28.1 C
Manila
Huwebes, Mayo 30, 2024

Itatag ang Grand Philippines-China Alliance

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

UNA, nilinaw natin na hindi nakasisiguro ang China na gagapiin niya ang Amerika kung papatulan niya ang pinapakana  nitong giyera sa pamamagitan ng Pilipinas. Kaya ipinanukala natin na labanan ng China ang Amerika kung saan ito pinakamahina, at pinakamahina ang Amerika sa labanan sa kabuhayan. Kung kitang tapat na iniintindi ng China ang kabuhayan ng Pilipino, tiyak na aayawin nila ang giyerang pinagpipilitang itulak ng Amerika sa Pilipinas laban sa China.

Huwag na nating pahirapin ang usapan tungkol dito. Pukos tayo sa bigas. Kung sa pamamagitan ng Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) ay maibababa ang presyo ng bigas sa P20 isang kilo, tingnan pag hindi biglang bango ng China sa mga Pilipino.

Natatandaan nyo yung sasakyang pandagat ng mga mangingisdang taga San Jose, Oriental Mindoro na disgrasyang nabangga ng malaking bangkang bakal ng mga mangingisdang Chino? Ginawang napakalaking isyu iyun ng Amerika sa pamumuno ni Loida Nicolas Lewis na matagal nang naghahangad na makorner ang pagbubungkal ng langis sa South China Sea. Nagpakalat si Lewis ng panawagang digmaan laban China hindi lamang sa loob ng Pilipinas kundi maging sa Europa’t Amerika. Anong ginawa ng FFCCCII? Sa halip na harapin ang init na inorganisa ni Lewis sampo ng Rappler at iba pang mga instrumento ng Kano sa Pilipinas, inasikaso nito ay ang kabuhayan ng nadisgrasyang mga mangingisdang Pilipino. Binigyan sila ng P1.2 milyon na  pampagawa sa bangkang nasira, P250,000 bilang pang-araw-araw na allowance pangkabuhayan at isang taong suplay ng bigas para sa kanilang buong pamilya.

Ayun, natalo ang panawagang digmain ang China.

Maliwanag na ang kailangan ng Pilipino ay tugon sa kanilang kahirapan. Kahit gaanong paggatong ang gawin ng Amerikano upang pag-apuyin ang Pilipino laban sa China, mabibigo at mabibigo ito kapag wastong tinapatan na ng China ng tugon sa kahirapan ng Pilipino. Pansinin na ang kilos ng FFCCCII ay hindi kilos ng gobyerno kundi ng pribadong sektor na hangad ay pigilan ang pagsabog ng digmaan sa pagitan ng China at Pilipinas.


Sa lumalalang tensyon ngayon sa South China Sea, walang kagyat na lumilitaw na solusyon kung ang pag-uusapan ay gobyerno sa gobyerno. Sa bagay na ito, kailangan ang malawak na pang-unawa. Ang kapwa gobyerno ay nasasagkaan ng kung anuman ang probisyon ng kani-kaniyang mga konstitusyon at batas. Tungkulin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangalagaan ang teritoryo ng Pilipinas, gagawin niya iyun sukdulang pumalaot sa giyera. Ganun din ang China. Kung ayon sa kanyang mga batas, ang inaangkin na kalakhan ng South China Sea ay kanya, ipaglalaban nila iyun sukdulang makipagdigma sa iba pang umaangkin. Sa buong termino ni Presidente Rodrigo Roa Duterte, naiwasan ang marahas na banggaan dahil nakipagkasundo siya kay Presudente Xi Jinping na itabi ang mga di pinagkakasunduan at patampukin ang pagsasama sa mga joint ventures para sa parehas na kapakinabangan. Ang joint venture na trinabaho na para sa pagbungkal ng langis sa Recto Bank ay produkto ng ganung kasunduan. Naging malaking hadlang sa proyekto ang pagpipilit ni Kalihim Panlabas Teddy Boy Locsin na kilalanin sa kasunduan na ang Recto Bank ay teritoryo ng Pilipinas, bagama’t sapat na sana na payag na ang China sa 60-40 na hatian sa kita, pabor sa Pilipinas, siya pa ang sagot sa lahat ng gastos. Pinanindigan pa rin ni Locsin ang usapin ng pag-aari, na sa pagtatapos ng termino ni Duterte ay siyang tuluyan nang bumalaho sa proyekto.

Nabanggit na sa unahan na ibig makorner ni Loida Nicolas Lewis ang pagbubungkal ng langis sa South China Sea, at hindi pagtatakhan kung sa negosasyon ni Locsin sa Recto Bank, si Lewis ay may pailalim na  impluwensiya.

Sa panig naman ng pamahalaan ng China,  may pagbabawal ito sa Pilipinas sa pagbungkal ng langis sa bahura na wala itong pahintulot.

Maliwanag na kung hahayaan ang pag-uusap sa mga gobyerno ng China at Pilipinas, walang mararating na kasunduan. Sa kaduluduluhan, sambayanang Pilipino ang magdurusa.

- Advertisement -

Ngayong palala nang palala ang tensyon sa South China Sea, panahon na upang ilagay ng sambayanang Pilipino ang tadhana ng bayan sa sarili nilang mga kamay.

Itatag ang Grand Philippines-China Alliance (GPCA)

Ang GPCA ay siyang aking ipinanunukalang desperadong kilos ng sambayanang Pilipino upang iligtas ang Pilipinas sa giyera. Binubuo ito ng mga namumumunong samahang Chino-Pilipino sa mga larangan ng negosyo, agrikultura,  sosyo-sibika, at media propaganda: Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), ANVIL, Association of Philippines-China Understanding (APCU), IDSI, Asian Century Philippines Strategic Studies (ACPSS), Anti War Peace Caravan, KOMUN, KAMPPI, at maraming iba pang mga indibidwal at samahan na nakahandang yumakap sa simulain na daanin sa pagtugon sa kabuhayan ng sambayanan ang paglutas sa panganib ng pagsabog ng giyera Chino-Pilipino.

Unang bubuuin ang National Organizing Committee (NOC) na siyang may tungkuling organisahin ang mga Ubod ng Alyansa sa mga stratehikong lugar ng kapuluan.

Ang NOC ay bubuuin ng Chairman, Vice Chairman, Secretary General, Deputy Secretary for Organization, Deputy Secretary for Education, at Deputy Secretary for Finance.

Ganun din ang komposisyon at tungkulin ng mga UBOD.

- Advertisement -

Tungkulin ng NOC na tawagin ang National Congress mula sa mga Chairman at Secretary General ng mga UBOD.

Tungkulin ng National Congress na maghalal ng National Council (NC). Sa sandaling nahalal na ang National Council at gumampan na sa tungkulin, ang buhay ng NOC ay maglalaho.

Tungkulin ng National Council ang gumawa ng Rules and Regulations at Program of Action ng Alyansa para sa pagpapatibay ng National Congress.

Ang National Congress ay magpupulong kada isang taon.

Inaasahan kong ang mga kinauukulan ay magbibigay ng pagpapahalaga sa panukalang ito. Nakasalalay ang buhay ng sambayanan.

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -