27.3 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Baguio PNP, naglatag ng mga hakbang upang maiwasan  ang masikip na trapiko ngayong Yuletide Season

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGLATAG ng ilang hakbang ang Baguio City Police Office (BCPO) upang maiwasan ang masikip na daloy ng trapiko ngayong Yuletide Season.

Ayon kay BCPO Traffic Enforcement Unit chief PLtCol. Zacarias Dausen, nagdagdag sila ng personnel na naipakalat sa mga major road intersections at tourist spots upang mapangasiwaan nang maigi ang daloy ng trapiko.

Aniya, idedeploy din nila ang Cobra Teams o ang mga motorcycle cops partikular na sa mga lugar na inaasahang magkakaroon ng traffic congestion kabilang na sa bahagi ng South Drive, Baguio Country Club, Pacdal, at Botanical Garden.

“Anytime, kapag may congestion, puwede natin silang i-augment sa mga areas na ito since naka-motor sila. Puwede silang sumingit sa volume ng traffic, puwede silang tumulong doon,” ani Dausen.

Magtatatag din aniya sila ng traffic control points sa major entry at exit points ng Baguio City gaya ng ginawa nila nang ipagdiwang ang Panagbenga Festival. Magkakaroon ng traffic control points at traffic assistance desks sa BCPO Stations 1, 8, 9, at 10. Magkakaroon din ng ‘bakasyon lane’ para sa mga passing through vehicles at bibigyan sila ng leaflets kung saan nakalagay ang mga rutang maaari nilang daanan.

“Sila ‘yung mag-streamline ng mga sasakyan passing through the city.  Kunware, ang turista ay pupunta ng Sagada, hindi na nila padadaanin sa Central Business District, papadaanin natin sila sa mga alternate routes natin,” paliwanag ni Dausen.

Una nang inirekomenda ng BCPO na mabuksan ang Kennon Road upang mabawasan ang mabigat na daloy ng trapiko lalo na sa inaasahang pagdagsa ng mga bisita ngayong bakasyon. Inirekomenda ng tanggapan ang pagpapatupad ng scheme o salitan sana na bubuksan ang Kennon Road para sa mga sasakyang papasok ng Baguio at lalabas ng lungsod. Sa ngayon ay wala pang inilalabas na abiso ang Joint Task Force Kennon ukol dito.

Nanawagan naman si Dausen sa mga barangay officials para sa mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Road Obstruction Order upang maiwasan ang illegal parking sa mga barangay roads.

Sumulat na rin ang BCPO sa mga kinauukulang tanggapan na posibleng magpagamit ng kanilang parking areas sa panahon ng holiday season. Siniguro naman ng transport sector sa lungsod na palalawigin nila ang oras ng kanilang serbisyo kahit na masikip ang daloy ng trapiko.

Umapela si Dausen sa mga bisita na iwanan ang kanilang mga sasakyan at lakarin na lang nila ang mga tourist spots na kanilang pupuntahan upang hindi sila maipit sa trapiko. Binigyang-diin pa ng opisyal na dapat ding alamin at sundin ng mga bisita kung ano ang mga batas o ordinansa sa pupuntahan nilang lugar.

Sa ngayon ay may 30 personnel mula sa Regional Mobile Force Battalion na tutulong sa BCPO bukod pa sa mga bagong PNP recruits na idedeploy sa iba’t ibang lugar upang masiguro ang matiwasay, payapa, at ligtas na pagdiriwang ng pasko at bagong taon sa lungsod. (DEG-PIA CAR)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -