LIMANG barangay sa Lungsod ng Tabuk ang magkakaroon ng mas maliwanag na kapaligiran matapos ipagkaloob at ilagay ang 80 yunit ng nga ilaw sa lansangan na gamit ang solar power.
Ang mga Barangay Dilag, Appas, Bulanao, San Juan at New Tanglag ang pinagkalooban ng mga solar powered streetlights ng local na pamahalaan ang Tabuk City, sa pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay DILG-Cordillera Assistant Regional Director Ruperto Maribbay, na nanguna sa simpleng inagurasyon sa Barangay Dilag noong Disyembre 8, na ang P7-milyon halagang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng Seal of Good Local Governance (SGLG) incentive noong 2022.
Sa ilalim ng taunang paghahanap sa SGLG ng DILG, ang mga kwalipikadong LGU ay pinagkakalooban ng mga gawad para sa pagpapaunlad para sa mga proyekto ng komunidad.
Pinuri ni Maribbay ang Tabuk City LGU para sa huwarang pagganap nito kaya’t nakamit ang parangal. Hinikayat niya ang iba pang mga LGU na pangarapin ang SGLG, na sumusukat sa kahanga-hangang pagganap sa iba’t ibang anyo ng pamamahala, at may kasamang incentive fund reward.
Pinasalamatan naman ni City Acting Vice Mayor Lucretina Sarol ang DILG para sa grant, na aniya’y magiging inspirasyon sa ibang LGU na mapagbuti ang kanilang serbisyo.
Sinabi pa ni Sarol na ang solar powered street lights ay epektibong makakatulong na mabawasan ang bilang ng krimen at mga aksidente sa sasakyan sa lungsod.
Ngayong taon, ang Tabuk City kasama ang dalawa pang munisipalidad sa lalawigan ang nag-qualify para sa SGLG. (PIA CAR, Kalinga)