27.3 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Ano ang maitutulong ng movable collateral registry sa pamumuhunan ng mga maliliit na negosyo?

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

AYON sa Department of Trade and Industry (DTI), sa 1,109,684 na nakarehistrong negosyo noong 2022, ang 1,105,143 sa mga ito o 99.6 porsiyento ay tinatawag na micro, small at medium enterprises o MSMEs. Sa isang survey na ginawa ng Department of Finance (DoF) noong 2017, mahigit na kalahati sa kanila ang hindi makapagdagdag ng kapital para lumago dahil di sila makautang ng mga bangko. Iilan lang sa kanila ang may lupa at makinaryang maaaring gamiting collateral. Ito ang dahilan kung bakit matagal silang lumago at mag-expand. Ito ay kabaligtaran ng mga malalaking korporasyon na kadalasan ay may malaking  assets na puedeng gawing collateral.

Dahil dito, nagtayo ang National Credit Council ng DoF ng technical working group noong 2016 kasama ang ilang government agencies, bangko at maliit na mangangalakal para balangkasin ang repormang kailangan para mapalakas ang pangungutang ng mga MSMEs. Nagbigay ang International Finance Corporation (IFC) ng technical assistance para balangkasin ang repormang ito.

Pagkatapos ng dalawang taong diskusyon at konsultasyon sa buong bansa, naipasa ang Personal Property Security Act (PPSA) noong Agusto 17, 2018. Layon ng PPSA na palakasin ang  secured transactions legal framework sa Pilipinas, at makapaglikha  ng determinasyon ng prioridad sa pagmamay-ari ng mga ari-ariang personal, makapagtayo ng computerized na centralized notice registry, at  ipatupad ang security interests sa personal na ari-arian (kasama ang tangible and intangible), at hindi lang kasali ang mga eroplano at barko.  Ang batas na ito ang nagbibigay proteksyon sa mga mamamayan sa kanilang personal na ari-arian na ginamit na collateral sa pautang  at ang koleksyon ng bangko sa mga utang na ito.

Noong 2021, pagkatapos ng tatlong taong diskusyon at konsultasyon ng DoF National Credit Council, mga bangko, kooperatiba, mamumuhunan, grupo ng mga abogado at mga ekspertong pinapadala ng IFC, natapos ng DoF ang rules and regulations ng batas na ito at itinatag sa Land Registration Authority (LRA) ang movable collateral registry na may elektronikong plataporma. Sa LRA ito itinatag dahil meron na silang collateral registry para sa lupa at makinarya. Bago pa ang PPSA, ang lupa at makinarya ay ginagamit na collateral sa utang sa mga bangko. Kailangang gumawa ng chattel mortgage na kung saan ililipat sa bangko ang pagmamay-ari ng mga ito kapag di sila nabayaran. Kailangan ito ng mga bangko para masiguradong mabayaran sila ng mga negosyong nangungutang sa kanila.

Maaaring gamiting movable collateral ng maliliit na negosyo ang mga ari-ariang sumusunod:


Imbentaryo. Ang imbentaryo ng mga hilaw na sangkap at mga produktong natapos nang ginawa ay puedeng gawing collateral sa mga bangko.

Accounts receivable. Ang mga pautang sa mga kliyente ng mga negosyo ay puede ring gamiting collateral. Ang mga dokumentong nagsasaad kung sino ang mga ito at magkano ang di pa nababayarang produkto ay puedeng tanggapin ng mga bangko bilang collateral. Kapag hindi makabayad ang umutang na negosyo, ililipat ang pagmamay-ari ng mga pautang na ito sa bangko.

Crops and livestock. Ang mga produktong halaman at kahayupan na naani na ay puwede na ring gawing collateral. Ang dokumentong kailangan ng bangko ay ebidensiya kung ilan at magkano ang halaga ng mga produktong ito a kung saan matatagpuan.

Shares of stock, partnership interests, at iba pang types of equity. Mga dokumentong nagsasaad ng pagmamay-ari ng shares of stock, partnership interest at iba pang ebidensiya ng pag-aari ng equity ay puedeng tanggapin ng bangko na collateral. Pag mas malaki ang kumpanya, mas gusto ito ng mga bangko. Pinakagusto ang mga nakalista sa Philippine Stock Exchange (PSE) dahil madali itong ibenta.

- Advertisement -

Bonds, notes, and fixed income securities. Ang mga papeles ng pag-aari ng bonds, notes and fixed income securities ay maaari ding maging collateral. Ang pinakagustong papel ay ang Treasury Bills at Treasury Bonds na madaling ibenta pag nalipat sa bangko ang pagmamay-ari nito. Puwede rin ang mga papeles ng mga kumpanyang naka-rehistro na sa Securities and Exchange Commission (SEC). Kailangang nakalagay ang redemption date at ang security account holder na nakalista sa scripless registry. Kapag kilalang-kilala ang kumpanya, mas gusto ito ng bangko.

Equipment and machinery. Ang ehemplo ng mga tinatanggap na equipment at makinarya ay mga traktora gaya ng Caterpillar tractor, Fuji Film Laminator, at Hydrolux cleaner. Kailangang ilagay din sa dokumento ang chassis serial number ng mga ito.

Minerals, timber, and other harvested natural resources. Mga minerals, timber at iba’t-ibang natural resources na ginagamit ng mga negosyo para ma-replenish ang kanilang imbentaryo ay puwede ring gamiting collateral.

Intellectual Property. Kailangang isama ang registration number mula sa Intellectual Property Office (IPO).

Iba pa gaya ng  leases  na may kinalaman sa ari-ariang personal, pribilehiyo sa paggamit nito at ibang  nakakontratang kasunduan.

Sa 18 bansang may collateral registry, ang sabi ng World Bank study, tumaas ng 8 porsiyento ang mga MSMEs na nakautang sa mga bangko. Sa PIlipinas, dahil tayo ay tinamaan ng krisis na Covid-19 noong panahong nailunsad ang movable collateral registry, naghihintay pa tayo ng dagdag na datos. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), tumaas ang pautang sa mga MSMEs mula P470 bilyon noong 2021 sa P492 bilyon noong 2022, 4.8 porsiyento na paglago. Tinatayang P271.8 bilyon dito o 55 porsiyento sa kabuuan ay pumunta sa mga microenterprises.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -