28.9 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Idulog nawa tayo ng Pangulo kontra digma’t gulo

- Advertisement -
- Advertisement -

 

SA panawagan ng mga deboto ng Birheng Maria at nitong ating pitak noong Disyembre 8, Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria, ang pangunahing padron ng Pilipinas, isinasamo sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng pagsasabanal o consecration ng ating bayan sa Kalinis-linisang Puso ni Maria.

Ito ang nangyari sa Portugal noong 1931 at 1938, matapos magpakita ang Mahal na Birhen noong 1917 sa bukiring burol ng Fatima sa bansang karatig ng Espanya. Dahil dito, sa paniwala ng mga deboto, hindi nadamay ang Portugal sa Pangalawang Digmaang Pandaigdig at maging sa giyera sibil sa Espanya.

Gaya noong panguluhan ni Rodrigo Duterte, may mga tinig na kontra sa pagsasabanal o konsagrasyon, bagaman wala namang mawawala sa atin kung gawin ito at magtatamo pa ng sanggalang ng Diyos, sampo ng suporta ng 85 milyong Katolikong Pilipino.

At di-gasino ngayon ang mga banta ng dahas at digmang nakaumang sa atin at mabuting ihingi ng proteksiyon sa Maykapal.


Nag-iinit ang karagatan

Pihadong nangunguna sa mga banta ang tumitinding girian at tagisan natin sa China sa West Philippine Sea (WPS) sa kanluran ng Palawan na saklaw ng ating exclusive economic zone (EEZ).

EEZ ang karagatang may layong 200 milyang dagat o nautical miles mula sa ating baybayin, kung saan Pilipinas ang tanging may karapatang makinabang sa mga yamang dagat sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o Unclos, ang pandaigdigang kasunduan tungkol sa mga karagatan.

Sa malaking bahagi ng taong kasalukuyan, bumagsik ang kilos ng China sa WPS, lalo na sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG), ang nagmamatyag at nagtatanggol ng mga baybayin natin. Ginamitan sila ng Chinese Coast Guard ng nakasisilaw na ilaw laser at malakas na kanyong tubig, at sinagian pa ang ilang bangka ng Pilipinas.

- Advertisement -

Nagsimula ito matapos pilitin ng Estados Unidos ang Pangulong Marcos payagan ang US gamitin ang siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Aywan ko lang, pero kung ipagamit natin ang Pilipinas sa mga barko at eroplanong US na may kakayahang atakihin ang China ng atomika at di-atomikang pasabog, kataka-taka bang bumagsik ito laban sa atin?

Ibig din ng China ipakita sa buong Asya na kung papasok ang US, lalong gugulo. Samantala, may pakinabang din ang Amerika: pinalalabas sa tagisang WPS na agresibo ang China.

Bunga rin ng girian para sa US ang lumalagong takot sa China upang pumayag tayong pumasok ang hukbong Amerikano, sa kabila ng panganib ng digmang dala nito.

Susog din ang tagisang China-Pilipinas sa hangad ng US magpatuloy lampas Abril ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), ang basehan ng paggamit ng Amerika sa mga baseng AFP.

May banta rin sa ekonomiya. Nawala ang pautang ng China para sa malalaking imprastraktura. Baka bumaba rin ang turismo at kalakal, at maging ang 200,000 Pilipinong nagtatrabaho sa Hong Kong at Macau posibleng madehado.

- Advertisement -

Mangyari, mas masahol pa ang ganti ng US nang halos maglagay ang Rusya ng mga missile sa islang Cuba noong 1962. Mahigit 60 taon mula noon, patuloy ang mahigpit na embargong US dahil pumayag ang Cuba maging sandata ng Rusya. Naging sandata rin tayo laban sa China nang buksan ni Marcos ang mga base militar sa Amerika.

Nag-aalmang rebelde at terorista

Dalawa pang bantang dahas ang posibleng pagtindi ng labanan ng AFP at ng komunistang New People’s Army o NPA, at ang panibagong terorismo sa Mindanao sa susog at pondo ng Islamic State (IS), ang radikal na grupong Gitnang Silangan.

Binuhay muli ng Pangulong Marcos ang usapang kapayapaan sa mga rebeldeng komunista, bagaman tutol ang ilang bahagi ng AFP at pati si Bise-Presidente Sara Duterte.

Tuwing tigil-putukan kasi, lalong umaatake ang NPA, naglilikom ng armas at pera, at humihiling pakawalan ang mga pinunong tagapayo raw sa negosasyon.

Bakit pumayag si Marcos sa usapang inihinto ng administrasyong Duterte dahil nga sa pagsasamantala ng NPA? Maaaring dahilan ang pakay ng US patahimikin ang kaliwang sector hinggil sa mga baseng EDCA.

Sa mga dekadang nagdaan, wala patid ang pagtutol ng komunista sa tropang Amerika sa Pilipinas. Ngunit ngayon, tahimik sila, gaya ng pamunuan at media ng bansa. Bakit?

Malamang para sa usapang kapayapaan ngayong natatalo ang NPA sa pinalakas ng programang gobyerno at militar kontra-rebelde. Upang makapagpalakas muli habang tigil-putukan, tameme ang kaliwa sa baseng pagamit sa US.

Ngayon, kung sisiglang muli ang NPA, lalo ring aatake ang mga teroristang bunsod ng IS. Sa gayon, nanganganib ang mamamayan at sundalong Pilipino dahil sa pakay ng US huwag tuligsain ng kaliwa ang mga baseng gagamitin nito.

Sa tatlong nagbabantang dahas, hindi lamang malakas na AFP ang kailangan, kundi ang pagtatanggol ng Diyos. Sama-sama nating ipanalangin sa Enero 1, kasama nawa ang Pangulong Marcos:

Sa Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos, at sa Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan, iadya nawa ang Pilipinas sa digma at ligalig, sa pamamagitan ng Pagsasabanal sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birhen. Amen.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -