ANG Tulâ Táyo ay isang online na timpalak sa pagsulat ng katutubong tulâ na itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino para sa Buwan ng Panitikan. Para sa 2024, bukás ang timpalak sa mga dalít, diyóna, at tanagà na nakasulat sa wikang Filipino na pumapaksa tungkol sa usaping kapayapaan at/o tema ng Buwan ng Panitikan 2024.
Mga Tuntunin:
Ipapaskil ang mga tulâ—diyóna, dalít, o tanagà—sa seksiyon ng mga komento sa nakatalagang poster para sa bawat anyo ng tulâ. Susundin ang sumusunod na iskedyul para sa pagpapaskil:
⦿ 22 Enero–2 Pebrero 2024 Dalít
⦿ 5–16 Pebrero 2024 Diyóna
⦿ 19 Pebrero–1 Marso 2024 Tanagà
Magiging opisyal ang mga lahok kapag ipinaskil ito sa seksiyon ng komento ng partikular na poster para sa anyo na matatagpuan sa page ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Tatanggap ng mga orihinal na tulâ na nakasulat sa wikang Filipino at nasa antas tudlikan. Maaaring gawing tema ang tungkol sa usaping kapayapaan at/o ang tema ng Buwan ng Panitikan ng Pilipinas.
Kikilalanin ang mga nagsipagwagi sa Araw ni Balagtas sa 2 Abril 2024. May nakalaang isang libong piso (P1,000.00) sa sampung magwawagi para sa bawat anyo. Ipapaskil sa website ng KWF ang mga magwawagi at iba pang piling tulâ.
Pinal at hindi na mababago ang magiging pasiya ng mga hurado sa timpalak.