28.1 C
Manila
Huwebes, Mayo 30, 2024

‘Batang Magaling’ bill isinusulong ni Gatchalian habang naghahanda para sa revised SHS curriculum

- Advertisement -
- Advertisement -

HABANG binabalak ng Department of Education (DepEd) na simulan ang revised senior high school curriculum para sa School Year (SY) 2025-2026, muling isinulong ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panukalang paigtingin ang kahandaan ng mga senior high school graduates na pumasok sa kolehiyo at kalaunan ay makapagtrabaho.

Muling isinulong ni Senador Win Gatchalian ang kanyang pabukalang paigtingin ang kahandaan ng mga senior high school graduates na pumasok sa kolehiyo at kalaunan ay makapagtrabaho. Larawan kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Layon ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367), na ihain ni Gatchalian, na tiyaking may sapat na kaalaman, pagsasanay, at kakayahan ang mga senior high school graduates para sa pipiliin nilang landas: higher education o kolehiyo, middle-level skills development, employment o trabaho, at entrepreneurship o pagnenegosyo.

Binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahang tugunan ang mga hamong kinakaharap ng senior high school program. Bagama’t ipinangako ng programa ang kahandaan ng mga graduates na pumasok sa trabaho, lumabas sa isang 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na 20% lamang ng mga senior high school graduates ang nakakapasok ng labor force.

Lumabas din sa pag-aaral ng PIDS na kung ihahambing sa mga nakatapos ng Grade 10 at second year college, walang pinagkaiba ang mga senior high school graduates pagdating sa basic pay kada araw.

Layon ng panukalang batas ang paglikha ng National Batang Magaling Council na bubuuin ng DepEd, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DoLE), tatlong national industry partners, isang national labor group, at ng Union of Local Authorities of the Philippines, isang umbrella organization ng lahat ng liga ng mga lokal na pamahalaan.

Magiging mekanismo ang Council upang iugnay ang mga curricular offerings ng mga paaralan at work immersion component ng senior high school sa mga market needs na tinukoy ng industry partners at government agencies. Magiging mandato ring palawakin ang kaalaman ng industry partners at mga ahensya ng gobyerno upang tanggapin ang mga mag-aaral sa mga work immersion programs. Dapat ding tiyakin ng pribadong sektor at ng gobyerno na angkop ang deployment ng mga senior high school graduates sa kanilang mga tracks, at makakamtan ng mga mag-aaral ang specialized skills and competencies upang magtagumpay sa kanilang mga karera.

“Isinusulong natin ang Batang Magaling Act upang matiyak natin ang kahandaan sa trabaho ng ating mga graduates sa senior high school. Titiyakin nating may maigting na ugnayan sa pagitan ng pribadong sektor at mga paaralan para sa magandang kinabukasan ng ating mga mag-aaral,” sabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -