28.8 C
Manila
Sabado, Marso 2, 2024

Para kanino ang karapatang pantao

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

NASIMULAN na natin ang diskusyon na ito ilang kolum na ang nakararaan. Dulot ng mga kadahilanan na di maiiwasan, naudlot ang pagpapatuloy ng topiko.

Nabuksan ang usapin dahil sa pagkapakulong ng kongreso kina Dr. Lorraine Badoy at Jeffrey Celis aka Ka Eric. Inakusahan ang doktora ng pagsisinungaling sa imbestigasyon ng Komite sa mga Prankisa ng kamara sa mga diumano’y paglabag ng SMNI sa mga alituntunin ng pamamahayag. Si Celis naman ay idinetine dahil sa pagtanggi na isiwalat kung sino ang kanyang pinagkunan ng impormasyon hinggil sa ibinunyag niyang P1.8 bilyon na ginastos sa mga paglalakbay ni House Speaker Martin Romualdez. Habang inilalayo mula sa mesa ng imbestigasyon, taas-kamaong naghamon pa rin ang ipinamamaraling dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan: “Thank you for this kangaroo court.” Ang kangaroo court ay isang huwad na pagdinig dahil labag sa mga nakagawiang kalakaran. Sa kanyang paghamon, iniaangat ni Celis ang sarili sa ranggo ng mga dakilang promotor ng di-matapos-tapos na “pakikibaka  para sa human rights.” Sa katunayan, sa isang interview ng media, mismong sa bibig ni Celis lumabas ang mga salitang “my rights are the rights of the people.”

Diyan tayo dapat na matakot: ang i-equate ang mga pansariling kirot sa kirot ng sambayanan. Nananahimik ang sambayanan sa pagintindi sa kanilang ikabubuhay sa araw-araw, bakit mo sila idadamay sa iyong hangal na pagpapakabayani? Ikaw lang ang tinatanong ng kamara, huwag mong isangkot pa ang bayan. Anong pakialam nila sa impormasyon na ibinunyag sayo? Minarapat mo na ibahagi ito sa publiko, pagtiisan mo ang anomang masamang ibubunga ng pagpapakadakila mo. At ganyan nga ang bunga na iyong napala nang patawan ka ng detensyon ng kamara dahil sa pagtanggi mong sabihin kung sino ang iyong impormante sa P1.8 bilyon na ginastos ni Speaker Romualdez sa kanyang mga paglalakbay.

Napakatuso ng pagsangkalan mo sa 1936 Sotto Law na nagsasabing hindi maaaring pilitin ang isang mamamahayag na ibunyag ang pinagkunan ng kanyang mga pahayag. Nasa larangan din tayo ng pamamahayag at sa ating mga sulatin, ang mga bagay na ayaw pangalanan ang impormante ay hindi natin isinusulat.

Sa usapin, halimbawa, ng Covid-19 na sa simula ay ibinando ng kanluraning media na nagbuhat sa Wuhan, China, nanindigan tayo, base sa mga dokumentadong impormasyon – na ating pinangalanan – na ang Corona virus ay likha sa laboratory, ipinasa sa US Army Medical Research Institute of Infectious Diseases (USAMRIID) upang paramihin. Nagkaroon ng leak ang virus sa research institute na nasa loob ng Fort Detrick, Maryland, USA. Mahigit 100 sundalong Amerikano na nahawaan na ng leak ang ipinadala sa Wuhan World military games noong Oktubre 2019. Ni isang medalya ay walang napagwagian ang Amerika, paano nga’t ang mga sundalong ipinadala nito upang lumahok sa palaro ay pawang mga pinanghina na ng corona virus na dala-dala nila sa Wuhan. Makaraang matapos ang games noong Disyembre 2019, pumutok ang outbreak ng Covid-19, na tinawag ni Presidente Donald Trump na Wuhan virus.


Sa paghahanap ng katotohanan sa pamamahayag, walang bato dapat na hindi nahahalukay. Lahat bungkalin. Huwag kang magtago sa isang batas na ginawa sa panahong ni wala pang telebisyon. Sa panahon ngayon na malawak na ang abot ng social media humanda kang danasin ang anumang hirap na kakaharapin mo.

Naalaala ko si Rod Reyes. Sa rubdob ng kanyang pasyon na ibulgar ang kasuluksulukan ng mundo ng iligal na druga sa Pilipinas, kinailangan niyang wasakin ang sarili sa pamamagitan ng pagpapakalulong sa masamang bisyo. Bilang isang drug addict lamang niya maaaring lusutin ang masalimuot na pader ng mga higanteng sindikato sa iligal na droga.

Sino ang nagbigay sayo ng impormasyon tungkol sa korapsyon ni Speaker Romualdez? Iyan ang tanong na humihingi ng sagot. Pinangahasan mo na rin lang na magpakatapang sa isyung ito, huwag ka nang magpakaduwag pa sa pamamagitan ng pagkanlong sa Sotto Law.

Hindi pinag-uusapan dito kung karapatan mo ang manahimik na lamang. Ang hinihingi ay magpaka-Rod Reyes ka, tinanghal na Journalist of the Year noong 1961 dahil sa totoong kabayanihan na kanyang ginawa.  Salungain mo ang bawat panganib, ang bawat tindi ng kasiraan sa iyong buhay at seguridad upang maisiwalat kung ano ang totoo.

Balik ngayon tayo sa pambungad na tema, ang kung turingan sa English drama ay histrionics, o kung tatagalugin ay kadramahan na nulas sa bibig ni Celis, “Ang mga karapatan ko ay mga karapatan ng sambayanan.” Dito dapat manginig sa takot ang ating mga tuhod. Ganitong-ganito ang pag-equate ni Ninoy Aquino sa sarili nang dakilain ang kanyang laban kay Pangulong Ferdinand E. Marcos. At totoong ang pagkahalina ng balana kay Ninoy ay umabot sa sukdulan na pag nag utos siya na tumalon kayo mula sa building, ang tanging itatanong ninyo ay: “Mula sa anong floor.” Ganyan halos diyosin na ng bayan si Ninoy. Pagkaraang mamatay siya sa pinaniniwalaang assassination noong 1983, parang kabuteng nagsulputan ang kanyang monumento sa mga liwasang bayan, simbolo ng kanyang pananagumpay laban kay Marcos. At tatlong taon pa, sa People Power Revolution noong Pebrero 1986, bumagsak si Marcos at hinalinhan ng balo ni Ninoy na si Cory. At mula noon, nagkawindang-windang na ang Pilipinas sa lahat ng aspeto ng pag-unlad nito.

 

Ano ang punto ng pagtatalakay ngayon? Na kaingat tayo sa pag-equate ng human rights ng isang individual sa human rights ng sambayanan. Sa isang kaayusang panlipunan na ang kapangyarihang pulitikal ay konsentrado lamang sa 1 porsiyento ng mga mamamayan, ang anomang karapatan ng 99 porsiyento ay ayon lamang sa kung ano ang ipinahihintilot ng 1 porsiyento pa rin.

Walang human rights ang mahihirap. Sa usapin na lamang ng pagkain, na siyang pinakaubod na karapatang pantao, anong karapatan ang sinasabi mo kung ganyan na kung wala kang pambili ng bigas para isaing ay hindi ka kakain. Kung karapatan mo ang kumain, dapat pinakakain ka ke sehuda kung meron kang kinita upang ipambili ng pagkain. Sa ilalim ng kapitalismo, sinasadya na hindi lahat ng tao ay may trabaho. Ito ang kondisyon upang manatiling mababa ang pasahod sa mga manggagawa. Samakatwid hangga’t kapitalismo ang sistema, isang pangarap lamang ang isipin na lahat ng 110 milyun na Pilipino ay pantay-pantay ang karapatang kumain. Marami sa kanila ay palamon ng kaibigan, kamag-anak o ng pamamalimos at panghahalukay sa mga basurahan.

Noong 1989, naganap ang pinagsanib na imbestigasyon ng mga Blue Ribbon at Justice Committee ng Senado sa Plaza Miranda Bombing noong Agosto 21, 1971; tatlong granada ang sumabog sa rally ng Liberal Party nang gabing iyun, kumitil sa buhay ng dalawang vendor na batang babae at sumugat sa mahigit isandaan, kabilang ang 12 kandidato ng LP sa pagka senador. Sa nasabing imbestigasyon, inamin ni dating Secretary General ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Ruben Guevarra na ang nag-utos sa pambobomba ay si Jose Maria Sison, kakutsaba si, hulaan ninyo, Ninoy Aquino.

Mahirap bang intindihin kung bakit sa matataas na opisyal ng Liberal Party na naroroon sa entablado ng LP rally, bukod tanging si Ninoy Aquino, na Secretary General pa mandin ng LP,  ang wala.

(May karugtong)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -