26 C
Manila
Martes, Enero 14, 2025

DoLE, tripartite partners, tinalakay pangunahing isyu sa paggawa sa kalakalan, serbisyo

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGPULONG ang mga kinatawan ng pamahalaan, mga grupo ng manggagawa, at sektor ng employer kamakailan upang talakayin ang mga isyu sa patakaran sa paggawa at empleo sa industriya ng kalakalan at serbisyo.

Pinangunahan ni Labor Secretary at National Tripartite Industrial Peace Council (NTIPC) Chairman Bienvenido Laguesma ang unang taon ng pagpupulong ng Konseho, na nakatuon sa mga mungkahi na amyendahan ang draft IRR ng Service Charge Law o Republic Act 11360; ang papel ng tripartite body sa Global Coalition for Social Justice, bukod sa iba pa.

Sa pagsasapinal ng mga probisyon ng IRR sa Service Charge Law, inilatag ni Bureau of Working Conditions Director Alvin Curada ang pinakabagong bersyon ng dokumento kung saan isinama ang mga rekomendasyon mula sa mga grupo ng manggagawa at employer upang malinaw na tukuyin ang mga sakop na empleyado at ang lawak ng kanilang karapatan sa nalikom na service charge.

Ipinagkakaloob ng Service Charge Law ang buo at pantay na pamamahagi ng lahat ng nakolektang service charge ng establisimyento sa mga sakop nilang manggagawa.

Dahil nakatanggap ng magkakaibang pananaw sa mga isyu, nagkasundo ang Konseho na payagan ang DoLE, bilang tagapangulo at Secretariat ng NTIPC, na suriin at isapinal ang dokumento.

“Ang Kagawaran ay patuloy na magsasagawa ng deliberasyon at magbubuo ng resolusyon sa bagay na ito, at parehong isasaalang-alang ang mga posisyon ng mga employer at mga manggagawa,” pagtitiyak ng kalihim.

Nilalayon ng DoLE na itaguyod ang maayos na relasyon sa pagitan ng namumuhan at manggagawa at mapanatili ang kapayapaang industriyal ng bansa sa pamamagitan ng mga prinsipyo ng “tripartism” at “social dialogue”.

Iniulat naman ni Labor Undersecretary Benedicto Ernesto Bitonio Jr. sa ginanap na pulong ang pakikilahok ng DoLE sa pandaigdigang panawagan na isulong ang pandaigdigang katarungang panlipunan, disenteng trabaho, at inklusibong paglago kasabay ng pagtanggap ng bansa sa imbitasyon ng International Labor Organization na maging isa sa unang 100 kasosyo nito sa Global Coalition for Social Justice.

Inimbitahan din ng labor executive ang mga miyembro ng Konseho na lumahok sa inisyatibo na pinamumunuan ng ILO, upang higit na mapaigting ang panawagan para sa mas disente, patas, produktibo, at malayang pagpili ng mga oportunidad sa trabaho.

Nauna nang ipinahayag ni Secretary Laguesma na ang pagtataguyod ng katarungang panlipunan ay kabilang din sa mga layunin ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 at pangunahing prayoridad ng Philippine Labor and Employment Plan (LEP) 2023-2028.

Hinimok din ng mga kinatawan sa sektor ng pamahalaan na tiyakin na ang mga probisyon sa paggawa sa multilateral trade initiative, tulad ng Indo-Pacific Economic Framework for Prosperity, ay kikilalanin ang mga batas at regulasyon sa lokal na paggawa upang matiyak na hindi nagdodoble ang mga proseso at para sa pagsusulong ng kaaya-ayang kapaligiran sa paggawa at negosyo sa bansa.

Upang mapabuti ang paghahatid ng serbisyo at pagsasaayos ng mga proseso, nakatakda ang NTIPC na magpatupad ng restructuring plan kung saan aalisin ang mga lumang komite ng Konseho at sa pagpapabuti ng mekanismo ng kasunduan.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -