NAHANDUGAN ng pamasko package ng Department of Labor and Employment (DoLE) Oriental Mindoro ang 19 na benepisyaryo ng DoLE Integrated Livelihood Program (DILP) ng iba’t ibang livelihood projects na nagkakahalaga ng P563,486 para sa panimulang puhunan sa pagsisimula ng negosyo.
Bawat benepisyaryo ay napagkalooban ng mga produkto at kagamitang pang negosyo na ang halaga ay P29,085 hanggang P29,932 na kinabibilangan ng tindahan ng karne, isda at gulay, negosyong pang karinderya at street food, welding shop, sari-sari store, negosyong pang pares at mami gayundin ang sweet corn, tindahan ng prutas, poultry at hog raising business.
Ang pamamahagi ng kabuhayan package ay pinangunahan ni Provincial Director Roderick F. Tamacay kasama si Livelihood Focal Ramezes R. Torres, katuwang ang kinatawan ng Public Employment Service Office (PESO) ng Calapan City.
Sa mensahe ni Tamacay, sinabi nito na sa ngayon, maiibigay na ng DoLE ang hinihingi nyo na pangkabuhayan.
“Ito po ay libre, wala kayong dapat bayaran. Ang kailangan lang ng DoLE sa inyo ay yung inyong pagsusumikap na mapalago ang tulong na bigay ng gobyerno. Pagyamanin ninyo ang kaloob ng gobyerno upang makatulong din ito sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa inyong kumunidad,” saad ni Tamacay.
Si Ludylyn D. Abriola, benepisyaryo ng negokart ay lubos na nagpasalamat sa DoLE, “Maraming salamat po sa tulong na ipinagkaloob niyo po sa akin at sa pamilya ko. Napakaagang pamasko po nito sa amin. Maraming salamat po.”
Isa lamang sa mga programa ng ahensya ang DILP na may layuning makatulong at makapagbigay ng karagdaang kita sa mga pamilyang walang sapat na pinagkakakitaan na nasa impormal na sektor.
Ito ay tugon ng gobyerno na mabawasan ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng kabuhayan o negosyong makatutulong sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan. (DN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)