32.5 C
Manila
Sabado, Hulyo 27, 2024

Relasyong Chino-Pilipino: Di usapin kung sino ang susuko

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI usapan kung sino ang ibabaw at kung sino ang ilalim sa ugnayan ng China at Pilipinas. Kapag ito ang pamantayan, puro di-pagkakasundo ang mangyayari.

Pag-usapan ang laki ng lupain. 9.597 milyon metro kilometro ang China, 300,000 metro kilometro ang Pilipinas, wala pa, kumbaga, sa kalingkingan ng China. Sa dami ng populasyon, 1.4 bilyon ang mga Chino, 100 milyon ang Pilipino, kulang pa ng 300 milyon para pumantay sa kalingkingan man lang ng China. At sa edad ng sibilisasyon, kinikilalang pinakamatanda sa sangkatauhan ang China (mga 5,000 taon), ang Pilipinas, tatlong daan taon kung bibilangin mula sa pagdating ng kanluraning kabihasnang taglay ng mga Kastilang Kongkistador nang unang dating sa kapuluan noong 1571.

Ang kaangatan ng sibilisasyong Chino sa antas na narating ng Pilipino ay damang-dama mo sa tenor ng pananalita ng tagapagsalita ng Ministeryong Panlabas ng China na si Mao Ning sa kanyang mga pakikipag-usap sa Kalihim Panlabas ng Pilipinas Enrique Manalo. Para kang nakarinig ng lektura ng isang propesor sa kanyang estudyante. Malaking kamangmangan kung ipagpapalagay mo na pagmamataas ang ginawi ng Chinong opisyal. Ipinakikita lamang niyon ang taas ng kanyang  pag-iisip, na sa paghusga ng ordinaryong nilalang umaastang awtoridad, sa simpleng salita, asal amo. Mapupuna na hindi lamang sa mga opisyal totoo ang ganitong katangian. Maging mga simpleng mamamayan na dumaan sa pormal na aral ay ganun ang katangi-tanging asal, pino’t aristokratiko, mataas ang pagpapahalaga sa dignidad ng pagkatao, malalim magsuri, mahaba ang pasensya, matulungin sa naaapi, maalaga sa maysakit, mataas magpahalaga sa pagpapaunlad ng karunungan at moralidad.

Labindalawang taon lang ako nang pumunta sa Maynila upang mag-aral. Janitor ang una kong trabaho sa klinika ng isang dentistang Chino na ang hilig ay ipapuno sa akin ng sariwang daisy ang tatlong florela kada umaga. Matapos kong gawin iyun, aabutan na niya ako ng diyes sentimos na sweldo sa araw na iyun bilang baon ko papasok ng eskwela. Sumunod kong employment ay nang magself-supporting student na ako sa civil engineering. Pumasok akong stay-in janitor sa isang travel agency na pagkaraan ng maiksing panahon ay naging pag-aari ng isang Mr. Tan. Nakita ang sipag ko sa trabaho, ginawa niya akong manedyer ng agency, at sapagkat nagpatuloy akong stay-in sa trabaho nagtuloy-tuloy pa rin ang pagiging janitor ko na ginagawa ko sa gabi bago atupagin naman ang paggawa ko ng homework at bago matulog ay pag-aaral ng typing at panimulang paglikha ng mga sulatin. Maaaring naobserbahan ni Mr. Tan ang hilig kong ito dahil di naglaon inugali na niya na rasyunan ako ng The Manila Times tuwing umaga. Isang matandang Chino naman na kasosyo ni Mr. Tan sa negosyo ang nakahiligang ikwento sa akin tuwing lunch break ang tungkol sa pag-iibigan ng isang Espanyolang Donya at Chinong magbobote. Nagkaanak sila ng pito na pingalanan alinsunod sa pagbilang Chino: It-sun, Di-sun, Sam-sun, Si-sun, Go-sun, Lac-sun, at Si-sun. Sa pagdaan ng panahon, ang mga “u” sa pangalan ay nahalinhan ng “o” upang maging mga namumukod na pangalan sa lipunang Pilipino: Itson, Dison, Samson, Sison, Goson, Lacson, Sitson. Sa isang pag-aaral napag-alaman ko na sa Mandarin ang numero siyete ay tinatawag na Tua, kung kaya ang Sitson ay pwede ring maging Tuason. Alam naman natin kung gaano kayaman ang mga Tuason. Pagyayabang nga ng dating First Gentleman, “Why should we steal? We’re rich. We own Marikina and Metro Manila.“

Sa kasagsagan ng paggawa ko ng pelikula, naisip kong gawin, “The Seven Suns of Mother China” na ang istorya ay halaw sa inilahad ng matandang Chino na kaibigan ng aking amo na si Mr. Tan: na ang lipunang Pilipino ay pinaghaharian ng mga Chino. Nakatandaan ko na ang proyekto, at ewan ko kung magagawa ko pa ito. Maaaring maya’t maya ko na lang banggitin ito sa aking kolum bilang pagdidiin na ang lipunang Pilipino ay sa malaking bahagi kinabibilangan ng mga Chino. Sa pinakahuling census, may 27 milyun ang populasyon ng Pilipinas na may lahing Chino.


Ganun pala, bakit hahayaang lumala ang tensyon sa South China Sea na ang ultimong bunga ay magpapatayan ang Chino sa Chino?

Sa puntong ito nililinaw natin na ang mga gawi ng China sa South China Sea na ipinangangalandakan ng Estados Unidos na mga aktong pandigma ng China laban sa Pilipinas ay imposibleng magkatotoo kung giyerang ubusan ng lahi ang pag-uusapan.

Ang mga gawing iyun ay bahagi ng mga kinikilalang sibilisadong pamamaraan ng pagdisiplina upang magkaroon ng kaayusan sa kilos ng sangkatauhan, dahil kung hindi, gulo nga ang ibubunga.

Ang maya’t-mayang  pagpapasabog ng giyera ng Amerika sa palibot ng mundo ay ang siyang taliwas sa sopistikado’t maayos na pamumuhay na isinusulong ng ideya ni Presidente Xi Jinping na “sosyalismong may mga katangiang Chino.” Ang panawagan ng kolum na ito para sa pagtatag ng Grand Philippines-China Alliance ay alinsunod sa ideyang ito at siyang paniyak na ang primitibong ideya na digmaan na isinusulong naman ng Amerika sa paligid ng daigdig ay hindi magtatagumpay.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -