28.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 14, 2024

Kung bakit ‘essential’ ang panitikan, kagaya ng lugaw, habang naghihintay ng bakuna noong panahon ng pandemya

- Advertisement -
- Advertisement -

Huli sa 3-bahagi

ISA sa naging programa ng Tanghalang Pilipino (TP), ang resident theater company ng Cultural Center of the Philippines (CCP), noong may pandemya pa ay ang muling pagpapalabas sa online platform ng musical adaptation ng aking aklat na Sandosenang Sapatos. Bahagi pa rin ito ng programang PansamanTanghalan ng TP. Noong taong 2015 ay nagkaroon ng matagumpay na pagtatanghal ng musical na ito sa Cultural Center of the Philippines. Naisip nila na ang posibleng kitain nang pagpapalabas nito sa online platform ay posibleng makatulong sa mga manggagawang pangteatro (theater workers/performers) na nawalan ng hanapbuhay noong panahong ‘yun. Matatandaang ipinagbabawal ang pagdaraos (at pagdalo) ng mga live performances dahil sa posibilidad ng mabilis na pagkalat ng virus sa loob ng mga venues gaya ng teatro. Hiniling nila sa akin, bilang awtor ng naturang kuwento, na i-waive ko ang aking royalty para sa kapakanan ng mga taga-teatro. Agad naman akong sumang-ayon sa kanilang pakiusap. Isang pagkakataon ito na makatulong.

Nagkaroon din ng proyektong audio-drama adaptation ang Room to Read (RtR) International, isang non-profit international organization na may tuon sa literacy ng mga batang ‘beginning readers,’ nang makipagkasundo ito (sa pangunguna ni G. Al Santos, publishing manager sa South East Asia ng RoomToRead) sa programang “PansamanTanghalan” ng Tanghalang Pilipino. Ang 20 aklat-pambata na nailathala ng RtR (sa pamamagitan ng Adarna House, Anvil Publishing, OMF-Hiyas, at Lampara Books) ay ginawan ng audio-drama adaptation ng Actors’ Company ng Tanghalang Pilipino upang lalo pang maengganyong magbasa ang mga bata kahit sumusuong pa ang bansa sa pandemya.

Ayon kay Al Santos, puwedeng basahin muna ng bata ang naturang mga aklat at kalaunan ay pakinggan ang audio-drama version nito; o magsimula munang pakinggan ang kuwento at saka tuklasin at basahin ang aklat na pinaghanguan ng kuwento. Iisa ang layunin nito – ang lagi’t lagi’y magkaroon ng pagpapahalaga ang mga bata sa aklat at sa praktis ng pagbabasa. Naging masigasig ang mga theater artists ng TP, sa pangunguna ni Nanding Josef, sa nangyaring kolaborasyong ito. Lahat kaming mga awtor ay namangha nang mapakinggan ang audio-drama adaptation ng aming mga aklat. Ang mga kuwento naming halos may tig-sasandaang salita (100-110 words lamang dahil nakalaan ito sa mga batang tinatawag na ‘beginning readers’) bawat aklat ay nanganak ng di-matatawarang mga eksena at mga dialogue na hihigit pa sa ilang sandaang salita.

“Life goes on. Babies are still being born into the world, parents are still raising their children, and lolos and lolas are reading bedtime stories to their apos — perhaps even more so in the age of quarantine.” Ito naman ang sinabi ni Reni Roxas, publisher ng Tahanan Books, nang tanungin siya kung bakit kailangan niyang magsulat ng kuwento at maglathala ng aklat kahit noong may pandemya. Nataon kasi sa panahon ng lockdown ang pagkakalathala ng kanyang aklat na ‘Meme’ (The Baby Book) na iginuhit ni Kora Dandan-Albano. Kay gandang paalala ito ni Roxas sa mga awtor at ilustrador na huwag tumigil sa paglikha ng aklat pambata, bagkus ay itampok ang mga aklat-pambata sa lahat ng panahon, may pandemya man o wala.


Ako mismo ay ilang ulit tinanong ng aking mga mambabasa kung gagawa raw ba ako ng aklat-pambata tungkol sa Covid. Dahil isa akong manggagamot at may tumatakbo akong serye ng mga aklat-pambatang tumatalakay sa sakit at kalusugan – ang Mga Kuwento ni Tito Dok (mula sa OMF-Hiyas) – inasahan na ng mga magulang at guro na tatalakayin ko rin ang tungkol sa Covid-19. Marahil ay nais nilang marinig kung paano ko binabalak isalaysay sa mga bata ang pandemyang ito. Ang hamon sa akin ay kung paano ko ito tatalakayin sa kuwento gayong ang lahat ay malay na sa mga impormasyong kaugnay ng pandemya na isinusubo sa atin ng media? Ano ang bagong puwede kong sabihin? Naisip ko rin na maraming maaaring magbago sa mga impormasyong kaugnay ng pandemyang ito sa pagdaan ng mga araw. Hangga’t hindi natatapos ang pandemya, hindi natatapos ang kuwento. Ang aklat ay dapat na may ‘timelessness.’ Ganoon ang paalala ng isa kong editor nang kami’y gumagawa ng aklat. Hindi ito agad maluluma kung gagawing ‘timeless’ ang akda.

Bigla ngang nasurpresa ang lahat sa  paglabas ng sangkaterbang variants ng Covid virus dahil sa nagaganap na mutation. Nakalikha na rin ng bakuna kontra-Covid galing sa iba’t ibang bansa na nagkakaiba lamang sa ‘mechanism of action’ sa kung paanong gigisingin ang mga antibodies o sundalo ng ating katawan. ‘Yun siguro ang dahilan kung bakit nagpokus ako sa proseso ng pagpasok-pananakop-paninira ng Covid-19 virus, at ang reaksiyon ng ating immune system dito, sa inilathala kong aklat-pambata na pinamagatang “Covidoom” (ginuhit ni Ivan Reverente at inilathala ng Hiyas Books ng OMF Literature). Naging maganda naman ang pagtanggap ng mga mambabasa sa libro kong “Covidoom.”

Ang broadsheet journalist na si Ibarra Mateo ay gumawa ng proyektong ‘Lockdown Photo Diary’ kung saan, gamit ang kanyang cellphone, ay kumukuha siya ng larawan ng mga tao at bagay-bagay habang may pandemya. Sa bawat post na ginagawa niya sa kanyang FB account, nilalagyan niya ito ng captions upang magbigay ng maikling paliwanag tungkol sa kinuhang larawan. Ilan dito ang kaniyang seryeng ‘humans of the pandemic’ (kung saan kumuha siya ng litrato ng mga taong may iba’t ibang hanapbuhay), ‘flowers of the pandemic’ (mga iba’t ibang bulaklak na nadadaanan niya sa paglabas ng bahay), at iba pang mga imahen na nakakakuha ng kaniyang atensiyon. Sa ginawa niyang ito, mas lalong naging totoo ang kasabihang ‘a picture paints a thousand words.’

“Write what is most personal because that is most universal,” ganito ang paalala ng isang kaibigan ko nang nagsisimula akong magsulat. Muli kong binalikan ang pagsusulat sa aking journal ng lahat ng aking nararamdaman habang may lockdown – nandoon ang galit, pagkadismaya, takot, pag-alala, hinagpis, pagdadalamhati, at marami pang damdaming di ko napangalanan. Marami rin sa ating kababayan ang nagpahayag ng kanilang damdamin online sa pamamagitan ng kanilang araw-araw na post sa “what’s in your mind” section ng Facebook.

- Advertisement -

Kapag nagbabasa ako ng akdang sinulat ng mga taong naapektuhan ng lockdown at pandemya, kahit ito pa ay sinulat ng isang banyagang manunulat, ang pakiwari ko ay ako mismo ang nakaranas nito. Kapag sinulat natin ang ating personal na karanasan sa isang sitwasyon, may kaugnayan man ito sa pandemyang Covid o wala, ito na ang kusang lilikha ng landas upang ito’y maging panitikang panlahat, sa loob man o labas ng bansa. Ang karanasan ng isang taong nagka-Covid dito sa Pilipinas ay kabiyak ng karanasan ng bawat nilalang sa daigdig na nakihamok sa malupit na virus.

Hinamon ko ang mga manunulat ng panitikang pambata na habang nananalasa ang Covid-19 sa bansa ay maging mapagbantay at sikaping ilagay sa panitik – sa anyo mang kuwento, sanaysay, dula, o tula – ang lahat ng ating dinaraanan. Sa pamamagitan ng mga ganitong salaysay at iba pang malikhaing katha, ang nangyaring pandemya ay naitatala upang kung ang susunod na henerasyon ng manunulat, nobelista, guro, filmmaker, at historyador ay lilingon sa panahon ng pandemya, may mapagkukunan sila ng accounts o detalye ng aktuwal na nangyari. Hindi man sinasadya, ang ganitong paglalagay sa panitik ay isang pagtatangka na di dapat limutin ang isa na namang madilim na bahagi ng ating pandaigdigang kasaysayan.

Noong nakikihamok pa tayo sa pandemya, at naghihintay na makatanggap ng bakuna (o makumpleto ang itinakdang dosis ng bakuna), maaaring tinanong din natin ang ating mga sarili kung kailangan nga bang patuloy na magsulat sa gayong panahon. Essential ba ito? Mapaghihilom ba nito ang ating mga sugat? Mapapaamo ba nito ang mga sinaktang damdamin? Mabibigyang-solusyon ba nito ang pagkapagod sa paghinga ng mga dinapuan ng Covid-19 at ang pagkahapo ng mga medical frontliners na dumadalo sa kanila? Malalamnan ba nito ang mga sikmurang kumakalam dahil sa kawalan ng trabaho at oportunidad? Maibabalik ba nito ang buhay na ninakaw ng pandemya?

Muli kong babalikan ang mga katagang sinabi ng manunulat na si Grant Faulkner: “Writing a story is many things: a quest, a prayer, a hunger, a tantrum, a flight of the imagination, a revolt, a daring escape that ironically leads you back to yourself. As long as we’re creating, we’re cultivating meaning.”

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -