28.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 14, 2024

Kung bakit ‘essential’ ang panitikan, kagaya ng lugaw, habang naghihintay ng bakuna noong panahon ng pandemya

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikalawa sa 3-bahagi

MARAMI ring guro ng DepEd ang nangahas magsulat ng mga kuwento tungkol sa epekto ng pandemya sa kanilang pagtuturo gayon din sa naging pagsisikap nila sa ipinatupad na ‘blended learning/online learning’ nang kanselahin ang face-to-face teaching sa lahat ng eskuwelahan sa bansa, pampubliko man ito o pribado. Karamihan sa mga gurong ito ay naging kabahagi (at mga nagwagi) sa taunang National Competition on Storybook Writing (ngayo’y tinatawag ng ‘Teodora Alonso Awards’) na itinataguyod ng Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ng Bureau of Learning Resources. Kabilang sa mga gurong ito si Jeron Tanglaw na sumulat ng ‘Kaibigan sa Bakuran,’ isang kuwento tungkol sa wildlife na lumabas nang kasagsagan ng lockdown. Inilathala ito ng Let’s Read Asia.

Ang mag-aaral ng Philippine Science High School sa Western Visayas ay gumawa naman ng isang ‘story coloring book’ na pinamagatang “Kids Against Covid.” Ilan pa sa mga nagtangkang gumawa ng aklat pambata ay mga independent writers at publishers. Kabilang sa mga self-published books ang mga akdang pambata ni Kate Del Rosario  na naglabas ng dalawang kuwentong pambata ukol sa Covid 19: “Ang mga Maskara ni Miko” (tungkol sa mga ginagamit na face masks noong pandemya) na iginuhit ni Rachelle Ann Tabula; at ang “Isang Metro” (tungkol sa sukat ng sinasabing social distancing na mahigpit na ipinatutupad noon) na iginuhit ni Dondon Espina.

Ang Kolehiyo ng Edukasyon ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay naglathala rin ng isang pambihirang diksyunaryo – ang ‘Diksyunaryong Covid-19 Para sa Batang Pilipino’ na may salin din sa Ingles upang higit pang maipaunawa sa mga bata ang terminong kaakibat ng isang pandaigdigang krisis sa kalusugan. Kapuri-puri ang hakbang na ito ng UP dahil maraming terminolohiya ang naglabasan noon na hindi gagap ng mga bata ang kahulugan gaya ng pandemic o pandemya (at kung paano ito naiba sa epidemic o epidemya), contact tracing, frontliners, social distancing, PPE, at iba pa.

Nagsulputan din ang maraming online storytelling events na naglalayong hatdan ng aliw ang mga bata’t kabataan na di pinayagang lumabas ng bahay. Napuno ng request ang aking FB messenger tungkol sa paghingi ng pahintulot na magamit ang aking mga akda para sa kani-kanilang storytelling sessions na padadaanin sa social media. Hindi naman namin sila masisi sapagkat sa panahong ang mga bata ay nasa loob lamang ng kani-kanilang bahay, malaking tulong ang gagawing pagsasalaysay ng aming mga kuwento. Nangangailangan kasi ang mga storytellers ng content para sa kani-kanilang sesyon sa mga bata. Pero paano ang naging usapin ng royalty at fair use? Paano nito naapektuhan ang sales ng aming pisikal na kopya ng aklat? Ito ang ilang naging concerns ng mga publishers, gayundin ang mga awtor at ilustrador ng mga aklat-pambata na tumatanggap ng royalty mula sa mga kopya ng aklat na naibebenta. Nalagay sila sa sitwasyon kung saan gusto nilang pagbigyan ang mga humihiling na magamit ang kanilang mga aklat na hindi nasasakripisyo ang negosyo ng paglalathala. Dahil dito, kinailangang maglabas ang mga publishing houses, kasama na ang Hiyas-OMF Lit at Adarna House, ng mga tuntunin hinggil sa ‘online use’ ng aming mga nalathalang aklat.


Samantala, itinaguyod ng Office of the Disaster Risk Reduction and Management Services (DRRMS) ng DepEd,  sa pangunguna ng dating Director Ronilda Co, ang isang storytelling program sa online platform upang abutin ang mga guro na napagitna sa hamon ng blended learning. Tinawag na “Online Kuwentuhan: DRRMSbooklatan,” nagtampok ito ng mga kuwentong pambatang tumalakay sa naganap na pandemya at iba pang kaugnay na kuwento. Bukod sa ilang awtor na inaanyayahan nilang magbahagi ng sarili nilang aklat/kuwento, nag-iimbita rin sila ng isang guest psychologist na magpapaliwanag o magbibigay-linaw sa ilang katanungang ipinupukol ng mga bata’t guro. Lahat ng mga kuwentong itinampok dito ay inilagay nila sa DepEd Commons upang magamit na materyal/resource ng mga guro sa kanilang pagtuturo.

Nagkaroon din ng maraming fora/discussion. Si Segundo Matias, Jr, publisher ng Lampara Books, ay nagsimula ng isang lingguhang online program na ‘Lock ‘n Roll LIVE’ kung saan, sa isang episode, ay tinalakay niya ang tungkol sa ‘Aklat Pambata Bilang Kanlungan’ (naging tagapanayam dito sina Al Santos ng Room to Read International, awtor Weng Cahiles, ilustrador Aldy Aguirre, awtor Lauren Macaraeg, at ang inyong lingkod, Luis Gatmaitan). Ayon sa mga magulang at guro na nakausap ko, malaki ang naging tulong ng mga aklat pambata sa panahong naka-lockdown ang lahat sa kani-kanilang tahanan. Patunay ito na puwede ngang maging kanlungan ng mga bata ang pagbabasa ng aklat sa panahon ng ligalig at hinagpis.

Nagbigay-daan din ang paksa ng National Children’s Book Day noong taong 2020 – ang ‘Sa Pagbabasa, Di ka Nag-iisa’ – sa marami pang online fora na tumalakay sa kakayahan ng aklat pambata na magbigay ng pag-asa sa panahong may pandemya. Sa programang ‘Truth or Dare’ ng brodkaster-awtor na si Maloi Malibiran-Salumbides, itinampok niya sa isang episode ang kahalagahan ng pagbabasa sa gitna ng pandemya.  Matatandaan din na ang awtor-teacher na si Genaro Gojo Cruz ay nagpasimula dati ng isang storyreading program sa kanyang facebook page na tinawag niyang ‘FaceBooklatan’ kung saan ay nagtatampok siya ng isang aklat pambata kada session.

Sa pagnanais naman ng Tanghalang Pilipino (TP), ang resident theater company ng Cultural Center of the Philippines, na makapagpatuloy sa kanilang mga proyektong pang-teatro sa panahon ng COVID, itinatag nila ang “PansamanTanghalan” kung saan ay itinampok ang maraming aklat pambata bilang content ng kanilang palabas. Kabilang sa naging programa ng ‘PansamanTanghalan’ ang proyektong Pamanang Pahina, kung saan itinampok ang shadow puppetry adaptation ng mga aklat pambatang gaya ng ‘May Giyera sa Katawan ni Mark’ (aklat ni Luis Gatmaitan na tumalakay sa bakuna), May Bagong kaibigan si Bing Butiki (aklat ni Yna Reyes), at May mga Lihim Kami ni Ingkong (aklat ng inyong lingkod, Luis Gatmaitan). Maganda ang naging kolaborasyong ito ng TP sa Anino Shadowplay Collective upang bigyang-buhay ang mga naturang kuwento. Isa itong pagtatangka na muling gawing popular ang ilang aklat pambatang matagal nang nakalathala. Ang publishing house na OMF-Hiyas ang naglabas ng mga nabanggit na aklat.

- Advertisement -

Nakatutuwang sa paglalapat ng shadow puppetry sa aking akdang ‘May Giyera sa Katawan ni Mark,’ naglagay ng mga images ng mikrobyong coronavirus ang mga puppetteers ng Anino Shadowplay Collective bilang background sa aking kuwento. Nang sinulat ko kasi ang aklat na ito noong 1993, ang virus na Hepatitis B ang aking tinutukoy na mikrobyo kung saan nakalaan ang bakuna bilang isang uri ng proteksyon. Wala tayong kamalay-malay na may uusbong palang isang mabagsik na virus na kikitil sa buhay ng maraming tao sa daigdig. Nang magpabakuna ako ng Covid 19 vaccine noong taong 2021, biniro ako agad ng aking kapatid na dentista na si Mavee na naninirahan sa Canada. Sabi niya, “may giyera na sa katawan ni Tito Dok!” (patungkol ito sa aking kauna-unahang aklat-pambatang nalathala na may pamagat na ‘May Giyera sa Katawan ni Mark’).

(May Karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -