KUNG unti-unti mo nang nararamdaman ang tag-araw, asahan na mas madarama mo pa iyan sa mga susunod na buwan habang tumitindi ang epekto ng El Niño sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAG-ASA), simula noong nakaraang taon ay napansin na ang pag-init ng katubigan sa Pasipiko — hudyat ng paparating na matinding tagtuyot kung saan kakaunti na nga ang inaasahang ulan sa tag-araw, mas kakaunti pa ito dahil sa epekto ng natural phenomenon.
Ayon sa pahayag ng kalihim ng Department of Science and Technology (DoST) na si Renato Solidum, naghanda ang pamahalaan ng National Action Plan (NAP) kung saan nakaplano ang mga kinakailangang gawin upang matiyak ang supply ng tubig, pagkain, enerhiya at kaligtasan ng publiko sa gitna ng kinakaharap ng naturang weather phenomenon.
Sa nauna nyang pahayag tinatayang may 65 lalawigan ang makararanas ng matinding tagtuyot mula Pebrero hanggang Mayo dahil sa matinding El Niño.
Anim na lalawigan o pitong porsyento ng lahat ng lalawigan ang makararanas ng dry spell.
Sa pahayag ni Presidential Communications Assistant Secretary Joey Villarama, tagapagsalita ng Task Force El Nino, sinabi nya na may 4,000 magsasaka ang apektado ng dry spell sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula.
Ayon pa kay Villarama, 41 lalawigan ang natukoy na apektado ng El Niño at tinutulungan ng gobyerno.
Kapag sinabing dry spell o matinding tagtuyot, ito ay tatlong magkakasunod na buwan na mas mababa kaysa normal ang patak ng ulan samantalang ang sinasabing “dry condition” naman ay may dalawang magkasunod na buwan na mas mababa sa normal ang patak ng ulan.
Makararanas ang mga lugar na tatamaan ng tagtuyot na ito ng 60 porsiyentong kabawasan kaysa sa normal na pag-ulan.
Base sa mga tala, ang El Niño ay nararanasan tuwing ikalawa hanggang pitong taon.
Ayon kay Solidum, maaaring umabot sa 41 degrees centigrade ang pinakamataas na temperatura sa Hilagang Luzon dakong Abril o Mayo.
Mas tataas pa, aniya, ito ng 5 hanggang 15 degrees sa pakiramdam kung ibibilang ang kahalumigmigan (humidity).
Sa Metro Manila, tinatayang aabot sa 38.3 degrees ang init ng panahon, sa mabababang parte ng Luzon ay 39.9 degrees at sa Mindanao ay maaaring umabot sa 39.5 degrees dakong Abril.
Higit sa matinding init na mararanasan, malaking banta sa seguridad sa pagkain ng bansa ang El Niño lalo pa’t matakaw sa tubig ang palay, ang pananim na kapag nagiling ay nagiging bigas- ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
Nitong nakaraang 2023, naranasan ng Pilipinas na bahagyang tumaas ang aning palay na ayon sa Department of Agriculture ay dahil sa makabagong teknolohiya at mga istratehiya ng pamahalaan at ng mga magsasaka upang palakasin ang produksyon.
Simula pa ng huling bahagi ng nagdaang taon, sinimulan na ng pamahalaan ang mga programa upang maiwasan ang malalang epekto ng El Niño.
Sa mga inilabas na pahayag ng DA, sinabi nito ang mga istratehiya nito upang mapalakas ang ani sa kabila ng banta ng matinding tagtuyot na nararanasan sa 41 lalawigan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Isa sa mga ikinakampanya nito sa mga magsasaka ay ang pag-iipon ng tubig-ulan.
Gayundin, may water management projects ang DA gaya ng pagsasaayos ng mga kanal ng irigasyon at maging ang mga maliliit na irrigation projects.
Isinasagawa rin ang Alternate Wetting and Drying (AWD) technology upang makatipid sa tubig kung saan kontrolado at may oras kung kailan magpapaagos ng tubig sa mga irigasyon.
Isa pa sa istratehiya na ipapagawa sa mga magsasaka ay ang Quick Turn Around (QTA) kung saan lahat ng palayan matapos makapag-ani ay tataniman agad, hindi na hihintayin pa ang susunod na panahon ng pagtatanim na inaabot ng ilang buwan. Plano itong isagawa ng DA sa may 26,000 ektaryang palayan.
Pinapalitan din ng DA ang mga sirang makina at pump sa mga irigasyon.
Hindi lamang Pilipinas ang apektado ng El Niño kaya naman pinangangambahan ng DA na tumaas ang presyo ng mga bilihin dahil sa posibleng magkaroon ng kakulangan sa supply mula sa ibang bansa na nakararanas din nito.
Halimbawa nito ay ang India na nag-utos na ang pamahalaan na ipatigil ang pagluluwas ng bigas at sibuyas.
Kaya naman, desidido si DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mapalakas ang ani nang di masyadong gumagastos ang pamahalaan.
Nitong Pebrero 3, nagtungo si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Secretary Tiu Laurel sa Candaba, Pampanga kung saan ipinakita nila sa mga magsasaka at lokal na pamahalaan ang makabagong rice combine harvester, isa sa mga makinarya na ipinamamahagi ng DA sa mga magsasaka upang makamenos sa gastusin pero makatataas ng produksyon at kita.
Ang pamamahagi ng rice harvester ay bahagi ng proyektong ginastusan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund.
Dito sinabi ni Pangulong Marcos na nitong nakalipas na 2023, nagtala ng 20 milyong metric tons ng palay ang ani ang bansa.
Ayon sa Pangulo ang 1.5 porsyentong pagtaas na ito sa produksyon ng bigas ay dahil sa pamamahagi ng DA ng mas magagandang binhi at pataba sa lupa.
Dahil dito, napababa ng pamahalaan ang volume ng imported na bigas mula sa 3.8 milyon noong 2022 ay naging 3.5 milyon na lamang noong nakaraang taon.
Plano aniya ng pamahalaan na mamahagi ng solar-powered irrigation systems upang mabigyan ng tuloy-tuloy na patubig sa karagdagang 180,000 ektarya ng taniman ng palay na katumbas ng 1.2 milyon metriko toneladang palay.
Aniya, naglaan ang pamahalaan ng P31 bilyong ngayong taon para sa national rice program para sa post-harvest facilities, extension services, research and development at patubig.