26 C
Manila
Lunes, Nobyembre 11, 2024

Patungo nga ba sa resesyon ang ekonomiya ng China?

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG  2023 nagtala ng 5.2 porsiyento paglaki ang Gross Domestic Product (GDP) ng ekonomiya ng China. Ito ay mas mataas sa target nilang 5 porsiyento na paglaki. Mataas din ito sa naitalang 1 porsiyento paglaki ng ekonomiya Japan at 1.5 porsiyento paglaki ng GDP ng South Korea.  Sa harap ng magandang performance ng GDP ng China marami pa rin sa mga ekspertong Kanluranin ang nagsasabing ang ekonomiya ng China ay patungo sa resesyon. Ang resesyon ay isang sitwasyon na naglalarawan ng paghina ng ekonomiya dahil sa patuloy na pagbaba ng GDP nito. 

Suriin natin ang mga dahilang binabanggit na makapagpapabagal sa paglaki kung hindi man magpapababa sa paglawak ng ekonomiya ng China. Kasama sa mga binanggit na dahilan ay ang mga sumusunod: paghina ng sektor ng konstruksyon, paghina sa demand sa eksport ng China, mataas na utang ng mga pamahayan at paghina ng tiwala ng mga mamimili. Idagdag pa rito ang lumalawak na disempleo ng mga kabataan kasama na ang mga profesyonal.

Humihina ang sektor ng konstruksyon dahil sa matamlay na bilihan ng pabahay. Sa mga nakalipas na mga taon lumawak ang suplay ng mga condominium ngunit nitong mga huling dalawang taon ay bumaba ang demand sa mga condominium. Dahil dito humina ang insentibo sa mga kompanya sa sektor ng konstruksyon na magtayo ng dagdag na gusaling pang-condominium.  Ang mabilis at mataas na konstruksyon sa mga pabahay sa nakaraan ay bunga ng malaking pagpapautang ng mga lokal na pamahalaan sa mga kompanya at mamamayan. Dahil sa nakaraang sigla ng sektor ng pabahay maraming mamamayan ang bumili ng mga condominium bilang pangangapital dahil inaasahan nilang magpapatuloy ang pagtaas ng halaga nito sa hinaharap at mananatiling mataas ang demand sa condominium mula sa mga batang profesyonal na mangungupahan sa mga ito. Sa kasamaang palad, marami sa mga kabataaan na may matataas na antas ng edukasyon ay walang trabaho dahil mas gusto nilang magtrabaho sa sektor ng serbisyo sa halip na sa sektor sa industriya. Kaya’t ang maraming condominium na pinondohan ng mga pamahayan sa pamamagitan ng pangungutang ay nauwi pabahay na walang gumagamit bunga ng matamlay na demand. Ito ay nagpapababa sa kita ng mga pamahayan at nagpapababa rin sa kanilang demand na nagbabadya ng resesyon.

Tungkol sa matamlay na eksports alam natin ang China ang nagungunang eksporter ng mga produktong minafactura na iniluluwas nila sa iba’t ibang parte ng mundo. Ngunit simula pa noong mga taon ng pandemya lubhang bumagsak ang iniluluwas ng China dahil halos lahat ng mga ekonomiya sa buong mundo ay humina dahil epekto ng Covid 19. Kahit wala na ang pandemya marami pa ring mga ekonomiya ang hindi pa nakababangon sa epekto ng pandemya at matamlay pa rin ang kanilang ekonomiya. Dahil dito ang kanilang demand sa mga produktong iniluluwas ng ibang bansa kasama na ang China ay matamlay pa rin. Kaya’t ang mga pabrika sa China na nagproprodyus sa mga iniluluwas ay mababa pa rin ang produksiyon at mababa pa rin ang empleo sa mga manggagawa. Ang bumababang produksiyon ay nagbabadya rin ng pagbungad ng resesyon.

Tungkol sa lumalaking utang, umabot na ito sa halagang $12.6 trilyon noong 2023. Malaking proporsiyon nito  ay ipinautang ng mga bangko sa mga lokal na pamahalaan, kompanya at mamamayan. Malaking bahagi nito ay ginamit upang pondohan ang pagpapatayo ng mga gusaling pangcondominium at pagbili ng mga condominium. Hindi ang malaking utang ang problema ngunit ang kakayahan ng mga nangutang na magbayad ng interes at prinsipal. Dahil matamlay ang demand sa mga condominium nahihirapan magbayad ng interes at prinsipal ang mga nangutang na mamamayan, kompanya at lokal na pamahalaan. Isa sa mga solusyon sa problemang ito ay ang pag-uutos ng pamahalaang sentral sa mga bangko na bigyan ng palugit ang mga nangutang sa pamamagitan ng pagrerestruktura ng kanilang utang.


Ang mahinang tiwawa ng mga mamimili ay bunga ng lumiliit na kita ng mga pamahayan bunga ng maliit na balik sa kanilang pangangapital sa mga condominium at sa malawak na desempleo ng mga kabataang profesyonal. Ang desempleo ng mga profesyonal na kabataan ay bunga ng labis na pangangapital sa lalong mataas na edukasyon, di pagkakatugma ng mga inaral sa mga pamantasan sa pangangailangan ng industriya   at mataas na ekspektasyon ng mga nagsipagtapos sa lalong mataas na eduksayon. Dahil sa humihinang tiwala ng mga mamimili, tumatamlay ang demand ng mga mamimili at bumababa ang pangkalahatang presyo. Ang ganitong sitwasyon ay maaaring  mauwi sa pagbaba ng produksiyon sa hinaharap na tanda ng nagbabadyang resesyon.

Malalala ang mga problemang hinaharap ng China. Kaya ba nitong tugunan ang mga ito upang hindi mauwi sa resesyon? Sa pagbabayad ng utang ang pagrerestruktura ng mga utang upang pahabain ang panahon ng pagbabayad ang tugon ng pamahalaan upang sumigla ang tiwala ng mga mamimili. Dahil ang mga bangkong ay pag-aari ng pamahalaan, maaari nilang pasanin ang sakripisyo. Samantala, mahihirapan ang pamahalaan sa pagpapasigla ng kanilang eksport dahil tanging mga ibang bansa lamang ang makatutugon dito. Mahihirapan din ang pamahalaan sa pagpapasigla ng lokal na ekonomiya dahil mahina ang demand at tiwala ng mga mamimili at mahirap baguhin ang panlasa ng mga profesyonal na kabataan sa trabaho. Samakatuwid, mas maraming hadlang sa pagtugon sa mga hamon kaya’t maaaring tama nga ang tantiya ng mga ekspertong Kanluranin na patungo na nga ang China sa resesyon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -