27.5 C
Manila
Lunes, Enero 27, 2025

PBA legend Samboy Lim, karapat-dapat bigyan ng pagkilala ng Senado — Jinggoy

- Advertisement -
- Advertisement -
Skywalker Samboy Lim TMT FILE PHOTO

DAHIL sa kanyang ipinamalas na kagalingan at pagmamahal sa larong basketball, hiniling ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada sa Senado na bigyan ng pagkilala ang mga nagawa ng namayapang si Avelino “Samboy” Lim, ang tinaguriang “The Skywalker” ng Philippine basketball.

Binigyan-diin ito ni Estrada sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 911 na nagpapahayag ng pakikiramay at pakikidalamhati ng Senado sa pagpanaw ni Lim, na nasa hanay ng 25 na pinakamagaling na manlalaro sa kasaysayan ng Philippine Basketball Association (PBA).

Si Lim ay sumakabilang buhay noong Disyembre 23 sa edad na 61.

“Ang kanyang ipinakitang pagmamahal at dedikasyon sa larong ito sa pamamagitan ng kanyang kahusayan sa bawat laro ay nagbigay inspirasyon sa kanyang mga tagahanga at nakababatang henerasyon ng mga atleta. Malaki rin ang naging ambag nito sa pag-angat ng Philippine basketball,” sabi ng senador.

Tinawag na “The Skywalker” si Lim dahil sa kanyang gravity-defying moves at matataas na pagtalon sa mga laro noong 1980s at 1990s. Siya ay ginawaran ng pinakaunang PBA Sportsmanship Award noong 1993 dahil sa kanyang ethical behavior, malinis na paglalaro at integridad.

Noong 2016, isinunod sa kanyang pangalan ang nasabing award at tinawag itong Samboy Lim PBA Sportsmanship Award bilang pagkilala sa kanyang mga naging kontribusyon sa larangan ng basketball.

Unang nakilala si Lim noong siya ay manlalaro pa sa Colegio de San Juan de Letran at naging parte ng tatlong sunod-sunod na pagiging kampeon nito sa National Collegiate Athletic Association (NCAA). Siya rin ay nahirang na Most Valuable Player (MVP) ng koponan noong 1984.

Makalipas ang dalawang taon, naging bahagi si Lim ng San Miguel basketball franchise, kung saan siya ay naglaro sa loob ng 11 taon ng kanyang professional stint. Sa loob ng panahong ito, naging champion ang San Miguel ng siyam na beses, kabilang na ang pambihirang Grand Slam noong 1989. Nakamit rin niya ang limang PBA All-Star appearances at dalawang PBA Mythical Second Team Selection.

Bilang miyembro ng mga pambansang koponan na naglalaro para sa bansa sa iba’t ibang pandaigdigang kumpetisyon, nagbigay si Lim ng karangalan sa bansa nang maipanalo nila ang gintong medalya noong 1983 Southeast Asian (SEA) Games sa Singapore, 1985 SEA Games sa Bangkok, at 1985 Asian Basketball Confederation (ABC) Championship title sa Kuala Lumpur; silver medal sa 1990 Asian Games sa Beijing; at bronze medal sa 1986 Asian Games sa Seoul.

Matapos mag-retiro, itinatag naman ni Lim ang kanyang Skywalker Basketball Clinic kung saan ibinahagi niya ang mahahalagang kasanayan at aral sa mga batang manlalaro.

Ang pagpanaw ni Lim ay isang malaking kawalan hindi lamang sa kanyang pamilya kundi pati na rin sa buong bansa, ani Estrada.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -