28.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 14, 2024

Testing sa mga water sources sa Baguio, inigtingan kasunod ng acute gastroenteritis outbreak

- Advertisement -
- Advertisement -

PUSPUSAN ang pagsasagawa ng inspeksyon at water sampling sa mga water sources kabilang na ang establisyemento sa lungsod kasunod ng deklarasyon na may outbreak ng acute gastroenteritis (AGE) dito.

Sa pinakahuling ulat ng City Health Services Office (CHSO) nitong Huwebes, Enero 11, umakyat na sa 2,199 ang naapektuhan ng AGE batay sa self-reporting system ng naturang tanggapan.

Ang AGE ay maaaring dulot ng viral o bacterial infections kung saan, kabilang sa sintomas ang diarrhea, pagsusuka, at abdominal cramps.

Idineklara ni Mayor Benjamin Magalong ang acute gastroenteritis outbreak sa Baguio City kasabay ng Ugnayang Panlungsod nitong Miyerkules, Enero 10. (Larawan: Baguio City PIO)

Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, naglatag na sila ng plan of action upang mapigilan at maimbestigahan ang sanhi ng nasabing outbreak.

Aniya, patuloy ang pagsasagawa ng Baguio Water District (BWD) ng testing sa mahigit 60 na water sources nila gamit ang Total Dissolved Solid (TDS). Pinabibilisan din ang pag-test sa mga water samples sa mga suspected sources.

“Nagte-test sila ngayon, using that instrument (TDS). ‘Yun na lang muna ang ginagamit para at least, ma-narrow down namin. Kung sino ‘yung mga hindi pumasa dun sa TDS, ‘yun ngayon ang temporary na isasara muna tapos kukunan ng water sample,” ayon sa alkalde.

Siniguro ng opisyal na ginagawa nila ang kanilang makakaya katuwang ang mga kinauukulang opisina upang matugunan ang nasabing suliranin.

Sa katunuyan ay tumutulong na rin ang mga kawani ng Baguio City Police Office sa CHSO at sa BWD sa data gathering at water testing operations upang malaman ang sanhi ng pagtaas ng kaso ng AGE sa lungsod.

“Rest assured that we’re doing everything to contain this outbreak. Magtiwala lang po kayo sa amin. Ide-determine ho talaga naman kung saan ang source para talagang ma-address natin agad itong problema na ito,” pagtitiyak ni Magalong.

Makikipag-ugnayan ang pamahalaang panlungsod sa mga kalapit na LGUs na nakapagtala rin ng kaso ng gastroenteritis para sa pagsasagawa ng water testing.

Sa tala ng CHSO, karamihan sa natanggap nilang report ay nangyari mula Enero 2 hanggang Enero 8. Mula sa 492 na pasyente na nagpakonsulta sa mga health facilities, 64.4 percent ang mayroon pang mga sintomas ng AGE.

Karamihan o 63.6 percent ang kumain sa food establishment, 13.2 percent ang nag-take out ng pagkain, 11.2 percent ang kumain ng lutong-bahay, habang ang 12 percent ay may iba’t ibang kadahilanan.

Kabuuang 218 ang naitalang pasyente mula sa labas ng Baguio habang 204 ang sa kalapit na mga bayan. Nasa 113 naman ang pasyente mula sa Barangay Bakakeng Norte, 94 sa Irisan, 90 sa Camp 7, at ang nalalabing bilang ay mula sa iba’t ibang barangay.

Nagbigay ng paalala si City Health Services Officer Dr. Celia Flor Brillantes sa mga nakararanas ng acute gastroenteritis, sa Ugnayang Panlungsod nitong Miyerkules, Enero 10. (Larawan: Baguio City PIO)

Pinapayuhan ni City Health Services Officer Dr. Celia Flor Brillantes ang mga nakararanas ng AGE na huwag hayaang ma-dehydrate ang sarili at magtungo sa mga pinakamalapit na health centers upang makaiwas sila sa komplikasyon.

“If ever po na mayroon pa hong nagkakasakit lalo na sa mga communities … mabuti po na pumunta sila sa pinakamalapit na health centers po para mabigyan ho ng tamang medisina, lunas sa kanilang sakit sa pagtatae, masakit ang ulo, tiyan. ‘Yung iba pong kaso natin ay may vomiting. Para ho maiwasan natin ang komplikasyon,” sabi ni Brillantes.

Ipinapayo rin ang hindi pag-inom ng tubig mula sa gripo at uminom na lamang ng purified o bottled water, o pakuluan muna ang tubig bago inumin. Binigyang-diin din ang maiging paghuhugas ng kamay at proper food handling. (DEG-PIA CAR)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -