26.7 C
Manila
Lunes, Disyembre 9, 2024

Pagkatig natin sa US, pagkalas naman ng mundo

LUPA AT LANGIT

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI siyempre aaminin ng Estados Unidos at mga pinuno at kaalyado ng US, pero sa totoo lang, pababa na ang kapangyarihan at impluwensiya ng Amerika sa mundo. At mahalagang mamulatan ito ng Pilipinas ngayon pang kumampi ang pamahalaan natin sa US laban sa China at sa harap ng buong daigdig.

Mahalaga ito hindi lamang kung magkagiyera ang US at bobombahin ang mga base militar na ipagagamit natin sa mga eroplano, barko at submarinong pandigma ng Amerika. Bagkus may epekto rin sa ating ekonomiya at sa milyun-milyong Pilipinong nasa ibayong dagat ang pagsapi natin sa Amerika at paghina ng kapit nito sa mundo.

Halimbawa, isang tanda ng paghina ng US ang pag-akyat ng tinaguriang mga bansang “Brics”: Brasil, Rusya, India, China at South o Timog Africa. Nalampasan na nila o malapit nang lampasan ang mga pangunahing ekonomiya ng mundo, at mga 50 o higit pang bayan ang sumapi na sa Brics.

Isang hangad ng Brics ang magtatag ng pandaigdigang sistema ng kalakal, pangangapital at pagpapadala ng pera na hindi gagamit ng dolyar, ang salapi ng Amerika na siyang pinakamadalas gamitin sa pagbabayad ng mga produkto at pagsasagawa ng investment.

Kung magtagumpay ang Brics at mabawasan ang gamit ng dolyar sa pananalaping pandaigdig, maapektuhan paglaon ang padala ng pera ng milyung-milyong Pilipino sa ibayong dagat, lalo na sa mga bansang gagamit ng sistemang Brics. Kabilang sa mga lumahok sa grupo ang ilang Arabong bansa, at sinimulan na ng Saudi Arabia ang pagbebenta ng langis sa salaping yuan o renminbi ng China.


Hindi na lamang ang Amerika

Talaga bang humihina ang US? Hindi at oo. Di-hamak na Amerika pa rin ang pinakamalakas na puwersang militar sa mundo. Pinakamalaki ang ginugugol nito sa depensa, at sa higit na nakararaming klase ng sandata mula baril at granada hanggang eroplano, submarine at missile, nangunguna ang US.

Subalit, wala na ang napakalaking lamang ng Amerika sa mga hukbong karibal gaya ng Rusya, China at Iran. Maging ang RAND Corp., pangunahing mananaliksik na pinopondohan ng hukbong US, inaming humina na ang Amerika at mga kaalyadong bansa (“How to Reverse the Erosion of US and Allied Military Power and Influence,” https://www.rand.org/pubs/research_reports/RRA2555-1.html).

Ngayon, kung kakampi tayo sa Amerika laban sa China, hindi kaya madehado tayo? Mangyari, ang Center for Strategic and International Studies (CSIS), isa pang eksperto sa militar ng Amerika, nag-ulat noong Enero 2023 na kung magkagiyera, mauubos ang ilan sa mga pangunahing armas ng US, at wala itong “surge capacity” o produksiyon ng sandata at pambala para ipalit sa mauubos o masisira sa digma (“Empty bins in a wartime environment”, http://tinyurl.com/35pha97t).

- Advertisement -

Samantala, babala ng CSIS din sa ibang report na hindi dapat akalaing mauubusan ang Rusya ng mga missile “kailanman.” Labis-labis din ang sandata ng China, samantalang ang Amerika at iba pang bansa sa alyansiyang North Atlantic Treaty Organization (NATO), nagpadala ng barku-barkong tangke, kanyon, raket at marami pang armas sa Ukraina para labanan ang Rusya.

Pumapalag na ang mundo

Samantala, sa mga usaping pandaigdig gaya ng mga giyera sa Ukraina at Gaza Strip, parami nang parami ang kumokontra sa Amerika. Sa Ukraina, may nagagalit sa US at Britanya dahil itinulak nila ang Ukrainang ibasura ang kasunduang nagpahinto sana ng digmaan pagkailang linggo lamang noon pang Marso 2022, kapalit ng di-paglahok ng Ukraina sa NATO.

Ang pakay ng patuloy na digma, wika ni Kalihim Lloyd Austin ng Tanggulang Pambansa ng US: “Mapahina ang Rusya.” Subalit matapos ang dalawang taong giyera, pagwaldas ang armas ng NATO, pagkamatay ng kalahating milyong tao, pagkawasak ng bansa at hukbong Ukraina, at paglikas ng milyung-milyong mamamayan, lalo pang lumakas ang hukbo at ekonomiyang Ruso.

Pinakamakapangyarihan ngayon sa buong Europa ang 750,000 tropa ng Rusya sa loob at paligid ng Ukraina, at nalampasan pa ng ekonomiya ng Rusya ang Alemanya, sa pagtaya ng World Bank. Ngayon, nabalitang binubulungan na ng mga opisyal ng NATO ang Ukraina makipagpulong sa Rusya — matapos isubo sa giyera noong 2022. (Huwag sanang mapahamak ang Pilipinas sa pagsunod sa Amerika gaya ng Ukraina!)

Sa giyerang Gaza naman, halos lahat ng bansa sa United Nations kontra sa posisyon ng Amerika. Sa dalawang botohan sa UN General Assembly para sa panawagang magtigil-putukan upang mahinto ang pagdanak ng dugo at maghatid ng ayudang kailangang-kailangan, kabilang ang US at Israel sa iilang bansang kumontra sa higit nakararaming pabor sa mga resolusyon.

- Advertisement -

Ngayon, nagpahayag ng pagtutol ang Ehipto, Jordan, Saudi Arabia at United Arab Emirates sa napipintong atakel sa Rafah, ang bahagi ng Gaza na hindi pa hawak ng hukbong Israel at pinagtataguan ngayon ng 1.3 milyong Palestinong lumikas sa ibang bahagi ng Gaza na dinigma na ng Israel.

Maliwanag na hindi na pinakikinggan ang Amerika ng higit na nakararaming bansa, lalo na sa Asya at Africa. Sa ating rehiyon mismo, hindi sumasapi ang mga karatig-bansa natin sa pagsasanib na isinusulong ng US laban sa China.

Pero kampi pa rin tayo sa dinarakila nating Amerika.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -