatay mo na dalawin ang iyong Lolo’t Lola?” minsa’y pakiusap ni Nanay Joyce.

“E, Nanay, busy po ako. May praktis po kami sa aming Christmas presentation,” reklamo agad ni Timmy.

“B-Baka kako, puwede ka munang um-absent. Alam mo namang limitado ang panahon ng Tatay mo rito. At saka, gusto ka ring makita ng Lola mo!”

“Sa Pasko na po, Nanay. Magkikita-kita rin naman po tayo ‘dun kina Lola,” katwiran pa ni Timmy.

 

Isang araw, habang kino-compute niya ang perang kikitain niya sa pangangaroling, nagsimula na rin siyang maglista ng mga bibilhing regalo para sa mga kapamilya: wallet para kay Tatay, tote bag para kay Nanay, balabal kay Lola, sombrero kay Lolo, at kamiseta para kay Patrick. Nang biglang….

“Timmy, anak, paki-tina mo nga ang buhok ko. Ang dami nang puti e,” hiling ulit ni Nanay Joyce.

“Naku, Nanay, nagmamadali po ako, e. May karoling pa po kami!” sagot ni Timmy.

“E, Ate, bili mo naman ako ng pang-exchange gift,” habol ni Patrick nang palabas na si Timmy.

“Naku, Bunso, wala akong oras ngayon. Kay Nanay ka na lang magpabili, ha?” At mabilis nang umalis si Timmy.

Sa eskuwelahan, nangunguna si Timmy sa pagpapraktis para sa kanilang Christmas presentation. Siya na rin ang nagprisintang direktor ng palabas.

“O, kakanta si Virgin Mary habang nakasakay kunwari sa donkey!” paalala niya sa mga gumaganap.

“Si Joseph, huwag lalayo kay Virgin Mary. Dapat, laging nakaalalay!”

“Handa na ba ang Tatlong Hari?”

“Nakaposisyon na ba ang mga pastol?”

Natutuwa namang nanunuod si Jannah. Lagi itong nagpapaalala sa kanya. “Bes, baka naman sobra kang mapagod niyan.”

 

Isang umaga, nagtaka si Timmy nang makitang bakante ang upuan ng bestfriend niyang si Jannah. Hindi naman ito karaniwang uma-absent sa klase. May nangyari kaya?

“Naku, naospital daw ang nanay ni Jannah kagabi,” kuwento ng kanyang kaklase. “Inatake daw sa puso!”

Nabigla si Timmy sa balita. Magpapasko pa naman. Agad niyang tinawagan si Jannah sa cellphone.

“Bes, okay ka lang ba?” paniniyak niya.

“Oo, Bes…” sagot nito sa kabilang linya. Pero dinig ni Timmy ang paghikbi ito.

Napagpasyahan niyang sumama sa mga guro’t kaklase na dadalaw kina Jannah sa ospital. Dinatnan nilang nakasuwero ang Nanay ni Jannah sa ospital. Nasa isang espesyal na silid ito.

“Bes, ayaw kong mawala si Ina,” salubong sa kanya ni Jannah, umiiyak.

Niyakap nito nang mahigpit ang kaibigan. “Lakasan mo ang loob mo, Bes ha.”

“May awa si Allah…” sambit nito sa kanya.

“Oo, ipagdarasal ko rin ang nanay mo,” ani Timmy.

 

Naramdaman na lang ni Timmy na gusto na niyang umuwi. Bigla kasi niyang na-miss ang kanyang Tatay, Nanay, Lolo’t Lola, pati si Patrick. Ilang ulit nga bang hiningi ng mga ito ang kanyang panahon? Pero nitong nagdaang mga araw, lagi siyang abala sa maraming bagay.

Wala siyang maibigay na oras kasi’y abalang-abala siya sa kung anu-anong bagay kaugnay sa pagsalubong sa Pasko.

Hihintayin pa ba niyang mangyari sa sariling pamilya niya ang nangyari sa ina ni Jannah bago siya matauhan? May panahon pa naman.

 

Nang sumunod na madaling-araw, maaga siyang ginising ng kanyang Tatay. “Timmy, anak, gusto mo bang sumama sa amin ng Nanay mo na mag-Simbang Gabi?”

Pinakawalan ni Timmy ang isang mahabang inat.

“P-Pero kung pagod ka sa pangangaroling, okay lang naman na….”

Hindi pa tapos magsalita si Tatay Ferdie pero sumagot na si Timmy. “Opo, Tatay, sasama po ako sa inyo. Pero puwede po ba nating dalawin ang nanay ni Jannah sa ospital mamaya?”

Masuyong pinisil ni Tatay  ang magkabilang pisngi ni Timmy. “Anak, mapalad si Jannah sa pagkakaroon ng kaibigang gaya mo…”

Kakaibang saya ang naramdaman ni Timmy. “At saka, Tatay, kailan po pala tayo dadalaw kina Lolo’t Lola?”

(Ang may-akda: Si Dr. Luis P. Gatmaitan ay isang manggagamot at awtor ng higit 70 na aklat pambata. Pitong ulit nang nagwagi ang kanyang mga akda sa Palanca Awards. Napahanay siya sa Palanca Awards for Literature Hall of Fame  noong 2005, kinilala bilang isa sa Ten Outstanding Young Men of the Philippines (TOYM)  para sa kanyang kontribusyon sa Panitikan noong 2003, at pinagkalooban ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas noong 2017. Pinarangalan din siya kamakailan ng Gawad Dangal ng Lahi ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature Foundation para sa kanyang kontribusyon sa paglago ng panitikan sa bansa. Ang kaniyang librong pambatang Sandosenang Sapatos ay itinanghal bilang isang musical ng Tanghalang Pilipino sa Cultural Center of the Philippines.)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -