BINIGYANG-DIIN ni Kalihim Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment (DoLE) na hindi maaaring gamitin ang programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad) bilang kapalit ng mga lagda para sa people’s initiative drive na amyendahan ang Konstitusyon.
Ang pahayag ay kasunod ng mga alegasyon na ang Tupad, isang emergency employment program ng DoLE, kasama ng iba pang mga programa ng pamahalaan, ay ginagamit bilang suhol sa mga indibidwal para ilagay ang kanilang mga lagda bilang suporta sa mga nagtagataguyod ng people’s initiative.
“Nakakalungkot naman, kasi ang Tupad magandang programa na ang layunin po makatulong doon sa tinatawag nating sektor ng disadvantaged at displaced workers,” naunang pahayag ni Kalihim Laguesma.
“Hindi po puwede na ipangako po ‘yan dahil mayroon pong proseso—nagkakaroon ng profiling kung eligible ka, at dapat masunod din yung mga requirements sa documentation ng ating Commission on Audit,” paliwanag niya.
Idinagdag ng Kalihim na may mga safeguards para matiyak ang wastong pagpapatupad ng cash-for-work program, kabilang ang masusing pagsusuri ng mga benepisyaryo at ang koordinasyon sa mga regional office at local government units.
“Ito po ay cash-for-work, hindi po ito yung dole out lamang – ito po’y pinagtatrabahuhan at mayroong minimum at maximum period at lagi po ang sweldo rito ay bumabatay sa existing na minimum wage sa anuman pong rehiyon na mayroong programa ang DoLE na Tupad,” dagdag niya.
Sa hiwalay na panayam noong ika-9 ng Enero, nagpahayag ng pagkadismaya ang kalihim sa diumano’y pagkakasangkot ng Tupad bilang isang insentibo upang akitin ang publiko na sumali sa isang political initiative.
Simula ng ito ay ipatupad, ang implementasyon ng Tupad ay mariing sumusunod sa umiiral na mga alituntunin at mga panuntunan sa pag-audit, dahilan para ang DoLE ay kilalanin bilang isang natatanging ahensya ng pamahalaan pagdating sa pag-disburse at disposisyon ng pondo, ayon sa Kalihim.
“Hindi pahihintulutan ng DoLE na kami’y maging kasangkapan sa mga gawaing hindi naman angkop sa batas,” wika niya.
Nagbabala rin si Kalihim Laguesma na ang mga mapatunayang gumagamit ng pangalan ng programa para sa masamang layunin ay hindi na maaaring makatanggap ng pondo mula sa programa.