27.3 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Lapid: Online gambling, sisira sa moral ng kabataan

- Advertisement -
- Advertisement -

IKINABAHALA na ni Senador Lito Lapid ang paglipana ng advertisement para sa online gambling sa mga social media platforms sa bansa.

Ayon kay Lapid, chairman ng Senate committee on Games and Amusements, delikadong malulong sa online gambling ang mga kabataan na maagang ma-expose sa pamamagitan ng social media platforms gaya ng Facebook, X, Instagram, at Tiktok. Ito rin anya ay makasisira sa kanilang pagpapahalaga (values) at moralidad (morality) kung hindi maaagapan ng gobyerno.

“Kung ang kabataan ay nakalulusot sa paglalaro sa online gaming, papaano natin sila palalakihin ng maayos at may moralidad sa buhay. Nakalulungkot na masisira ang pagpapahalaga ng ating kabataan sa masamang bisyong ito at posibleng maitaya pa nila ang konting baon sa eskwela. Ang masaklap pa nito, baka maging mitsa ito ng pang-uumit sa kanilang mga magulang at matuto na rin silang magnakaw, gaya sa mga karakter sa FPJ’s Batang Quiapo,” ani Lapid.

Sinabi pa ng Senador na napakadaling maglagay ng mga aplikasyon sa mga cellphone at ibang mga mobile devices para sa online gambling. Ito ay kadalasang hindi nababantayan ng mga magulang. Napakadali din magparehistro dito sapagkat pangalan at edad lang ang kailangan.

Kabilang sa mga online gambling na kinahuhumalingan ng mga kabataan ngayon ay ang poker, roleta, color games at iba pang sugal na tulad ng casino.

Dahil dito, maghahain ang Senador ng isang resolusyon para paimbestigahan sa komite ang paglipana ng mga illegal na sugal online at makabalangkas ng batas para masawata o mapigilan ito.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -