ISANG makulay at maningning na gabi ang nasaksihan ng mga Pasigueño noong Linggo, December 17, 2023 sa taunang Paskotitap Float Parade.
Hitik sa pinoy-inspired designs na floats ng mga barangay na base sa tema ng selebrasyon ng kapaskuhan sa ating lungsod ngayong taon: Paskong Pinoy, Paskong Pasigueño. Tatanghaling “Best Float” ang barangay na may pinakamagandang disenyo base sa mga sumusunod na criteria: originality – 50 porsiyento; craftsmanship – 20 porsiyento; at entertainment value – 30 porsiyento.
Present din sa parada ang floats na lulan sina Mayor Vico Sotto, Vice Mayor Dodot Jaworski, Congressman Roman Romulo, mga miyembro ng Pasig City Council, maging floats tampok ang ilang private sector partners ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig para sa Paskotitap 2023.
Sa taong ito, ibang ruta ang dinaan ng nasabing parada nang sa gayon ay makasali rin sa kasiyahan ang mga lugar sa Pasig na hindi nadaraanan noong mga nakaraang taon. Ang mga barangay mula sa District 1 ay nagparada nagmula sa City Hall, samantala ang mga barangay naman mula sa District 2 ay nanggaling sa East Bank Road. Sa pagtatapos ng parada, nagsalubungan ang mga nagniningning na float ng mga barangay sa Bridgetowne.
Habang umiikot naman ang parada, mayroong naganap na pre-show sa Bridgetowne kung saan nag-perform ang bandang Talaarawan at Royal Dance Varsity ang Hataw Pasigueño 2023 Dance Competition Champion.
Nang lumalim na ang gabi, nag-umpisa na rin mag-perform ang mga bigating bisita para sa inaabangang concert bago matapos ang taon. Muling nagpakitang gilas ang schools na nagwagi sa Inter-School Dance Competition: Kapitolyo High School, Eusebio High School, at Nagpayong High School. Naki-jam at nag-enjoy din ang mga Pasigueño sa pasabog na performances nina Senyah, Take Back Julie, Gloc 9, DoneKla, at Ely Buendia.
Sa pagtatapos ng kasiyahan, ginawaran ang tatlong barangay na nanguna sa may pinakamagandang float: Best Float — Barangay Malinao (P 200,000.00 + Plaque of Recognition); 1st Runner Up — Barangay Pinagbuhatan (P 150,000.00 + Plaque of Recognition); 2nd Runner Up — Barangay Santolan (P 100,000.00 + Plaque of Recognition).
Nag-uwi naman ng P10,000.00 consolation prize ang iba pang mga barangay na lumahok.
Balikan ang mga masasayang kaganapan mula sa Paskotitap Float Parade 2023 sa mga link na ito:
Part 1: https://bit.ly/Paskotitap2023_Part1 ,
Part 2: https://bit.ly/Paskotitap2023_Part2