27.1 C
Manila
Huwebes, Mayo 30, 2024

Imee: Naisingit ba ang AKAP gamit ang mga pensioners at OFWS ?

- Advertisement -
- Advertisement -

IBINUNYAG ni Senador Imee Marcos na ang pambansang budget ngayong taon ay nagtapyas ng bilyun-bilyong pisong pensiyon para sa mga retiradong militar at unipormadong tauhan, pati na rin ang mga retirement at separation benefits ng mga manggagawa ng gobyerno, habang nagbigay-daan ito sa kontrobersyal na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Ang pagkakaiba sa pagitan ng National Expenditure Program na isinumite sa Kongreso at ng General Appropriations Act para sa 2024 ay nagpapakita na ang Pension and Gratuity Fund ay nakaltasan ng P110.25-bilyong pondo, mula P253,205,826,000 hanggang P142,956,826,000.

Ikinalungkot din ng senador ang P5.4-bilyong kaltas sa badyet ng Department of Migrant Workers mula sa panukalang P15.31 bilyon ng NEP at ang buong pagtanggal ng nakaprogramang pondo para sa mga foreign-assisted flagship projects ng Department of Public Works and Highways.

Muling iginiit ni Marcos, na namumuno sa Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, na ang P26.7-bilyong AKAP, na mayroon ding mahigit P33 bilyon na hindi naka-programang pondo, ay insertion o isiningit ng Lower House sa huling bersyon ng 2024 budget, pagkatapos ay dinagdag ang mga e-signature ng mga senador.

“Hindi pinasimulan ng Pangulo ang AKAP, at wala rin sa bersyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso, pero lumabas ito sa pinal at pinaimprentang bersyon,” paliwanag ni Marcos.

“Labu-labong 60 billion ang inilaan. Di natin alam kung para sa bigas, o sa trabaho, o sa outright ayuda,” ani Marcos na tumutukoy sa pag-amin ng DSWD na gagawa pa lang sila ng guidelines para sa implementasyon nito.

Kumokonsulta ang senador sa DBM at DSWD bago ang posibleng imbestigasyon ng Senado sa AKAP, bukod sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate electoral reforms committee sa pagkatotoo ng tinatawag na People’s Initiative para rebisahin ang Konstitusyon.

“Hindi ko kinokontra ang AKAP kundi ang tiwaling paggamit nito para sa pulitika. Alam naman natin ang national budget ngayong taon ay election budget,” ayon kay Marcos na tumutukoy sa national at local elections sa 2025.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -