28.6 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

DoLE palalakasin, ugnayan at pagtutulungan sa mga foreign chambers

- Advertisement -
- Advertisement -

 PARA sa potensiyal na pagtutulungan sa hinaharap, nakipag-ugnayan ang Joint Foreign Chambers (JFC) of the Philippines sa Department of Labor and Employment (DoLE) hinggil sa mga prayoridad sa paggawa at trabaho ng DoLE para sa taong 2024.

Idinaos sa DoLE Central Office noong ika-26 ng Pebrero, pinangunahan ni DoLE Secretary Bienvenido Laguesa ang courtesy meeting at pag-uusap, kasama sina Undersecretary Carmela I. Torres at Felipe N. Egargo Jr., Assistant Secretary Paul Vincent W. Añover, Planning Service Director Adeline T. De Castro, at Bureau of Local Employment Director Patrick P. Patriwirawan, Jr.

Sentro ng talakayan ang mga plano para itaas ang oportunidad na magkatrabaho, pagtiyak ng makatarungan at makataong kondisyon sa paggawa, at pagpapanatili ng kapayapaang-industriyal sa pamamagitan ng tripartism at dayalogo – ang lahat ng ito ay nakasaad sa Philippine Labor and Employment Plan 2023-2028, alinsunod sa Philippine Development Plan 2023-2028.

Tinalakay din ang pag-usad sa panukalang P100 dagdag-sahod sa Senado, ang mga bagong alituntunin sa service charge law, upskilling para mapahusay ang kompetensiya ng mga manggagawa, artificial intelligence, at pagsisikap sa digitalization at cybersecurity.

Para sa mas mabilis na pagproseso ng pagtatrabaho ng mga dayuhang mamamayan sa bansa, kabilang sa mga tinalakay na estratehiya ay ang pagpapatupad ng mga regulasyon sa recruitment, kabilang ang patuloy na pagsusuri sa implementasyon ng Alien Employment Regulation sa mga rehiyon.

Binanggit din ang mga panukalang paglalagay ng green lanes para sa application registration ng mga dayuhang manggagawa, pagbabawas ng employer publication period mula 15 araw hanggang limang araw, pagpapasimple ng mga kinakailangang dokumento, at beripikasyon at inspeksiyon sa paggawa ng mga establisimyentong kumukuha ng mga dayuhang manggagawa.

Ang JFC ay kinatawan ni European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) President Paulo Duarte, ECCP Director Albert Perez, ECCP Associate Director Sophia Ordoña, at ECCP Advocacy Officer Mazel Salazar.

Kasama sina American Chamber of Commerce of the Philippines, Inc. (AMCHAM Philippines) Executive Director Ebb Hinchliffe, AMCHAM-RESPOND Project Director Randall Garcia, Australian-New Zealand Chamber of Commerce Philippines (ANZCHAM) Executive Director Kimmi Siu Dewar, ANZCHAM Director Nancy Castiliogne, Japanese Chamber of Commerce and Industry of the Philippines (JCCIPI) President Shigeru Shimoda, Philippine Association of Multinational Companies Regional Headquarters, Inc. (PAMURI) Director Mimi Malvar, at Korean Chamber of Commerce Philippines (KCCP) Director Sunah Kim.

Sa pagpapahayag ng suporta sa mga hakbangin ng Kagawaran, binanggit ang kahalagahan ng pagpapasimple ng proseso sa pag-empleo ng mga dayuhang manggagawa, partikular ang pagproseso ng alien employment permits (AEPs) at visa.

“Maraming pagsisikap na ginawa sa puntong ito. May nilagdaan nang memorandum of agreement ang [DoLE] kasama ang Bureau of Immigration kung saan ang mga AEP at visa, ay maaari na ngayong direktang maberipika sa BI sa pamamagitan ng API (application programming interface),” pahayag ni Assistant Secretary for Employment and Human Resource Development Cluster Paul Añover.

“Mapapabilis na nito ang mga proseso at mapatataas ang integridad ng proseso sa pag-beripika,” dagdag niya, na tumutukoy sa data sharing agreement sa pagitan ng DOLE at BI na nilagdaan din nitong ika-26 ng Pebrero, sa magkahiwalay na okasyon.

Sa ginanap na paglalagda, ipinahayag ni BI Commissioner Norman Tansingco na uumpisahan na ngayong Hunyo ang online na pag-proseso ng Pre-arranged Employment Visa (9G) visa, isang dokumento na kakailanganin ng dayuhang manggagawa na nagnanais magtrabaho sa Pilipinas.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -