29.9 C
Manila
Sabado, Enero 4, 2025

Financial literacy ng mga Pilipino dapat iangat – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

HABANG nangunguna ang financial at insurance activities sa mga nag-ambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa sa nakaraang taon, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan sa pag-angat sa financial literacy ng mga Pilipino.

Muling iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan na magkaroon ng financial literacy ang mga Pilipino. Larawan kula ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

 

Isa sa mga panukala ni Gatchalian upang iangat ang financial literacy sa bansa ang pagtuturo ng Economics and Personal Finance (EPF) mula elementarya hanggang kolehiyo, bagay na iminungkahi ng senador sa Economics and Financial Literacy Curriculum and Training Act (Senate Bill No.479).

 

“Habang patuloy na lumalaki ang kontribusyon ng financial activities sa paglago ng ating ekonomiya, mahalagang tiyakin din nating may sapat na kaalaman ang ating mga kababayan pagdating sa mga usaping ito. Sa pamamagitan ng panukala nating economics and personal finance course na ituturo sa ating mga paaralan, mapapalawak natin ang kaalaman ng ating mga kababayan pagdating sa usapin ng pananalapi,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.

 

Batay sa 2021 Financial Inclusion Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 2 porsiyento lang ng mga Pilipino ang nakasagot ng tama sa lahat ng anim na tanong sa financial literacy, habang 68 porsiyento naman ang nakasagot ng tama sa kalahati ng parehong mga tanong. Lumabas din sa naturang survey na 42 porsiyento lamang ang nakapagtukoy sa epekto ng inflation sa kanilang purchasing power, mas mababa sa 55 porsiyento na naitala noong 2019.

 

Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, magiging mandato ang pagbuo at pagtuturo ng isang kurso sa EPF sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan, local at state universities and colleges (SUCs at LUCs), at mga pribadong unibersidad at kolehiyo.

 

Sa elementarya, ituturo ng EPF ang mga aralin tulad ng pagpapasya sa mga gastusin, pagpaplano sa personal na pinansya, pagsusuri sa mga gastusin at paghahanda ng budget, financial goal setting, at iba pa. Sa high school, kolehiyo, at tech-voc, magiging saklaw ng EPF ang konsepto ng income at paghahanda ng savings plan, pag-unawa sa financial landscape, pakikilahok sa iba’t ibang mga savings at investment scheming, pag-invest para sa retirement, at iba pa.

 

Layon din ng naturang panukala ang pagkakaroon ng EPF professional development sa mga guro, at ng EPF training course sa mga kawani ng pamahalaan at pribadong sektor na gagabay sa mga kabataan sa mga usaping pinansyal. 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -