ISINAGAWA sa mga lokal na pamahalaan sa Camarines Norte ang pagpapalakas ng kapasidad ng mga ito sa pagtugon sa mga kalamidad. Ito ay sa pamamagitan ng Geographic Information System (GIS) Training na ginanap sa Nathaniel Hotel sa bayan ng Daet, simula Enero 15 hanggang Enero19.
Pinangunahan ito ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang Ateneo de Naga University na nagbahagi ng mga kasanayan at kaalaman tungkol sa kahalagahan ng GIS.
Kabilang sa mga nagsanay ang mga kawani ng Municipal Planning Development Office (MPDO), municipal assessors at MDRRMOs mula sa 12 bayan ng Camarines Norte.
Ang pagsasanay ay naglalayon na bigyan ang mga kalahok ng mga mahahalagang kasanayan sa GIS na makakatulong sa planning, mitigation, response at recovery efforts sa konteksto ng disaster management.
Ang GIS ay isang pamamaraan upang matugunan ang panawagan ng pamahalaang nasyunal para sa isang maayos na pagpaplano sa sustainable development na kabilang sa mga technical skills o kasanayan na kinakailangan ng mga kawani.
Malakas na pamamaraan ito sa mga user na suriin at mailarawan ang geographical data na nagbibigay ng komprehensibong pananaw sa iba’t ibang sitwasyon.
Layunin rin ng pagsasanay na magkaroon ng local competent workers ang lalawigan na mayroong kaalaman at kasanayan na mangalaga sa GIS na makakatulong sa local development program.
Ayon kay PDRRMO Antonio España, ito ay magkatuwang na proyekto ng PDDRRMO at PPDO sa ilalim ng Disaster Risk Reduction Management (DRRM) na may kaugnayan sa Climate and Disaster Risk Assessment (CDRA).
Aniya, ang pagsasanay ay upang ayusin ang pagpaplano hindi lamang sa panahon ng kalamidad kundi sa development iniative ng lokal na pamahalaan. Layunin din nito na magkaroon ng technical skills ang mga kawani.
Ito ay para pagsamahin bilang development process at siguraduhin na ang lahat ng mga pagpaplano ay mayroong risk assessment na may kaugnayan sa climate change at disaster risk reduction na bahagi ng GIS at CDRA.
Ayon pa kay España, may kasanayan ito sa paggawa ng mga digital map, pagsuri ng hazard map, resource map at risk map na pangunahing kaalaman sa GIS na teklonolohiyang pinapagtibay ng lahat ng mga sektor.
Ito ay capacity building o kapasidad ng pamahalaang panlalawigan na hindi lang isang beses isasagawa dahil patuloy ang learning process nito hanggang sa magkaroon ng sariling kasanayan ang Camarines Norte. (PIA5/ Camarines Norte)