26 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Paalam Robert Solow

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -
NOONG Disyembre 21, 2023 namayapa na si Robert Solow, isang bantog na ekonomistang Amerikano, sa gulang na 99 taon. Si Solow ay ginawaran ng Nobel Memorial Prize sa Economic Sciences noong 1987 sa kanyang mga natatanging obra sa pagpapaliwanag ng pagsulong ng ekonomiya sa matagalang panahon.
Sa aking palagay at karanasan sa pagtuturo ng ekonomiks ng kaunlaran tatlong pangunahing kontribusyon ni Robert Solow sa pagpapalawak ng agham ng ekonomiks.
Una, binigyan niya ng sagot ang problema ng modelo nina Harrod (1939) at Domar (1946) sa pagsulong ng ekonomiya. Mula sa analisis at kongklusyon ni John Maynard Keynes, hinango nina Harrod at Domar ang kundisyon kung papaano lumalaki ang isang ekonomiya. Ito ay nakabatay sa paglaki sa istak ng capital na pagpapalawak sa pangkalahatang demand at pangkalahatang suplay. Sa kanilang modelo nauwi sa dalawang pangunahing salik, pag-iimpok (s) at produktibad ng capital (1/v) ang nagtatakda ng bilis ng paglaki ng capital. Mula sa pag-iimpok nanggagaling ang pondo upang tustusan ang pandagdag sa capital o pangangapital. Kung mataas ang pag-iimpok at mataas din ang produktibidad ng capital bibilis ang paglaki ng capital at sa kalaunan ang paglaki ng isang ekonomiya. Ang naging problema nina Harrod at Domar ay hindi nila naipaloob sa kanilang modelo ang paglaki ng hukbong paggawa, isang pangunahing sangkap sa produksiyon. Halimbawa, kapag mas mabilis ang paglaki ng paggawa kaysa paglaki ng capital, maaaring mauwi ito sa sobrang manggagawa o desempleo ng mga manggagawa. Ito ay nangyayari dahil ipinagpapalagay ng modelo na may takdang koepisyente o proporsiyon sa pagitan ng capital at paggawa sa proseso ng produksiyon.
Sa modelong isinagawa ni Solow (1956), nasagot niya ang problema sa pamamagitan ng pagpapalagay na nagbabago ang proporsiyon ng capital sa paggawa (K/L) sa proseso ng produksiyon. Halimbawa,  kung ang paglaki ng hukbong paggawa (n) ay mas mabilis sa paglaki ng capital, bababa ang ratio ng K/L na magpapataas na produktibidad ng capital na magpapabilis sa paglaki ng capital hanggang pumantay ito sa bilis ng paglaki ng paggawa. Kung ang bilis ng paglaki ng hukbong paggawa ay mas mabagal naman sa bilis na paglaki ng capital, tataas ang ratio ng K/L na magpapababa ng produktibidad ng capital at magpapabagal na paglaki ng capital hanggang umabot ito sa paglaki ng paggawa. Samakatuwid, sa tinatawag niyang steady state, ang paglaki ng capital ay dapat pumantay sa paglaki ng paggawa. Sa kundisyong ito maiiwasan ang desempleo ng mga produktibong sangkap. Samakatuwid, ang lahat ng produktibong sangkap at pati na rin ang pambansang kita, pagkonsumo ay dapat lumalaki sa bilis ng paglaki ng hukbong paggawa (n) upang matamo ang steady state.
Ikalawa, ipinakita niya na sa matagalang panahon ang paglaki ng hukbong paggawa at pangangapital ay walang epekto ng pangmatagalang kagalingan ng mga mamamayan. Batay sa kanyang kongklusyon dahil ang pambansang kita ay tumaataas sa bilis na (n) at ang populasyon ay tumataas din sa bilis na (n), walang pagbabago sa kita bawat tao sa hinaharap. Ganoon din ang nangyayari sa pagkonsumo bawat tao, hindi ito nagbabago dahil sa kundisyon ng steady state. Kaya, ang sabi ni Solow, sa matagalagang panahon dahil pareho lamang ang bilis ng paglaki ng capital at bilis ng paglaki ng pambansang kita sa bilis ng paglaki ng paggawa o populasyon ang antas ng kagalingang ekonomiko ng mga mamamayan ay hindi nagbabago. Ang lumalaking pambansang kita sa bilis na (n) ay pinaghahatian ng lumalaking populasyon sa bilis na (n).
Ikatlo, sa kanyang mga obra, modelo, ipinagpapalagay at kongklusyon, binigyan ni Solow ng daan ang mga nakababatang ekonomista sa pangunguna ni Romer (1986) na hamunin ang kanyang modelo na nauwi sa makabagong teorya ng paglaking ekonomiko. Ipinagpapalagay ni Solow na ang capital ay sumasailalim sa prinsipyo ng lumiliit na balik o produktibidad. Mayroon ding takdang balik ang mga produktibong sangkap. Ibig sabihin kapag ang paggawa at capital ay itinaas nang dalawang beses, ang produksyon ay tataas din ng dalawang beses. Isa pang ipinagpapalagay ng modelo ng Solow ay ang pagiging exogenous ng pagtatakda ng halaga ng capital. Ang ibig sabihin nito ay naitatalaga ang antas ng capital sa labas ng modelo. Ang mga ipinagpapalagay na ito kasama na ang mga kongklusyon ni Solow ay naging hamon sa mga nakababatang ekonomista upang baguhin ang modelo na tinawag nilang Endogenous Theory of Economic Growth. Dito, ipinagpapalagay nila na ang capital ay endogenous dahil naitatakda ito sa loob ng modelo at may mga epekto ito sa produktibidad ng paggawa, kasalukuyang capital at iba pang produktibong sangkap. Dahil sa pagiging endogenous ng capital hindi ito sumasailalim sa prinsipyo ng lumiliit na balik bagkus may papataas ng balik ito bunga nga ng mga epekto nito sa iba’t ibang produktibong sangkap sa produksiyon. Dahil sa mga ipinagpapalagay na ito, natugunan nila ang limitasyon sa modelo ni Solow at sa matagalang panahon naitataas ng pangangapital at ekonomikong paglaki ang kagalingang ekonomiko ng mga mamamayan.
Sa ating pamamaalam sa bantog na ekonomista, dapat tayong magpasalamat sa kanyang mga halimbawa at obra kung saan ipinakita niya kung papaano ang agham ng ekonomiks ay ipinalalawak at pinalalalim upang makapag-ambag hindi lamang sa pagpapatingkad sa disiplina ngunit sa pagpapataas ng antas ng kagalingan ng mga mamamayan. Maraming salamat, Robert Solow at paalam.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -