25.7 C
Manila
Sabado, Disyembre 28, 2024

Regular na pagdonate ng dugo, panawagan ng Pangasinan Health Office sa publiko

- Advertisement -
- Advertisement -

KASABAY ng pagsalubong sa bagong taon, muling ipinanawagan ng Pangasinan Provincial Health Office (PHO) ang regular na pagdo-donate ng dugo ng mga kwalipikadong donor upang makatulong sa pagdugtong ng buhay ng nangangailangan ng dugo.

Ayon kay Dr. Cielo Almoite, provincial health officer I ng Pangasinan PHO, bagamat karaniwang mas mataas ang bilang ng pangangailangan ng dugo tuwing holiday season, buong taon umano ay nararanasan ang mababang supply ng dugo sa mga blood centers sa lalawigan.

Kaya naman kanilang ipinapanawagan sa publiko na gawing regular ang pagbabahagi ng dugo at pakikiisa sa mga blood donation drive.

“Ang dugo ay kailangan natin kapag may aksidente na kailangan operahan, kapag manganganak ang mga nanay, at para sa mga dengue patients at mga may cancer na pasyente. Ang nakikita po namin na rason kung bakit mababa ang nakukuha natin na supply ng dugo sa buong probinsya ay ‘yong kaisipan ng ating mga kababayan na takot na magdonate ng dugo,” ani Almoite.

Aniya sa halip na isipin ang sakit ng tusok ng karayom tuwing magbibigay ng dugo, ang dapat umanong isaisip ng publiko ay ang benepisyong dulot nito sa katawan at ang karangalan na makapagsagip ng isang buhay.

Ani Almoite, ang regular na pagdo-donate ng dugo ay nakakapagpabuti sa function ng circulatory system ng katawan ng tao.

“Ang isang bag ng dugo ay kayang magdugtong ng buhay ng dalawa hanggang tatlong tao, kaya napakaimportante po na kung kayo ay eligible na mag-donate ng dugo ay magbigay po tayo ng dugo kada tatlong buwan dahil kada 90 araw ay nare-replenish ang ating red blood cells,” ani Almoite.

Ayon kay Almoite, maaaring magdonate ng dugo ang isang malusog na indibidwal na may edad 18 taong gulang hanggang 65 taong gulang na may timbang na hindi bababa sa 50 kilo.

“Kailangan bago ang araw ng pagdodonate ng dugo ay dapat na mayroong sapat na tulog, kumain ng masustansyang pagkain — iwasan ‘yong matatabang pagkain — at kung may iniinom na maintainance ay uminom sa tamang oras para maiwasan na tumaas ang ating blood pressure during the time ng pag-screen ng ating dugo,” dagdag ni Almoite.

Ani Almoite, ang mga nais magdonate ng dugo ay maaaring magtungo sa mga blood bank ng Philippine Red Cross na matatagpuan sa mga lungsod ng Alaminos, Dagupan, San Carlos, at Urdaneta.

Aniya, maaari ring magdonate sa mga blood donation drive na tuloy-tuloy na isinasagawa ng Pangasinan PHO katuwang ang lokal na pamahalaan sa iba’t ibang bayan sa lalawigan. (JCR/AMB/EMSA/PIA Pangasinan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -