28.1 C
Manila
Huwebes, Mayo 30, 2024

Giyera at kaunlaran

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Pwersa ang komadrona ng bawat lumang lipunan na nagbubuntis ng bago. Karl Marx

LIMAMPU’T tatlong taon na ang inabot ng insurhensiya ng Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front (CPP/NPA/NDF). Sa sobrang tagal na ng kabiguan nitong makapanunggab ng kapangyarihang pulitikal, napakalaking kahihiyan na nito sa klasikong patunay ni Marx na armadong rebolusyon ang kailangan upang makamit ng uring api’t pinagsamantalahan ang kapangyarihang pulitikal. Sa ekonomiyang pampulitika (political economy) ni Karl Marx, ang kapangyarihan sa kabuhayan ay nagbubunga ng kapangyarihang pulitikal, ang kapangyarihang pulitikal ay nagsisilbi sa kapangyarihan sa kabuhayan. Dahil walang kapangyarihan sa kabuhayan ang mga uring manggagawa’t magsasaka, kailangan nilang humawak ng armas upang sa pamamagitan nito ay labanan at ibagsak ang mga nang-aapi’t nagsasamantalang uring panginoong may-lupa’t kapitalista. Kung kaya sa kamay naman ni Mao Zedong, ang Marxistang mandato ay nagkaroon ng higit na makabagong  literaryong pagsasalarawan: “Ang kapangyarihang pulitikal ay nagmumula sa bunganga ng baril.”

Dulot ng bigung-bigong kinahantungan ng pag-aalsang CPP/NPA/NDF, nagawa kong balikan-tanaw ang pinakahuling matagumpay na armadong pakikibaka sa kasaysayan: ang Rebolusyong Cubano noong 1959. Bagaman nakatala na ang July 26th Movement ni Fidel Castro ay nagsimula noon pang July 26, 1953, ang pormal na pagputok ng armadong pagbabalikwas laban sa diktadurya ni Fulgencio Batista ay naganap noong 1958. Kaya kung susumahin hanggang sa pagbagsak ni Batista noong 1959, ang Cubanong armadong pakikibaka ay inabot ng isang taon lamang at tagumpay na.

Pagkaraan ng rebolusyong Cubano, ang pinakamalaking pagbabalikwas na nagtagumpay ay ang kontra-apartheid ni Nelson Mandela sa South Africa. Subalit ang tagumpay ay hindi na dulot ng “bunganga ng baril” kundi bunga ng parlamentaryong pamamaraan.

Ang sampong taon na giyera sibil sa Nepal (1996-2006) na laban ng Maoistang Communist Party of Nepal ay nauwi lamang sa pagkakasundo ng mga rebeldeng komunista at ng naghaharing monarkiya.


Batay sa mga pinakahuling patunay sa kasaysayan, lumilitaw na pagkaraan ng rebolusyong Cubano, ang armadong daan sa pagkuha ng kapangyarihang pulitikal para sa sambayanan ay passe na at ang negosasyon at pagkakasundo sa pagitan ng mga nagtutunggaling pwersa ang siyang nangingibabaw.

Pansinin na sa Pilipinas, ganyan ang pagtatapos ng insurhensiyang sinimulan ng CPP/NPA/NDF 53 anyos na ang nakaraan. Gayong pupugak-pugak na sa paghihingalo, pinipilit pa rin ng teroristang grupo na daanin sa negosasyon at pakikipagkasundo ang wakas ng kanilang laban sa gobyerno. Malaking katatawanan na lamang ito lumalabas. Papaano makikipagkasundo sayo ang kalabang gobyerno na matagumpay nang nakapagpasuko o kumitil sa kalakhan ng pwersang rebelde?

Bago nagretiro ang dating Southern Luzon Commander ng Philippine Army na si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. ipinahayag niya na wala nang 2000 ang bilang ng mga komunistang teroristang grupo, at partikular sa nasasakupan ng kanyang koman, pulbos na ang NPA.

Tulad ng iba pang mga bansa sa daigdig, ang Pilipinas ay hindi makaiiwas sa daloy ng historikong materyalismo, ayon sa sumusunod:

  1. Primitibo komunal. Wala pang pagkakahati  sa mga uri ang sangkatauhan, sama-sama sa pangunguha ng mga likas na pagkain tulad ng mga prutas, laman lupa at mababangis na hayop, at sama-sama rin sa pakinabang sa mga naaning pagkain.
  2. Lipunang alipin. Sa pagkaimbento ng sandata, sumilang ang uri na nakapagmay-ari nito, ang panginoon, at ang uri na sunud-sunuran lang sa panginoon, ang uring alipin.Sa yugtong ito nagsimulang mabuhay ang binhi ng mga dugong bughaw, mga hari’t prinsipe, reyna’t prinsesa, silang mga dugong bughaw na gayunma’t di nagtatrabaho ay siyang mga nagpapakasarap sa pinagtrabahuhan ng mga alipin.
  3. Piyudalismo. Nauso na ang pagbubungkal ng lupa at pagpapaamo sa mga hayop. Ang mga dating panginoon ay naging mga panginoong may lupa, may-ari ng mga lupang sakahan, mga kagamitan sa pagsasaka tulad ng araro, at mga kawan ng pinaamomg hayop at, mangyari pa, may-ari din ng mga ani mula sa pagsasaka; ang mga alipin, naging mga magsasaka, namamartihan lamang ng kapiraso ng mga ani na kadalasan ay kulang pa sa mga pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
  4. Kapitalismo.  Yugto na ang produksyon ng mga kailangan ng lipunan ay gamit na ang mga makina at makabagong teknolohiya. Ang mga panginoong may-lupa ay naging mga kapitalista (may-ari ng mga kagamitan sa produksyon), ang mga magsasaka, naging mga manggagawa, na ganap nang nawalan ng pag-aari maliban sa lakas-paggawa na siya niyang ipinagbibili araw-araw upang sustentuhan ang sarili’t pamilya.
  5. Sosyalismo. Naagaw na ng uring manggawa ang kapangyarihang pulitikal at sa gayon ang buong kabuhayan ng lipunan para sa pantay-pantay na pamamahagi sa buong sambayanan.
  6. Komunismo. Dahil nakuha na ng buong sambayanan ang buong kabuhayan ng lipunan – lusaw na ang lahat ng pribadong pag-aari sa lipunan – naglaho na ang estado.
- Advertisement -

Ito ang komunismo, sangkatauhan na pinamamahalaan ang sarili hindi sa pamamagitan ng mga mapanupil na  batas kundi ng lantay na pagkakapatiran at pagmamahalan na siyang nagbuklod sa ating mga ninuno sa sinaunang primitibo komunal na buhay.

Sa komunismo, lutas na ang away ng tao sa tao. Ang tanging pinaghahandaang gapiin lagi na ay ang panganib na lamang na dulot ng kalikasan.

Minarapat kong ilahad ang Marxistang historikong materyalismo bilang gabay sa wastong pag-unawa sa lumilitaw na mapandigmang asta ng China sa West Philippine Sea, ang nausong tawag sa bahagi ng South China Sea na pasok sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. (Tanda ko, ang unang napalathala na ganung taguri ay ang kay dating United States State Secretary Hilary Clinton sa pag-alaala noong 2012 sa anibersaryo ng Mutual Defense Treaty (MDT) na  ginanap sa deck ng USS Fitzgerald na nakadaong sa Manila Bay).

Mula sa panininag ng laser, hanggang sa pambobomba ng tubig, at kamakailan lang pagbangga na at pagsira ng barko ng China Coast Guard (CCG) sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) – lahat nang ito, kahit ano pang katwiran ang sabihin ng mga tagapagtanggol ng China ay mga aktong panlaban.

At sapagkat magkaiba ang mga nasyonalidad ng mga nagbabanggaan, hindi maaaring hindi magkaroon ng kulay ng bansa ang banggaan.

Banggaan ng mga bansa – ano pa ba kundi giyera!

- Advertisement -

Giyera sa panahon ng pag-unlad?

Sa pagsisimula pa lang ng administrasyon ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pakikipagpulong na sa mga lider pinansyal ng kanluran ang kanyang pinagtuunan ng pansin. Sumunod ang ganun ding pakikipagpulong sa mga namumunong mamumuhunan ng rehiyong Asya-Pasipiko.

Kaalinsabay ng mga kilos pangkabuhayan, inatupag ni Bongbong ang pagbibigay sa Amerika ng apat pang karagdagang base ayon sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Dito na nagpahayag ng mariing pagtutol ang China. Paniwala nito, nagsimula nang pumorma ng giyera ang Amerika laban sa China gamit ang Pilipinas.

At nagsimula nang mag-apoy ang karagatan ng South China Sea.

(May karugtong)

 

30

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -