SINISIKAP ng Department of Information and Communications Technology Cordillera (DICT-CAR) na maikonekta ang mga komunidad sa rehiyon sa pamamagitan ng internet.
Ayon kay DICT-CAR Operations Technical Division chief Allan Lao, sa pinakahuling datos ng mga ito ay nasa 28 porsiyento pa lamang sa mga bayan sa Cordillera ang may disenteng internet connection na layunin nilang madagdagan ngayong taon.
Aminado naman si Lao na nananatiling hamon sa kanilang tanggapan ang bulubunduking lupain sa rehiyon lalo na sa paglalatag ng mga kinakailangang mga equipment.
“Isang constraint talaga natin ‘yung paglatag ng kable kaya ang ginagawa po natin dito sa Cordillera ay gumagamit tayo ng iba’t ibang technology,” pahayag ni Lao.
Aniya, kasalukuyan ngayon ang pag-install ng very small aperture terminal (VSAT) sa mga lalawigan. Ang VSAT ay ideal satellite network na nagbibigay ng communications support sa maraming aplikasyon gaya na lamang ng internet access.
Dagdag ni Lao, may na-procure na rin ang DICT para sa satellite internet service na Starlink. Aniya, sumasailalim na sa pagsasanay ang mga kasama nila na mangangasiwa sa naturang serbisyo na inaasahang idedeploy sa mga liblib na lugar sa lalong madaling panahon.
Tinitingnan na rin ng DICT ang posibilidad ng paggamit ng Internet Protocol (IP) radio kung saan, maglalagay ang ahensiya ng microwave sa Mt. Sto. Tomas sa Tuba, Benguet na siyang magbabato ng bandwidth na hanggang isang gigabyte.
Ayon kay Lao, nakikipag-ugnayan din sila sa mga electric cooperatives para sa posibleng paggamit nila ng pasilidad ng mga ito para sa mas mabilis na pagpaparating ng internet connectivity sa mga komunidad.
Umaasa rin sila na sa Pebrero o Marso ay makarating na sa Cordillera ang National Fiber Backbone na bahagi ng National Broadband Plan.
Ang Cordillera ay kabilang sa Phase 1 ng naturang proyekto. Kapag nakumpleto ang connectivity link-up ay inaasahang mas magiging mabilis ang internet connectivity at maserserbisyuhan ang iba pang lugar sa rehiyon. (DEG-PIA CAR)