IPATUPAD ng pamahalaang panlungsod ng Baguio ang mas mahigpit na mga patakaran o polisiya upang matutukan ang mga usapin ukol pa rin sa tubig.
Kasunod ito ng pagdeklara ni Mayor Benjamin Magalong na tapos na ang acute gastroenteritis o diarrhea outbreak sa Baguio City sa ginanap na Ugnayang Panlungsod nitong Huwebes, Enero 18.
Ayon kay Magalong, ang nangyaring outbreak ay nakapagbigay ng malaking aral sa pamahalaang lokal kabilang na ang pagrebisa sa Sanitation Code, pagbalangkas ng Safe Water Ordinance, at pagpapatupad ng mas mahigpit na alituntunin.
“We are coming up with stringent measures. Mas istrikto ngayon para sigurado na highly compliant sila sa sanitation standard,” giit ng alkalde.
Sa kanilang pagsisiyasat ay nadiskubre ng lokal na gobyerno na maraming mga hindi rehistrado na water delivery trucks sa lungsod, marami rin ang walang log o ledgers at walang rekord ng kanilang transaksyon.
Aniya, kailangang maisaayos ang mga polisiya para sa mas maayos na sistema kabilang na ang pagbibigay ng permit sa mga nagbibigay ng water delivery services.
Sa ngayon ay tututukan muna ng pamahalaang lokal ang pag-imbestiga sa mga water delivery services na pinaghihinalaan o suspected sources ng nasabing diarrhea outbreak. Mula sa 12 na nainspeksyon na water sources ng delivery services, pito ang nagpositibo sa E. coli.
“We’re now shifting to the investigation on the liability and culpability of water delivery services. I-inspect namin ‘yung kanilang mga sources, trucks, equipment, processes, and records,” si Magalong.
Bagama’t nasabihan na ang mga water delivery services na linisin ang kanilang mga tangke at kagamitan, inihayag ni Magalong na muli silang isasailalim sa mas masinsinang inspeksyon.
Sa joint epidemiologic investigation naman ng pamahalaang panlungsod, Department of Health Cordillera at ng Epidemiology Bureau, lumalabas na ang inisyal na pathogen na nagdulot ng outbreak ay ang Norovirus.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang karagdagang resulta ng mga water samples na ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine. (DEG-PIA CAR)
Caption
Idineklara ni Mayor Benjamin Magalong na tapos na ang diarrhea outbreak sa Baguio City, sa ginanap na Ugnayang Panlungsod nitong Huwebes, Enero 18, 2024.