27.2 C
Manila
Sabado, Enero 4, 2025

Nazareno 2024: Debosyon,  Traslacion  at Misyon

- Advertisement -
- Advertisement -

INILABAS na ang opisyal na logo at tema para sa paggunita ng Nazareno 2024.

Ang tema ngayong taon ay “Ibig po naming makita si Jesus” na mula sa Juan 12:21.

Ang magaganap na debosyon, traslacion at misyon ay ipinaliwanag din. Narito ang paliwanag sa tema.

Iniibig ng mga Griyego na makita si Jesus. Ang apat na tao sa logo ay sumasagisag din sa atin sa panahon ngayon na mga taong may pagnanais na makita si Jesus. Katulad ng mga Griyego na naghahangad na makaranas ng himala na marahil ay kanilang narinig na sa maraming tao, gayundin ang paghahangad ng mga tao hanggang sa ngayon na patuloy na pumupunta sa tahanan ng Poong Jesus Nazareno, naghahangad ng himala, ng magbibigay kaginhawaan, magbibigay kapayapaan, magpupuno ng puso na hindi mahanap sa mga bagay sa mundong ito. Marahil napagtanto ng mga tao at lalo na ng mga deboto na mahirap mapunan ang iniibig ng puso kung hindi nito hahanapin at bubuksan ang sarili sa tunay na umiibig dito. Tanging ang mahal na Poong Jesus Nazareno lamang ang makakapagpuno sa ating mga puso.

Sa ating paghahangad na makita si Jesus, katulad sa Ebanghelyo, hindi isang Griyego lamang ang naghahangad na makita si Jesus. Ibig sabihin, hindi tayo mag-isa sa paghahangad na mahanap ang tunay na makapagpupuno ng ating mga puso. Marami tayong naghahangad at naglalakbay upang mahanap ang tunay na magbibigay ng kapayapaan sa buhay. Ito rin ang makikita natin sa tahanan ng Poong Jesus Nazareno sa Quiapo. Maraming tao ang sama-samang naglalakbay upang makita ang mukha ng Poong Jesus Nazareno. Maraming tao ang nagtataas ng kanilang mga kamay sa panalangin at nagbubukas ng kanilang mga puso upang Siya na ang bahalang gumawa ng mabubuting bagay sa kanilang mga buhay.

Yung paghahangad na makita, hindi lamang tungkol sa karanasan na makita ng mata yung imahe ng Poong Jesus Nazareno. Kasama sa paghahangad ng mga Griyego at ng mga tao ngayon ay yung karanasan na makatagpo si Jesus, yung karanasan na makausap si Jesus, yung karanasan na makilala pa si Jesus, at yung karanasan na makapitan si Jesus. Mapapansin natin na itong pakikipagtagpo kay Jesus ang isang mahalagang paraan upang lumakas ang pananampalataya ng bawat isang lumalapit sa kanya na talagang nahihirapan na. Ito ang isang mahalagang pakikipagtagpo na tumutulong sa mga taong makita ang daan, ang katotohanan, at ang buhay na alay ni Jesus sa lahat, buhay na mapayapa, maginhawa, at maligaya.

Patuloy na bumabalik at nagpupunta ang mga tao dahil sa karanasan nila ng kaligtasan sa Poong Jesus Nazareno. May tunay na karanasan sila ng pagmamahal ng Diyos lalo na sa mga serbisyong inihahandog ng Quiapo Church sa mga tao. Patunay na ang pagtugon ng bawat isa sa tawag ng Diyos na magmahal at maglingkod ay tunay na pagpapakita ng mukha ni Jesus Nazareno sa mundo. Nawa patuloy nating ipakita ang kanyang mukha, patuloy nating iparanas ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng paghahandog ng serbisyo sa mga tao.

Yung ating karanasan ng paglilingkod ni Jesus at yung karanasan ng ibang mga tao ng pagmamahal ni Jesus sa pamamagitan ng ating paglilingkod ay maging inspirasyon sana ng lahat na tunay na magpalalim ng ugnayan sa Panginoon. Ito ang paraan upang patuloy na maipakita ang mukha ni Jesus sa mundo.

Kaya, patuloy mong ibiging makita si Jesus, patuloy mong ibiging makilala si Jesus, at patuloy mong mahalin si Jesus upang ang buhay maging katulad ng sa buhay ni Jesus at ang buhay maging mukha ni Jesus sa mundong ibig siyang makita. (Teksto at poster mula sa Facebook page ng Manila Public Information Office)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -