25.6 C
Manila
Huwebes, Enero 2, 2025

‘Love and the Philippine Constitution’

- Advertisement -
- Advertisement -

Hi! Makasaysayang araw po, ako po si Xiao Chua, isang public historian.

Oh, EDSA anniversary ngayon pero di ba? Buwan pa rin naman ng Feb-ibig?
O siya, let’s talk about love.
Alam niyo ba na “love” ang basis ng pagbubuo ng bayan?
Noong unang panahon, kapag ang mga datu ay nagkaisa ng kanilang mga pamayanan, sila ay nagsasandugo, ibig sabihin, namamanata sila na ang kanilang mga nasasakupan ay magtuturingan ng magkakapatid. Ibig sabihin, iibigin ang kapwa na tulad ng inyong kapatid sa pusod ng ina, o kaputol, o ’tol? Di ba?
At ang pag-ibig ay naipapahayag sa pamamagitan ng pakikipagkapwa-tao. Yun bang you see yourself in the other person.
Pero bakit paminsan-minsan nang-aaway tayo at lumalaban. Bakit minsan nagagalit tayo? Lumalaban tayo dahil nakakalimutan at napuputol ang pakikipagkapwa tao natin. At dahil dito nasisira ang kaayusan.
Tandaan natin nakipagsandugo tayo sa mga Spanish, pero hindi sila nakipagkapwa-tao. Nagkaroon ng pang-aabuso ng iilan.
Kaya kinailangan nating lumaban. Pero pinaalalahanan tayo ng mga bayani natin. Ang kaakibat ng laban at hindi galit lang, kundi Love. Kung lalaban love muna.
Sabi nga ni Pangulong Andres Bonifacio, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila, gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa, aling pag-ibig pa wala na nga wala?” Sa katunayan kahit na himagsikan ang huling layunin ng Katipunang kanyang itinatag, sinasabi ng kanilang Kartilya, “Dito’y isa sa mga kauna-unahang utos ang tunay na pag-ibig sa bayang tinubuan at lubos na pagdadamayan ng isa’t isa.”
Ngunit ano ba itong pag-ibig sa Inang Bayan na ito? Sa kanyang Dekalogo, ipinaalala ni Bonifacio, “Sumampalataya sa MayKapal ng taimtim sa puso. Gunamgunamin sa sarili tuwina, na ang matapat na pagsampalataya sa Kanya ay ang pag-ibig sa lupang tinubuan, sapagkat ito ang tunay na pag-ibig sa kapwa.
Ito ang mga dokumentong humubog sa pangarap na pagkabansa ng mga bayaning nagtatag sa atin. At sinasabi nito kung ano ang pag-ibig sa bayan. Ito ang pagturing sa kapwa sa kung ano ang karapat-dapat sa kanya bilang tao.
Ang pangarap na ito ay sinikap na itaga sa batas ng mga bumuo ng ating Republika, ang mga humubog at sumulat ng ating mga Saligang Batas: Mula sa Saligang Batas ng Malolos, at mga Konstitusyon ng 1935, 1943, at 1973.
Ngunit may mga panahon ng kadiliman na naputol ang pakikipagkapwa-tao, pinutol din ang ginhawa ng mga biktima ng pag-abuso sa karapatang pantao. Sinarili ng isang tao ang kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan upang gumawa ng batas, magpatupad at magparusa. Sentralisasyon. Diktadura.
Ngunit hindi rin tayo nauubusan ng mga taong handang lumaban at magbuwis ng buhay para sa kapwa. Bagama’t marahil may galit, ang kanilang tunay na sandata: Pag-ibig.
Sabi nga ni José Rizal, ang pag-ibig ang pinakamakapangyarihang tagapangbunsod ng mga gawang lalong magiting. Pero sa lahat daw ng uri ng pag-ibig, ang pag-ibig sa Inang Bayan ay nakalikha ng mga gawang lalong dakila, lalong magiting at lalong walang halong pag-iimbot.
Pinigilan natin ang mga tangke, niyakap natin ang mga tropang loyalista, binigyan ng pagkain tulad sa isang piyesta, niyakap at sinabi natin, ”’Tol bakit tayo magpapatayan? Pare-pareho tayong Pilipino.”
Ito ang bayan ko, isang bayan ng pag-ibig.
Nakita ng mundo ang ating kapangyarihan, People Power, Kapangyarihang Bayan. Pinalaya ng mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo ang kanilang bansa na ginagaya ang ating pagkakaisa. Handog ng Pilipino sa mundo.
Upang ibalik ang nawalang pakikipagkapwa-tao at pagtibayin ang isang lipunan ng pag-ibig, tinipon ni President Cory ang mga mariringal na mga mamayan mula sa iba’t ibang sektor at panig, marami sa kanila ay hindi abogado at hindi rin mga pulitiko, upang balangkasin ang isang bagong saligang batas.
Sabi raw nila sa Metro Manila lang ang People Power, hindi naman siya majority. Pero ang referendum ng People Power ay ang pagratipika sa ating Saligang Batas ng 77  porsiyento ng mga bumoto noong Pebrero 2, 1987. Isang malaking mayorya!!!
Sa botong ito, dumaloy ang kapangyarihan mula sa bayan tungo sa konstitusyong ito. Sagrado ang Saligang Batas na ito dahil tayo ang kusang loob na nagbigay kapangyarihan dito. It is the People’s Charter. Ang panata ng pag-ibig sa pagitan ng estado at ng mamamayan.
Nakapaloob dito ang ating bagong Kartilya, ang Artikulo Tres, Katipunan ng mga Karapatan, na naglalaman ng kung paano ba natin iibigin ang ating kapwa. Ito ang nagpapatibay ng relasyon ng bawat indibidwal na mamamayan at ng estado o pamahalaan, na kung saan binibigyang diin hindi lamang ang karapatan ng bawat Pilipino, kundi ang pagkakaroon ng tamang proseso sa mga nasasakdal, pantay na proteksyon sa ilalim ng batas at ang limitasyon ng kapangyarihan ng estado sa mga nasasakupan nito.
Binibigyan tayo ng mga karapatang sibil tulad ng karapatang ipahayag ang ating sarili.
Imbes na sentralisasyon, nagkaroon ng desentralisasyon, ikinalat ang kapangyarihan at nagbigay daan it o sa local government code na nagbigay ng mas malaking kapangyarihan sa ating local governments. Diwa rin nitong maging inklusibo ang Kongreso para sa mga hindi masyadong pinapansin sa lipunan sa kabila ng mga dinastiyang pulitikal.
May term limits at limitasyon sa proklamasyon ng Martial Law para di maabuso ng mga opisyales ang mandato ng ibinigay ng tao. Isang saligang batas na natuto sa kasaysayan.
Sa Artikulo Trese, ang Katarungang Panlipunan at Karapatang Pantao, layon nitong protektahan, pangalagaan at payabungin ang dignidad ng bawat Pilipino. May independent constitutional commissions na magseseguro na hindi nangungurakot at hindi umaabuso sa karapatang pantao ang mga nakaupo.
Ang People Power din ang nagbigay daan sa IT Coordinating Council kaya nakuha natin ang mga biyaya ng internet at social media paglaon, ang kalayaang makipag-ugnay sa mundo. Dumami ang inter-faith dialogue at nagbigay daan din sa mga usaping pangkapayapaan.
Ang kalayaang itakda ang sarili nating buhay na noon kahit na ang ating mga papanoorin sa telebisyon ay kontrolado ng iisang tao lamang.
Ito ay saligang batas ng pakikipagkapwa-tao na nakasalig sa isang salitang tanging saligang batas lamang natin sa buong mundo ang nagtataglay “Pag-ibig.” Sa mga ama at ina ng aming bansa, sa mga framers ng 1987 Constitution, salamat po at tinuruan ninyo kaming umibig.
Walang perpektong lipunan, walang perpektong Saligang Batas pero ang dapat na itanong, tunay ba nating napahahalagahan at nagagamit ang biyaya na bigay sa atin ng ating Saligang Batas? Gamitin natin ito upang puksain ang mga abusado at ibigay sa bayan ang kaginhawahan.
Huwag nating hahayaan na agawin sa atin ang ating tagumpay!
Ang Saligang Batas ay isa lamang kapirasong papel, mabubuhay lamang ang diwa nito sa bawat pagkakataong nakikipag-kapwa tayo. Kapag ginagalang natin ang kanilang karapatan, binibigyan natin sila ng kapangyarihan. Dahil ang paggalang natin sa Karapatang Pantao ng iba ay pag-ibig sa bayan.
Sumainyo ang pag-ibig at kapangyarihan ng bayan!

Buhay ang EDSA!
Búhay ang EDSA!

(Binigkas ni Xiao Chua sa programang The EDSA Story: A People’s Victory, A Nation’s Glory na ginanap noong 25 Pebrero 2024 sa makasaysayang Club Filipino, kung saan nanumpa bilang pangulo si Corazon Aquino, 38 taon na ang nakalilipas.)

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -