Naku, Uncle. sorry. Nag-Valentine’s day kasi. Medyo napagastos ako. Pero nasa budget ko naman.
Wow, bakit, Juan? Siya na ba? Yung pinakilala mo sa akin last time?
Oo, Uncle, siya nga. Kaya nag-iinvest ako sa kanya ng oras at effort para makuha ko ang puso nya.
Ayun, napunto mo. Dyan tayo nagtapos sa usapin ng investment. Sabi ko nga sa yo, iba’t iba ang klase ng asset o bagay na puwede mong paglaanan ng pera mo bilang investment.
Ano nga yung mga basic na investment?Kasama dyan ang cash deposit, bonds, stocks o equities, mutual funds at real estate. Ang tanong mo sa akin ay kung paano ba magi-invest sa mga ito?
Puwede kang magsimula sa pagpili ng tamang klase ng asset o investment pagkatapos mong suriin ang mga bagay na ito:
Ano ang financial goals mo?
Matatakutin ka ba sa mga peligro o risks na puwedeng magdulot ng negatibong epekto sa investments mo o ikaw yung taong hindi masyadong naapektuhan ng mga ito emotionally o mentally?
Ano ang time frame na iniisip mo para sa investment na tama sa yo?
Anong investment approach ang mas comfortable ka?
Nasabi na natin ang tungkol sa financial cycle ng buhay natin kung saan nagbabago ang ating prayoridad at ang financial goals natin, lalo na kung lumalaki ang ating pamilya.
Mahalaga na malinaw sa atin ang financial goals na gusto natin at ang mga dapat nating ginagawa tungkol sa budget, ipon, utang at investment. Tumatakbo ang panahon at hindi magandang tumanda tayo na wala tayong masasandalan na suportang pinansyal sa ating retirement at sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng pagkakasakit. Laging tandaan na hindi na natin mababalikan ang mga oras at oportunidad na lumampas na. Lalo na yung mga oportunidad na magpapalakas sana ng ating ipon at magpapalago ng ating kabuhayan.
Kahit anong klase ng investment ay may risk na kaakibat na may potensyal na magpababa ng halaga ng kapital mo o di kaya’y masunog talaga ito. Iba’t ibang klase ang risk ng investment.
May inflation risk na nakakaapekto sa ipon mo at nagpapahina ng purchasing power ng pera mo o ang abilidad nito na mas makabili ng mas maraming bagay sa parehong halaga. Halimbawa, kung ang interest ng cash deposit mo sa bangko ay 3 porsiyento at ang inflation rate ay 5 porsiyento, ang Ibig sabihin nito ay imbes na kumita ang pera mo, nawalan ka pa ng 2 porsiyento na kinain lang ng pagtaas ng presyo ng bilihin. Mas maigi kung ang balik o interest ng investment mo ay mas mataas sa inflation rate.
May liquidity risk din na tinatawag. Ito yung klase ng investment na mahirap na ibenta lalo na kung kailangan na kailangan mo ng pera. Tulad ng real estate na hindi madaling humanap ng buyer. O yung mga investment, katulad ng mga double your money na 5-year time deposit sa bangko o yung mga may 3- 5 year maturity na bonds, kahit gobyerno o pribado, na may lock-in period na di mo puwedeng i-withdraw kaagad-agad. O yung mga stocks o equities na kapag bagsak ang merkado’y mahirap ilabas at ibenta ng hindi ka malulugi.
May interest rate risk at credit risk din. Ito ay nangyayari sa mga investment sa bonds o iyong pangungutang ng gobyerno o pribadong sektor sa mga pangangailangan nila. Ang interest rate risk ay nakakapekto ng bonds kasi pag tumaas ang interest rate sa merkado, bumabagsak ang halaga ng bonds kaya puwede kang malugi dito. Sa kabilang dako, puede ring hindi bumalik ang kapital ng pinuhunan mo sa pagbili ng bonds, lalo na kung di maganda ang naging pinansyal na kalagayan ng nagbenta nito at nawalan ng kakayahan na bayaran ang investor. Yan ang credit risk. Kaya mahalaga na alam mo ang credit profile at credit rating ng nagbebenta ng bonds. Kahit gobyerno o pribadong kumpanya, kapag mataas ang credit rating nito o ang kakayahang magbayad ng utang, magandang mag-invest dito.
May isa pa at ito yung tinatawag na exchange rate risk. Ito ay nakakaapekto sa mga investments na hindi piso ang halaga kundi sa foreign currency tulad ng dolyar, euro, yen at iba pa. Nagbabago ang exchange rate araw-araw kaya puede kang kumita o malugi depende sa halaga ng pagkabili mo ng naturingang investment.
Importante na maintindihan mo ang mga klase ng investment risk para mas matatag ang pundasyon ng iyong pinansyal na plano.
Kasi ang susunod na tanong ay kung anong risk ba ang kaya mo?
Makakatulog ka ba kung parang roller-coaster ang merkado at pababa-pataas ang interest rate o ang presyo ng stocks o equities?
Tanggap mo ba ang high risk, high glory na kasabihan kung saan ang investment na may mas mataas na posibilidad na maapektuhan ng mga negatibong nangyayari sa lokal at global na merkado ay mataas din ang pagkakataong malugi o di kaya’y kumita ng malaki?
Ikaw ba ay investor para sa maikli o pangmatagalang panahon?
Maliban sa kapital na iniinvest mo, may matibay ka bang emergency fund na naitabi na kung sakalıng kailangan mo ng cash ay madali kang makawithdraw?
At mahalaga ba sa yo ang proteksyon ng investment mo na dapat ang kapital mo ay stable pero sakto lang ang kita kesa sa paglago ng investment mo sa matagal na panahon kahit na ito ay dumaan sa maraming pagsubok pero mas malaki ang potensyal na lumaki na lagpas sa inaasahan? Ito yung konsepto ng wealth preservation vs. wealth growth.
Uulitin ko. Walang investment na walang risk. Ang mga nag-aalok ng investment na nangangako ng langit na kita ay panloloko. Ito at isang pambibitag sa mga taong hindi naiintindihan ang pinapasukan at nasisilaw kaagad sa kınang ng maling imahinasyon ng pagyaman. Marami ng naging bıktıma ng scam. Huwag ka ng dumagdag sa statistika ng na-scam, lalo na sa online o digital. Kaya nga pagkakaroon ng financial literacy ang susi sa mas matatag at maginhawang na kinabukasan.
Wala ring tama o maling timing sa investment. Walang nakakaalam ng mga puwedeng mangyari sa mundo na makakaapekto o impluwensya sa merkado. Tulad ng nangyari sa Ukraine at sa kasalukuyang nagaganap sa Israel. Lahat ng mga negatibong situwasyon tulad nito ay puwedeng makapagpahina sa takbo ng pinansyal o komersyal na negosyo. Ang mahalaga kung tayo’y magi-invest ay handa tayo sa mga peligrong katulad nito. Hindi natin itataya ang lahat ng pera natin. Magi-invest tayo sa iba’t ibang klase ng asset na ayon sa kakayahan natin tungkol sa risk at hindi lang tayo magi-invest sa iisang bagay. At meron tayong back-up plan kung sakaling mangyari ang hindi inaasahan katulad ng pagkakaroon ng emergency fund para sa ating biglaang cash requirement.
At siguro mas makakagaan din ng loob at isip kung matutulungan tayo ng propesyonal na financial advisors na maglalatag sa atin ng buong mapa ng mga dapat at hindi dapat gawin pagdating sa investment at matulungan tayong maintindihan ang ating mga sarıli bilang investor at anong klaseng risk ang kaya natin na makakatulog pa rin tayo ng mahimbing.
Juan, pag-usapan na natin ang risk profile mo para mas tamang investment ang magawa mo. Tara, upo ka dyan bago pa tumawag ang Valentina mo.