DUMALAW kamakailan ang mga SM Supermalls executive kay Bise Presidente at DepEd Secretary Sara Duterte upang ibalita ang kanilang binabalak na proyektong Super Spelling Bee na lalahukan ng mga mag-aaral sa publiko at pribadong paaralan.
Post ng Bise Presidente sa kanyang Facebook page na Inday Sara Duterte, “Binisita po tayo noong Huwebes sa Office of the Vice President ng mga opisyal ng SM Supermalls. Lubos ang aking pagpapasalamat sa pagkakataong ito.
“Ipinaalam nila sa atin ang kanilang balak na maglunsad ng Super Spelling Bee na lalahukan ng mga mag-aaral sa publiko at pribadong paaralan. Ito ay naglalayon na sa gitna ng digital age maibalik ang interes ng mga kabataan sa tamang pagbaybay at ito ay mahalaga sa maayos na pakikipagkomunikasyon.”
Dagdag pa niya, “Napag-usapan din namin ang posibling partnership ng Department of Education sa SM Supermalls upang ang mga mag- aaral ng K-12 ay puwedeng magkaroon ng “immersion” at ang pagkakataong mag-empleyo sa kanilang mga establisyemento. Masaya ako na ibinalita nila na sila ay tumatanggap ng mga empleyado na gradweyt ng K-12. Inanyayahan rin natin sila na makilahok sa ginagawang review ng curriculum ng K-12.”
Sa huli ay nagpasalamat ang Bise Presidente Sara, “Muli, ang aking taos-pusong pasasalamat sa SM Supermalls Officials na bumisita na pinangunahan ni Miss Hannah Sy sa patuloy na pagsuporta sa mga Pilipinong mag-aaral. Ang aming Kagawaran ay bukas sa mga pakikipagtulungan upang mapabuti at maiangat natin ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa.”