26 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Pedestrian safety ordinance, ipatutupad na sa Puerto Princesa

- Advertisement -
- Advertisement -

IPATUTUPAD na ng pamahalaang panlungsod ng Puerto Princesa sa pamamagitan ng City Traffic Management Office (CTMO) katuwang ang iba pang ahensiya na may kinalaman sa trapiko ang Ordinansa Bilang 1215 o ang Pedestrian Safety Ordinance.

Ayon kay city information officer Richard Ligad, sisimulan ang pagpapatupad ng ordinansang ito sa Enero 15,  kung saan layunin nito na maipaintindi sa mga motorista ang kahalagahan ng mga tamang tawiran ng tao o mga pedestrian lanes.

Nakasaad sa ordinansa na lahat ng mga uri ng mga sasakyang de-motor at ang mga bisikleta ay dapat huminto sa mga pedestrian lanes.

Base rin sa ordinansa na 10 metro bago ang pedestrian lanes ay dapat nang magdahan-dahan sa pagpapatakbo ng mga sasakyan ang mga tsuper nito at tumigil ng husto sa alinmang pedestrian kahit isang tao lamang ang tumatawid.

Pinapayuhan din ang mga motorista na kailangang maghintay pa ng limang segundo hanggang matapos na makatawid sa tawirang pantao bago muling patakbuhin o paandarin ang mga sasakyan o bisikleta at palaging gawin ang nararapat na pag-iingat upang maiwasan ang anumang uri ng aksidente.

May kaakibat na parusa o multa sa mga lalabag dito. Sa unang paglabag ay may multang P500; P1,000 naman sa ikalawang paglabag at P1,500 sa ikatlong paglabag.

Pinalalahanan naman ni Ligad ang publiko na gamitin ang pedestrian lanes sa pagtawid upang maging ligtas at makaiwas sa aksidente na sanhi ng jaywalking, hit and run, side sweeping at iba pang kahintulad na disgrasya. Ang nasabing ordinansa ay iniakda ni city councilor Victor Oliveros at inaprubahan ni Mayor Lucilo R. Bayron noong 2023. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -