27.7 C
Manila
Linggo, Marso 3, 2024

Tumbukin ang tunay na daan tungo sa kaunlarang Pinoy

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

(Ikatlo sa Apat Na Bahagi)

“YOU had better be ready with your hand camera. For all we know, this will be over in four minutes. And then you will never be able to talk to me again.”
Pahayag iyon ni Ninoy sa mga media na nakapaligid sa kanya sakay ng China Airlines na naghatid sa kanya mula Taipei pauwi ng Pilipinas nang umagang iyon ng Agosto 21, 1983.
Ngayon, sa video ng pag-aresto kay Ninoy ng mga sundalo ng Avsecom sa loob ng eroplano na nakahinto na, bilangin ninyo ang takbo ng mga minuto mula sa pagdampot sa kanya sa kanyang upuan, pag-akay sa kanya palabas hindi sa normal na lagusan ng mga pasahero papuntang terminal kundi sa side-exit pababa na ng tarmac na  sa pagsara ng pinto ay nawala na siya at ang mga sundalong dumampot sa kanya sa paningin ng lahat, hanggang sa ilang segundo pa ay umalingawngaw na ang putok na nagpapalahaw sa iyak ng napabantog na Crying Lady – sumisigaw na patay na si Ninoy.
Bilangin ninyo kung ilang minuto ang kinain ng lahat ng natukoy na naganap – saktong 4 na minuto. At sabi nga ni Ninoy, “Hindi na ninyo ako makakausap pang muli.”
Nasabi ko nga sa isang sanaysay na gawa ko noon pang 2010, papaano mas nauna pang eksaktong naisalarawan ni Ninoy ang mangyayari sa kanya kung hindi siya ang, kung iyun ay pelikula, direktor ng palabas.
Nabanggit ko sa nakaraang kolum, ang kamatayan ni Ninoy ay euthanasia, sa medisina isang maawaing sadyang pagkitil sa buhay ng isang pasyente upang huwag nang pagtagalin pa ang paghihirap sa sakit na dinaranas. Sa kaso ni Ninoy, ang gamit sa salitang euthanasia ay ang literal na kahulugan nito sa wikang Griyego: “Magandang kamatayan.” Di ba nga, naitanong na natin sa nakaraang kolum, may gaganda pa ba sa kamatayan na nagluklok bilang presidente sa balo ni Ninoy at sa anak na si Noynoy – at kung hindi minalas na  nasapian ng sakit na lupus at kamakalawa lang ay napabalitang binawian na ng buhay, maging ang bunsong si Kris, na matatandaang hindi lang minsan nagpasaring ng kanyang paghahangad din na maging presidente? Naaalaala ninyo nang iniutos Chief Justice Renato Corona na ipamahagi na sa mga tenante ang Hacienda Luisita? Buong kapalaluan na ipinahayag ni Kris, “We will survive the Supreme Court.” Maaalaala nyo rin na di nagtagal, umandar ang impeachment ni Corona na humantong sa kanyang pagkatanggal bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Dalawang bagay ang tinutungo ng mga sinusundang paglalahad.
Una, ang paglikha ng mga kaguluhan upang isakatuparan ang paghalili sa kapangyarihang pulitikal. Ang kamatayan ni Ninoy ang nagpasiklab sa galit ng sambayanan at sa pagkaipon ng kamuhiang ito sa sumunod na dalawang taon pa ay ganap nang sumabog sa People Power Revolt ng 1986. Naibagsak si Presidente Ferdinand E. Marcos Sr. at naluklok si Corazon C. Aquino bilang Pangulo ng isang Gobyernong Rebolusyonaryo.
Pangalawang tinutungo ng usapan, na ang mga pagbabalikwas sa lipunang Pilipino sa modernong panahon ay nakapangyayari lamang kung may basbas ng Amerika.
Kitang-kita ang papel ng Estados Unidos sa EDSA 1. Katatapos lang noon ng presidential snap election na pinagwagian ni Marcos, subalit sa sariling bilangan na gawa ng pribadong Namfrel, nag-walkout ang mga babaing canvasser, mga nagsisiwalat ng dayaan diumano sa pasok ng mga balota. Ang walkout na halatang orkistrado, i.e. gawa ng konduktor ng isang orkestra, ay nagpasambulat sa civil disobedience campaign ni Cory na sa kaduluduluhan ay nagpailanlang sa kanya sa Malakanyang.
Sa mga kaganapang ito, mahalagang pakadiin-diinan na naroroon ang aktibong pakikialam ng Amerika. Nakadaong sa Manila Bay ang 7th Fleet ng US Navy, maliwanag na pangontra sa anumang maaaring hakbang ng alinmang kontra-US na poder na sumaklolo kay Marcos. Magugunita na bukod-tangi ang Ambassador ng USSR ang bumati kay Marcos sa pagkapanalo nito sa snap election.
Sa Manila Hotel naman ay naipon ang international media na naroroon upang iulat ang malalaking mga kaganapang  ipinunta sa Pilipinas ng congressional mission ng Amerika.
Sumunod na pagbabalikwas ay ang pagpapatalsik kay Presidente Joseph Estrada noong 2000 sa pamamagitan ng pagkalas ng suporta ng militari at ng pulis na pumilit kay Erap na bumaba at sa gayon nagbigay-daan sa pag-angat sa panguluhan ni Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo.
Bakit naman nagkaganon si Erap? Sinuway niya ang utos ng Amerika na huwag atakehin ang Camp Abubakar, ang balwarte ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Dalawang buwan matapos pulbusin ni Erap ang Camp Abubakar sa pagtatapos ng 1999, umandar na ang impeachment proceedings laban sa kanya na humantong sa walkout ng mga opposisyon tungo sa pagbawi ng supporta ng militari at pulis pagsapit ng Pebrero ng bagong taon.
Ngayon Pebrero na naman. Palakas nang palakas ang ugong ng pagkontra ni dating Pangulong Duterte sa People’s Initiative para sa pagbabago sa gobyerno mula presidential tungo sa parliamentary. Kung mangyari, magiging Prime Minister si House Speaker Martin Romualdez at si Bongbong ay, kung tawagin, figurehead na lamang. Ang Senado ay mawawala. Ganun din maglalaho ang nakaumang nang pagkapangulo ni Sara Duterte, na wika nga ay halos abot-kamay na. Kaya madaling intindihin na nanggagalaiti sa galit ang buong angkang Duterte.
Nagbanta si Digong na kapag itinuloy ang balak ng people’s initiative na  charter change, tatawagin niya ang pulis at militari para umaksyon upang proteksyunan ang konstitusyon.
“Eleksyon ang itinatadhana ng konstitusyon. Hindi ito dapat na nilalabag,” wika ng Digong sa prayer rally sa Davao noong isang linggo.
Mangyari pa, hindi inungkat ng dating presidente na nang labagin ang konstitusyon ng People Power Revolt noong Pebrero 1986, ang pamilya Duterte ng Davao ang isa sa naambunan ng malaking grasya.
Sa namimintong imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kapwa kay Digong at kay Sara, nanganganib na mawala ang mga grasyang iyun. Kaya tulad ng una, people power ang katapat.
Nakapangingilabot marinig kay Duterte ang ganito: “By the grace of God, babalik ako.”
Di ba minsan na niyang dinerty finger ang Diyos?
Ano ngayon at sasangkalanin niya ang grasya ng Diyos sa balak na bumalik sa puwesto?
(Tatapusin sa susunod na labas)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -