27.6 C
Manila
Miyerkules, Mayo 29, 2024

Sa EDCA, gagawin tayong armas ng US kontra China

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA Abril, may malaking pagpapasya ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — Hahayaan ba niyang mapaso sa Abril 27 ang kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) o pahahabain pa nang ilan pang taon, marahil isa pang dekada?

Sa ilalim ng EDCA pinahintulutan ng Pangulong gamitin ng Estados Unidos (US) ang siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP): Lal-lo Airport at Camilo Osias Naval Base sa Cagayan; Camp Melchor de la Cruz sa Isabela; Fort Magsaysay sa Nueva Ecija; Cesar Basa Air Base sa Pampanga; Antonio Bautista Air Base, malapit sa Puerto Princesa; Isla Balabac Island sa timog ng Palawan; Benito Ebuen Air Base, karatig ng Lungsod Cebu; at Lumbia Air Base sa labas ng Cagayan de Oro.

Sa ngayon, todo ang kampanya ng US at tagasuporta nitong mga pinuno, pantas at pahayagan upang mapalawig pa ang EDCA. Sa pakay na ito, may tatlong pangunahing estratehiya.

Una, lalong mag-init ang tagisan sa China. Sa gayon, titindi rin ang ating galit at takot sa China at dahil dito, papayag ang maraming Pilipino na dumagsa ang puwersang Amerikano sa Pilipinas at dumami ang mga baseng AFP na ipagagamit sa US sa kabila ng malaking panganib nito para sa atin.

Pangalawa, ikubli sa taong-bayan ang malubhang peligro ng mga baseng EDCA, bagaman mismong mga heneral, eksperto at media ng Amerika ang nagsasabing wawaldasin ng China ang mga paliparan at daungang gamit ng US kung magkagiyera.


Maging ang unang panayam ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 2023 inetsapuwera ng media dahil nagbabala siyang “pauulanan tayo ng missile” dala ng mga kampong ipagagamit sa Amerikano.

At pangatlo, paulanan ang Pilipinas ng ayuda, negosyo at tulong militar mula sa Amerika, Hapon, Awstralya, Europa at iba pang kaalyado upang humanga ang Pilipino kapwa kay Pangulong Marcos at sa mga bansang kakampi. Sa gayon, magagalak tayong magpatuloy ang EDCA at maragdagan ang mga baseng ipagagamit sa US at maging sa ibang mga bayang kaanib.

Peligrong lihim sa bayan

Sa harap nitong masigasig na pagsusulong ng EDCA, babalansihin natin ito sa Marso at Abril ng mga artikulong maglalahad ng impormasyon at pananaw na hindi maririnig sa karamihan ng politiko, media at maging mga heneral at pinunong panseguridad  kahit alam nila ang panganib ng paggamit ng US sa mga kampo natin.

- Advertisement -

Sa katunayan, hindi lamang tameme ang mga pinuno ng tanggulang pambansa tungkol sa panganib ng EDCA. Tahasan pang iginiit ng ilan na walang peligro, bagaman alam nila ang mangyayari sa mga kampong gagamitin ng Amerika sa giyera.

Pinakamasigasig sa pagsuporta si retiradong heneral Carlito Galvez Jr. Bilang dating hepe ng AFP, batid niya ang panganib kung gamitin ng US ang ating mga kampo sa digmaan. Subalit nang pumayag ang Pangulo sa EDCA noong Pebrero 2023, kung kailan si Galvez ang tagapangalaga o officer-in-charge ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, sinabi niyang “walang dahilang mabahala” sa mga baseng EDCA.

Subalit nang ipakita kina Galvez at Kalihim Enrique Manalo ng Ugnayang Panlabas ang ulat ng Center for New American Security (CNAS) na nagsabing aatake ang mga eroplanong US mula sa Pilipinas at gaganti ang China sa atin, wala silang imik kay Sen. Maria Josefa “Imee” Marcos, ang tagapamuno ng pandinig sa Senado at panganay na kapatid ng Pangulo. Sa ulat ng CNAS, ang bahagi tungkol sa Pilipinas nasa pito hanggang 10 minuto mula sa simula ng video (https://youtu.be/qYfvm-JLhPQ?si=ph5ULb1guhtNvGiL).

Ilalantad natin itong mga inililihim na panganib sa mga pitak hanggang katapusan ng Abril. Di-hamak na pinakamalaking peligro ang mapagaya tayo sa Ukraina. Tulad natin, inarmasan ang Ukraina ng Amerika at mga kaalyado nito upang labanan ang isa pang karibal ng US, ang Rusya, sa halip na wakasan ang giyera pagkailang-linggo lamang.

Noong Marso 2022, matapos ang mga pulong sa Belarus at Turkiya, halos nagkasundo na ang Ukraina at Rusya wakasan ang digma. Aatras ang puwersang Ruso at hindi na lalahok ang Ukraina sa alyansiyang North Atlantic Treaty Organization (NATO).

Pinakamalaking pangamba ng Rusya ang planong pagsali ng Ukraina sa NATO at pagpuwesto ng alyansiya sa mismong pagdirikit ng dalawang bansa — ilang minute lamang mula sa punong lungsod ng Rusya para sa mga raket atomika.

- Advertisement -

Subalit pinigil ng US at Britanya ang planong kasunduan na pinirmahan na raw nina Pangulong Volodymyr Zelenskyy ng Ukraina at Vladimir Putin ng Rusya. Sa halip, inarmasan ng NATO ang Ukraina sa hangad patalsikin ang hukbong Ruso at manghina ang militar at ekonomiya ng Rusya.

Subalit kabaligtaran ang nangyari. Lumawak pa ang teritoryong sakop ng Rusya at lalong lumakas ang hukbo at ekonomiya nito. Samantala, wasak ang mga lungsod at puwersa ng Ukraina, lumikas ang milyun-milyong mamamayan, at kalahating milyon ang tinatayang namatay.

Ngayon, tayo naman ang gagawing sandata laban sa isa pang katiunggali ng Amerika, ang China. At hindi lamang buhay, kabuhayan at seguridad ng milyun-milyung Pilipino ang nanganganib kung magpapagamit tayo, kundi pati ang ating demokrasya. Ito ang paksa ng sunod nating pitak sa Marso 14.

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -