28.1 C
Manila
Huwebes, Mayo 30, 2024

Paano tatalunin ng China ang militar ng Amerika?

- Advertisement -
- Advertisement -

APAT na inisyatiba ang nasimulan na tukuyin sa nakaraang kolum bilang paraan ng kung papaano dapat tapatan ng China at sa gayon ay mabalewala ang ang mga tratadong militar na ipinambigkis ng Amerika sa Pilipinas mula pa sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Pantapat sa Mutual Defense Treaty (MDT) ay ang tinawag nating Mutual Benefits Treaty (MBT); sa Visiting Forces Agreement (VFA) ay ang tinaguriang Visiting Resources Agreement (VRA); at sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay ang Enhanced Lending Coverage Agreement (ELCA).

Iiwan muna natin sandali ang usapan sa kung papaano magkakaroon ng mga tratadong nabanggit. Pag-usapan na muna kung tungkol sa mga anong alalahanin ang mga tratadong ito.

Ang MBT ay ang gumagabay na tratado tungkol sa mga pinagsasamahang negosyo ng China at Pilipinas. Ang magkasamang pagbungkal ng langis sa Recto Bank na tinatrabaho ng China at ng nakaraang termino ni Dating Pangulo Rodrigo Duterte ay halimbawa ng proyektong saklaw ng ganitong tratado. Maganda na ang tinatakbo ng usapan at ayon sa mga lumabas na balita, payag na ang China sa 60-40 na hatian sa kita pabor sa Pilipinas subalit iginigiit diumano ni Kalihim Panlabas Teodoro Locsin Jr. ang pagmamay-ari sa Recto Bank ng Pilipinas at doon nabalahura ang proyekto.

Ipinakikita ng karanasang iyun na kailangan muna ang tratado para sa parehas na pakinabang sa isang pinagsasamahang proyekto bago ito gawin. Ang tratado ang siyang maaga pa ay magtatakda na ng mga panuntunan sa paglutas sa mga isyung susulpot.


Sa katunayan, sa tratado pa lang, lutas na ang mga isyu ng pagmamay-ari ng mga pinag-aagawang teritoryo. Kailangan na lang klaruhin ang mga detalye ng parehas na pakikinabang sa pinagsasamahang proyekto.

Makikita na sa pagkakaroon ng ganitong tratado, mabubuksan ang daan tungo sa paglutas sa iba pang hidwaan sa South China Sea, tulad ng maya’t mayang girian sa pagitan ng China Coast Guard (CCG) at mga mangngisdang Pilipino sa Scarborough Shoal o ng CCG at PCG (Philippine Coast Guard) sa mga resupply mission sa Ayungin Shoal. Yaman din lamang at hindi bibitaw ang China sa dayalogo sa Pilipinas bilang pangunahing daan ng paglutas sa mga sigalot, gawin nang pormal ang dayalogo sa isang tratado na nagtatakda ng parehas na pakikinabang ng dalawang bansa sa teritoryong pinagsasamahan. Sa bagay na ito, malaking ganansya na ang naobserbahang paghupa ng tensyon sa mga pinaghihidwaanang bahagi ng South China Sea.

Ang Mutual Benefit Treaty (MBT) ay maaaring siyang susi sa ganap na pag-iral ng kapayapaan at kasaganaan kapwa sa Pilipinas at China sa South China Sea.

Ano naman ang Visiting Resources Agreement (VRA)?

- Advertisement -

Tinutukoy nito ang pagpasok sa Pilipinas ng mga mamumuhunang Chino. Sapagkat sa aminin natin o hindi ay tiwali ang pamahalaang demokratiko kuno na umiiral sa Pilipinas,  ang biyaya ng pamumuhunang Chino ay nababahiran ng serye ng mga korapsyon bago makarating sa masa ng sambayanan. Ang ultimong bunga, patuloy na hirap ng bayang Pilipino.

Sa bagay na ito, hinihingi sa China ang tapang na kilalanin ang isang namumukod na katangian ng Pilipinas: na ito ay isang lipunan na 99 porsiyento ng kabuhayan ay pag-aari ng 1 porsiyento ng sambayanan. Malungkot subalit totoo na ang pakinabang ng bayan sa pamumuhunang Chino ay natatapyasan muna ng napakalaking bahagi bago ang pakinabang dito ay makarating sa sambayanan. Subukan ninyong kwentahin halimbawa kung magkano sa pamumuhunan ng DITO sa negosyo ng enerhiya sa Pilipinas ang napupunta sa korapsyon bago ang pakinabang dito ay makarating sa sambayanan at sa gaano kamahal na presyo.

Tinitingnan sa konsepto ng VRA ang isang tratado na ang pagsasakatuparan ay napasasailalim sa superbisyon ng mga mapagkakatiwalaang mga samahan ng sambayanan. Kailangan ang masinop na pag-aaral upang sinuhin ang .mga samahan na ito. Pinakamahalaga, alisin ang kagandahang-loob ng pamumuhunang Chino sa tiwaling impluwensya ng mga tiwaling Pilipinong oligarko.

Panghuli sa mga tratadong naisip upang ipagawa sa China para sa kaunlaran ng Pilipinas ay ang Enhanced Lending Coverage Agreement (ELCA). Layunin ng tratado na ito na sakupin ng mga pagpapautang ng China ang mga umiiral na kilusang naglalayong palaganapin sa Pilipinas ang sosyalistang pamumuhay. Tanging sa pamanagitan ng pamumuhay na ito maaaring maiahon ang bansang Pilipino mula sa kahirapan. Sa bagay na ito, mariing ipinararating ng kolum na ito ang pagsusumamo ng tulong mula sa mga sumusunod upang mapaging totoo ang mga inisyatibang nailahad sa itaas: Asian Century Philippines Strategic Studies Institute, Inc. (ACPSSII), Anti-War Peace Caravan, Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. at iba pang indibidwal at grupong Chino na hangad ang tunay na demokratikong lipunang Pilipino.

Sa ating walang sawang sama-samang pagkilos, pasasaan ba’t ang ating pinakaaasam na kaunlaran ng Pilipinas ay ganap na magkakatotoo.

Mauulit ang tanong: Bakit China ang dapat na pumasan sa bigat ng pag-unlad ng Pilipinas? Sapagkat China ang may atas ng kasaysayan na bumabalikat sa pagsulong ng sosyalismo sa buong dandaigdigan.

- Advertisement -

Sa ika-21 siglo, China ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -