28.9 C
Manila
Linggo, Hulyo 21, 2024

Relevant pa rin ba ang telebisyon ngayong 2024?

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

NITONG Disyembre 10, pinangunahan ng aming ahensya – ang National Council for Children’s Television (NCCT) – ang pagdiriwang ng National Children’s Broadcasting Day o Pambansang Araw ng Brodkasting para sa Kabataan. Layunin ng naturang selebrasyon na itampok ang pag-unlad ng palabas na makabata sa telebisyon. Katuwang ng NCCT ang Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) at Philippine Information Agency (PIA) sa pagdiriwang nito.

Ilang beses na akong natanong sa kung gaano pa ka-relevant ang telebisyon sa buhay ng pamilyang Pilipino. Maski sa Senado ay minsan na ring naitanong ito sa akin ni Senator Sherwin Gatchalian (pati na ng iba pang senador) kung gaano pa ba kahalaga ang telebisyon sa ngayon. Ayon sa kanya, ang mga pamangkin niya ay sa youtube na at sa iba pang social media platform nanunuod. Halos tablet at cellphone na ang bitbit ng mga bata’t kabataan ngayon. Marami pa rin bang nanunuod ng TV?

Sa isang forum na idinaos sa College of Mass Communication ng UP Diliman, napag-usapan na rin ang kalagayan ng mga palabas na pambata sa telebisyon ngayon. May isa pa ngang estudyante na nangahas magtanong sa ‘kung ano ba ang mayroon sa TV na wala sa social media kung kaya’t dapat nila itong tangkilikin.’

Panahon na ng tinatawag na ‘digital age’ at marami nang mga bagong plataporma kung saan pwedeng maka-access ang mga tao upang manood ng mga content o palabas. Ang tanong tuloy ay kung relevant pa rin ba ang television sa nagbabagong panahon? Ang atin bang mga anak, pamangkin, o apo ay sa TV pa rin ba nanonood?

Upang malaman natin kung relevant pa ang TV at kung nakaangkla pa ang mga programa ng NCCT sa katayuan ng industriya, nagsagawa ang aming ahensya – ang National Council for Children’s Television (NCCT) – ng survey sa mahigit isandaang magulang o guardian na may mga anak na may edad labimpito at pababa (17 and below). Sinagutan ng mga magulang ang mga tanong na may kinalaman sa television viewing habits ng kanilang mga anak.


Ang survey ay inilabas sa official Facebook page ng NCCT. Isinagawa ito mula September 30 hanggang October 7 ngayong taong ito.  Sinagutan ito ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Unang inalam sa survey ay kung mayroong TV sa kani-kanilang mga tahanan. Ayon sa survey, 89 porsiyento ng mga magulang ang nagsabing mayroon silang TV.

Tinanong rin sa survey kung ano ang source ng TV programs na pinapanood ng kanilang mga anak. Mahigit kalahati  (52.6 porsiyento) ng mga sumagot ang nagsabi na sa Internet (partikular sa YouTube, at mga Online Streaming Platforms gaya ng Netflix, Disney+, at HBO Go) nanunuod ang mga bata. Lumabas din sa survey na malaking porsyento o katumbas ng 84 porsiyento ng mga magulang ang nagsabing nanonood pa rin sa TV ang kanilang mga anak.

Halos lahat  (94.1 porsiyento) naman ng mga magulang ang nagsabing kasama sila ng kanilang mga anak tuwing nanonood sila sa TV. Nang suriin kung gaano ito kadalas nangyayari, 52.5 porsiyento sa mga magulang ang nagsabing paminsan-minsan lamang; 30 porsiyento ang nagsabing palagi; at 17.5 porsiyento naman ang bihira.

- Advertisement -

Tinanong din sa survey kung sa tingin nila ay may sapat na pambatang palabas sa kasalukuyan. Batay sa survey, 42.4 porsiyento ng mga magulang ang naniniwalang hindi sapat ang bilang ng mga palabas na pambata sa TV. Samantala, 29.4 porsiyento naman ang naniniwalang may sapat na dami ng mga palabas na angkop sa mga bata ang napanonood ngayon sa TV. Sa kabilang banda, 28.2 porsiyento naman sa mga magulang ang nagpahayag na hindi sila sigurado.

Sinamantala rin ng NCCT ang pagkakataon upang makuha ang pulso ng mga magulang tungkol sa ibang gadgets o devices maliban sa TV na ginagamit ng mga bata sa panonood ng mga media content.

Mahigit kalahati ng mga sumagot (55.8 porsiyento) ang nagsabing ‘smartphone’ ang pinaka-ginagamit ng mga anak nila sa panonood. Pangalawa lamang ang TV na may 23.9 porsiyento. Sumunod dito ang tablet na may 15 porsiyento at laptop/computer na may 5.3 porsiyento.

Kung pagkukumparahin, sinasabing isa hanggang dalawang oras (1-2 hours) ang ginugugol ng mga bata sa panonood ng TV. Samantalang sa smartphone, inaabot sila ng dalawa hanggang tatlong oras (2-3 hours) sa maghapon.

Upang mas maintindihan ang media consumption ng mga bata, ginanap noong  October 11 ang Child-Friendly Media Huddle, isang online dialogue sa pagitan ng mga magulang at content creators mula sa ilang television stations sa bansa. Layunin ng dialogue na ito na malaman ang media consumption ngayon ng mga kabataan. Maaari itong gamiting gabay ng mga content creators at ng mga TV stations sa paggawa ng mga palabas na pambata.

Tinalakay rin dito kung nanonood pa ba sila sa telebisyon at kung ano ang gusto nilang mapanood ng kanilang mga anak sa TV. Matutunghayan ang highlights ng nangyaring Child-Friendly Media Huddle (noong October 11) sa FB page ng NCCT. Dito’y malalaman natin ang opinyon ng mga magulang at content creators sa kasalukuyang media consumption ng mga kabataan.

- Advertisement -

Naniniwala ako na hindi malalaos ang telebisyon sa Pilipinas. Bawat bansa naman ay magkakaiba. Hindi lahat ng tahanan sa Pilipinas ay may internet connection lalo na sa malalayong baryo at mga komunidad sa mga isla. Alam kong magtatagal ang paggamit natin ng telebisyon dahil sa ganitong kalagayan.

Kung pinag-uusapan man sa mga developed countries ang sinasabing ‘death of television,’ naniniwala pa rin akong magtatagal ang TV sa mahaba-haba pang panahon. Habang nandito ito, gawin natin ang lahat ng ating magagawa upang magkaroon tayo ng maraming palabas na child-friendy at family-friendly.

Hindi lamang ang NCCT ang nangangarap ng ganitong media landscape. Kaagapay rin namin ang ‘Anak TV’ sa pagtataguyod ng isang makabata at pampamilyang panuorin. Umaasa akong magiging mabunga ang taong 2024 pagdating sa usaping ito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -