IDINAOS ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon ang turn-over ceremony ng cacao seedlings at organic fertilizer sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) noong ika-18 ng Disyembre, sa Bgry. Diniog, Dilasag, Aurora.
Pinangunahan ang aktibidad na ito ng High Value Crops Development Program ng Kagawaran katuwang ang lokal na pamahalaan ng Dilasag.
Sa panimula ng programa, ipinakilala ni Provincial HVCDP Coordinator Nelita Abordo ang mga dumalo at nagpaabot ng pasasalamat sa mga ito.
Nagbigay naman ng mensahe ang Municipal Agriculturist ng Dilasag, Elizabeth Pascual, Provincial Agriculturist, Arnold Novicio, at Barangay Captain ng Diniog, Christian Galope.
Ang nasabing cacao seedlings at organic fertilizer ay tinanggap ng tatlong asosasyon kabilang ang Diniog Coconut Planters Association, High Value Crops Cozo Farmers Association, at Samahan ng mga Mangingisda ng Sitio Dumaguipo at Dinipan.
Nagkakahalaga ang cacao seedlings at organic fertilizer na ito ng P4, 072, 301.66 bilang kabuuan.
Pasasalamat naman ang hatid ng mga asosasyon sa ipinagkaloob na ito ng Kagawaran at nangakong magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa produksyon ng cacao sa bayan ng Dilasag.
Bilang pagtatapos ng programa, nagbigay naman ng pangwakas na pananalita ang Report Officer ng DA RFO 3-HVCDP Christine Joy Corpuz.
Ani Corpuz, hiling ng Kagawaran na maging kapaki-pakinabang ang mga ipinagkaloob na ito sa tatlong asosasyon at magamit upang makatulong sa pagpapaangat at patuloy na pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa Lalawigan ng Aurora at maging sa ikatlong rehiyon.