26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Mga dapat pondohan ng pamahalaan sa edukasyon

- Advertisement -
- Advertisement -

NAPABALITA sa mga pahayagan na nagbabalak na palawakin ni Sec. Ralph Recto ng Kagawaran ng Pananalapi ang programa ng pamahalaan sa libreng edukasyon. Popular ang panukalang ito ngunit may dalawang tanong ako tungkol sa pagpapatupad ng panukalang ito. Una, saan kukuha ng pondo ang pamahalaan upang tustusan ang panukalang ito? Ikalawa, anong sektor ng edukasyon o sino ang nais bigyan ng libreng edukasyon sa panukala ni Sec. Recto?

Sa unang tanong, mahirap yatang hanapan ng pondo ng pamahalaan ang panukalang ito dahil nagtala ng deficit ang pamahalaan ng P983.4 bilyon noong Setyembre 2023. Dahil sa kakulangan ng pondo ng pamahalaan binalak ng mga naghahanda ng budget na babaan pa nga ng P7 bilyon ang budget ng mga SUC sa budget sa 2024. Ito ay nagpapahiwatig lamang na ang gastos sa pagpapatupad sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Republic Act 1093 ay may malaking ambag sa deficit ng pamahalaan. Ngunit dahil sa matinding oposisyon ng mga mag-aaral at profesor sa mga SUC napilitan ang Kongreso na itaas ng P21 bilyon ang budget ng mga SUC sa halip na babaan ito ayon sa plano.

Sa ikalawang tanong, hindi malinaw kung ano ang gustong palawaking libreng edukasyon ni Secretary Recto. Hindi naman siguro ang mga mag-aaral sa pampublikong mababa at mataas na paaralan dahil libre na ang mga tuition sa mga paaralang ito ayon sa tinatadhana ng Konstitusyon. Baka ang nais ni Sec. Recto ay palawakin ang libreng edukasyon na nakasaad sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Republic Act 1093 at isama na ang mga estudyante sa pribadong kolehiyo at pamantasan. Kung ito talaga ang nais ng Kalihim nababalot ng maraming isyu ang panukalang ito. Ano ang mangyayari sa nagmamay-ari ng mga pribadong kolehiyo at pamantasan? Kukunin na ba ng pamahalaan ang pagmamay-ari at pagpapatakbo ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad? Hindi na ba maaaring magtaas ng tuition fee ang mga pribadong kolehiyo at pamantasan? Kakayanin ba ng libreng edukasyon ang buong gastos sa pagpapatakbo ng mga pribadong institusyon? Ano ang mangyayari sa pangangapital sa mga gusali, kagamitan at laboratoryo ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad? Ano ang mangyayari sa kalidad ng edukasyon sa mga pribadong sektor?

Sa aking artikulo sa kolum na ito noong Setyembre 14, 2023 tinalakay ko ang dalawang pangunahing problema ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Republic Act 1093. Ang libreng edukasyon ay maaksaya at hindi mapagpantay. Maaksaya ito dahil mataas na ang porsiyento nang balik sa pondong ginamit sa mga programa sa mga SUC kung ihahambing sa mga porsiyento ng balik sa mga programa sa mga pribadong kolehiyo at pamantasan. Ano ang saysay sa pagpapababa ng gastos at gawing libre ang tuition sa mga SUC? Nag-aaksaya lamang ng mga kapos na yaman ang pamahalaan sa pagbibigay na libreng kolehiyong edukasyon dahil nakaaangat na ang mga graduate sa mga SUC kaysa mga graduate ng mga pribadong kolehiyo at pamantasan bago pa man ipatupad ang Republic Act 1093. Bakit kinakailangan pang itaas ang mataas nang porsiyento ng balik sa mga programa sa mga SUC?

Ang Republic Act 1093 ay hindi mapagpantay dahil ang mayayamang estudyante ang makikinabang sa libreng edukasyon sa mga SUC. Dahil sa kanilang angking kakayahan at malawak na pagsasanay mula sa mababa at mataas na paaralan marami sa mga mayayamang estudyante ay madaling makapapasok sa mga SUC. Ang mga graduate sa mga pampublikong high school ay mapapatid ng mga mayayamang estudyante mula sa mga pribadong high school. Idagdag pa rito halos 88 porsiyento ng mga estudyante sa mga SUC ay galing sa nakaaangat na pamilya.  Samakatuwid, ang libreng edukasyon ay kumikiling sa mga mayayamang estudyante at lumilihis sa mga maralitang estudyanteng tunay na nangangailangan ng libreng edukasyon.


Sa harap ng mga problema sa libreng edukasyon sa mga SUC na ipinatutupad ng pamahalaan, may ilang panukala ako sa paggamit ng pondo sa binabalak na libreng edukasyon ni Sec. Recto na makapag-aambag upang ang paglalaan ng edukasyon sa ating bansa ay maging episyente at mapagpantay:

Ilaan ang pondo sa pagtustos sa tuition ng mga estudyante sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad na galing sa pamilyang mahihirap ngunit may kakayahang intelektwal. Marahil ang mataas na voucher ay mag-eenganyo sa estudyanteng nabanggit na mag-aral sa mahuhusay na pribadong kolehiyo at pamantasan. Maaaring tustusan ang diferensya ng tuition at halaga ng voucher ng scholarship mula sa pribadong kolehiyo at pamantasan.

Ilaan ang pondo sa mga gradwadong programa sa agham upang makapag-ambag sa pagpapahusay ng teknolohiya sa bansa. Maaari ding isama rito ang mga gwadwadong programa sa edukasyon upang mapahusay ang kalidad ng ating mga guro. Maaari ding isama ang programa sa medisina upang punan ang kakulangan ng mga duktor sa mga probinsya. Sa aking palagay, magsasayang lamang ang pamahalaan ng pondo kung ibibigay ito sa mga estudyante sa mga programa sa nursing dahil madali silang makaaalis at dumayo sa ibang bansa.

Ilaan ang pondo bilang subsidy sa mga guro sa pribadong mababa at mataas na paaralan. Dahil sa tumataas na sweldo sa pampublikong paaralan maraming mga guro ang naglilipatan tungo sa mga pampublikong paaralan. Ayaw nating patayin ang pribadong sector dahil may natatanging silang papel na ginagampanan sa pagpapaunlad ng yamang tao ng ating bansa.

- Advertisement -

Ilaan ang pondo sa pagpapalawak sa mga programang pananaliksik upang itaas ang antas ng imbensyon at inobasyon sa ating bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -