NOONG ika-15 ng Disyembre, idinaos ang kauna-unahang Unveiling Ceremony ng Taiwan Technical Mission Demonstration Farm sa Tarlac City, Tarlac.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng mga opisyal mula sa Taiwan Embassy at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor sa Pilipinas.
Sa pangunguna ni Ambassador Wallace Chow ng Taiwan Embassy, kasama ang mga kinatawan mula sa Manila Economic and Cultural Office na si Chairman Silvestre Bello 3rd, director-general ng Department of International Economic Affairs ng Ministry of Foreign Affairs Yupin Lien, at si Secretary-General Charles Li ng National Association, naging makulay at puno ng kaalaman ang seremonyang ito.
Dumalo rin dito sina OIC, Office of Undersecretary for Operations Engr. Roger Navarro, Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Eduardo Lapuz, Jr., Tarlac Governor Susan Yap, at Congressman Christian Yap.
Ibinida sa programa ang Unveiling Ceremony kung saan ipinakita at ipinakilala ang Taiwan Technical Mission Demonstration Farm.
Kasama sa mga tampok na lugar sa farm tour ang Agricultural Machinery Warehouse na nagpapakita ng iba’t ibang kagamitang pang-agrikultura, Agricultural Waste Processing Facility na nagtatampok ng composting demonstration, at ang mga Steel-structured Controlled Environment Greenhouses na may mga advanced na sistema para sa pagpapalago ng mga pananim at kulturang pang-agrikultura.
Dito rin ipinakita ang Demonstration Field Area na magpapakita ng iba’t ibang teknik at teknolohiya sa pagsasaka na maaaring magdulot ng malaking tulong sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
Ang nasabing aktibidad ay nagdulot ng bagong pag-asa at oportunidad para sa pagsulong ng sektor ng agrikultura sa Tarlac City, at nagbigay daan para sa mas mataas na antas ng kooperasyon at pagkakaunawaan sa pagitan ng Taiwan at Pilipinas sa larangan ng teknolohiya at agrikultura.