26.8 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Di maiiwasang China ang tadhana ng Pilipinas

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Hindi kamalayang panlipunan ng tao ang nagtatakda kung ano ang kalagayan niya sa lipunan, bagkus ang kalagayan niya sa lipunan ang nagtaktakda ng kanyang kamalayang panlipunan. – Karl Marx

SA ayaw natin at sa gusto, kailangang sakupin ng China ang Pilipinas upang sumulong ang bansa sa susunod na higit na mataas na antas ng kaunlaran.

Nakita natin sa nakaraang kolum na ang pag-unlad ng Pilipinas mula sa lumang kaayusan tungo sa bago ay laging bunga ng pananakop ng banyagang poder. Sa ngayon na ang bansa ay tila isang ina na nagsisimulang magdanas ng kumbulsyon ng panganganak, aling banyagang poder ang makatatayong komadrona upang tiyaking matagumpay ang pagsilang ng Bagong Sosyalistang Pilipinas?

May dadaig pa ba sa China sa gawain ng pagpapalaganap ng “sosyalismong may mga katangiang Chino?”

Ayaw patangay sa talinghaga ng pagsilang, isang masugid na tagapagsulong ng China, na nakapagbuo na ng peace caravan sa layuning pigilan ang namimintong giyera Chino-Pilipino, ay mainit ang ulo na nagpahayag, “Bakit kailangang gawin iyun ng China? Sakit sa ulo lang yun.”


At inisa-isa ng ginoo ang mga pangyayari na dapat na napakialaman ng China, sa Silangan at Timog  Silangang Asya, Gitnang Silangan, sa sinlayo pa ng Africa, subalit ni isa ay wala siyang sinakop.

“Walang kasaysayan ang China na nanakop ng ibang bansa,” wika ng mama.

Oo nga naman, at diyan pwede kong iambag na kung meron man, tulad ng sa kaso ng Tibet, Vietnam at India, ang mga away na pinasok ng China ay hindi pananakop kundi hidwaan sa hangganan ng lupain.

Magkaganun man, sa anumang padron ng mga pangyayari, lagi nang may nauuna. At hindi na malayo na ang Pilipinas ay maging una sa mga bansang sasakupin ng China. Ang mga kaganapan sa South China Sea ay nagpapakita na ito ay malapit nang magkatotoo.

- Advertisement -

Samantalang nitong nakaraang 24 na taon ay ganap na kinunsinti ng China ang pananatili ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, sa isang iglap naging istrikto ito sa pagpapatupad sa mga batas pangkaragatan sa mga lugar na inaangkin niyang meron siyang soberanya.

Ganun din ang kaso sa Scarborough Shoal. Sa nakaraan, magaan na nakapangingisda rito ang mga Pilipino, subalit sa pagdating ng administrasyon ni Presidente Ferdinand “Bingbong* Marcos Jr., nakakabigla ang paghihigpit ng China sa pagpatupad sa mga batas pandagat, sukdulang pagbawalan na ang mga Pilipino sa nakagawiang malayang pangingisda.

Sa kabuuan, patindi nang patindi ang pagpapakita ng China na hindi niya luluwagan ang panghahawakan sa soberanyang Chino sa mga pinag-aagawang teritoryo. Hindi ba ito ay tapatang pakikipagbanggaan sa ganun ding panghahawakan sa soberanyang Pilipino naman sa iisang lugar?

Ano ba ang salpukan na ito kundi digmaan!

Sa totoo lang, wala sa lugar kung tatanungin kung ang natukoy na digmaan ay gusto ng China.

Hindi pinag-uusapan kung gusto ng China na digmain ang Pilipinas. Ang tanong ay labas sa kakayahan ng sinuman sa atin upang sagutin. Maging ng China mismo.

- Advertisement -

Sa loob ng mahigit dalawang dekada, naging napakakonsintidor sa maaga pa ay kita na nilang paglabag ng Pilipinas sa teritoryong Chino. Subalit sa diwa ng lantay na humanitaryanismo at pagkakapitbahayan, isinaisantabi ng China ang di-pinagkakasunduan pabor sa kooperasyon sa paglinang ng mga yamang dagat. Ito ang namayaning mapagkaibigang kalagayan ng ugnayang Chino-Pilipino sa buong termino ni Pangulo Rodrigo Roa Duterte.

Pasok na si Bongbong. Kabilang sa kanyang mga unang mahahalagang gawa ay ang pagbibigay sa Amerika ng apat pang karagdagang mga baseng EDCA para pagdeployan ng mga tropa’t kagamitang pandigma. Sa nasabing pagdeploy, wala ni katiting na pakialam ang mga awtoridad ng Pilipinas. Na para bang ang mga base na sa katunayan ay dati nang mga kampo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) ay pag-aari ng Estados Unidos.

Maliwanag, saksak ito sa likod ng China. Ang kanyang sagot ay mabangis at agaran. Hindi niya itinago ang pagtingin na ang mga karagdagang baseng EDCA ay direkta nang nakaumang sa Mainland China at mga abanteng base militar Chino sa South China Sea.

Noon nagsimula na ang pagkunsinti ng China sa paglabag ng mga Pilipino sa teritoryo ng China ay nahalinhan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga batas tulad ng mga panghaharang, panunugis at panganganyon ng tubig.

Bagama’t di pa totoong mga pandigmang gawi, nagpapakita na iyun ng matibay na paninindigan ng China na hindi niya  isusuko ang teritoryong inaangkin na kanya.

Ganun pa man, pagtatalunan pa rin kung sasabihin na ang nasabing paghihigpit sa pagpapatupad ng mga batas ay mga pinag-isipang aktong pandigma. Nangyari ang mga iyun sa isang kisap-mata, na kung tawangin sa English ay reflex action, parang “aray” bilang reaksyon sa pagkapaso, halimbawa.

Tulad ng maaaring mawika ni dating Premier Wen Jiabao, “Hindi kami bansang gutom sa digmaan. Pero hindi kami ang uurong sa labanan kung nasiksik na sa pader. Matututunan ito ng Pilipinas sa napakamahal na presyo.”

Ang pahayag ay ginawa noon pang 2012, nang dahil sa malaaliping pagkiling sa Estados Unidos ni Presidente Benigno Aquino 3rd, ang ugnayang PH-China ay bumulusok sa pinakamababaw na kati. Ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa ay bumagsak sa halos zero, lalo na sa pagluwas ng Pilipinas sa China ng mga kataying hayop, gulay at prutas, na ganap na ipinagbawal ng China kasabay ng ganap na embargo rin ng China sa mga turistang Chino sa Pilipinas.

Sa sandaling sakupin ng China ang Pilipinas, hindi iyon dahil sa kagustuhan ng kanyang mga lider. Sa halip, iyon ay dahil kailangan ang wastong tugon ng China sa mga kaganapang ipinupukol sa kanya.

Mula sa isang pagbubunyag ng kumander ng III US Marines Expeditionary Force, nalaman natin na sing-aga ng 2014, ang digmaan laban sa China ay planado na ng Estados Unidos kasabay ng krisis sa Ukraine.

Hindi na pagtatakhan na iyon din ang taon na pinirmahan ni Aquino ang EDCA na nagbibigay ng limang kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa America upang pagdeployan ng mga tropa at mga kagamitang pandigma na hindi maaaring inspeksyunin ng mga awtoridad ng Pilipinas.

Naririto ang alalahanin na umiipit sa China. Alam niyang uto-uto lang ang Pilipinas sa Amerika, subalit siguradong pakiramdam niya ay tali ang mga kamay upang labanan ang pang-uuto na ang masasaktan ay Pilipino. Bakit niya parurusahan ang Pilipinas sa demonyong gawi ng Amerika?

Sa kabilang banda, alam ng China na ang patuloy na makataong pakikitungo sa mga Pilipino ay makapagbibigay ng maling senyales na siya ay mahina. Sa pagdagdag ng kanyang astang mapandigma alinsunod sa ganun ding pagdagdag na gawa ng Estados Unidos, nagagawang pantayan ng China ang mga mapandigmang hakbang ng Estados Unidos.

Sa kasalukuyan, nagsalibayan sa South China Sea ang kanya-kanyang mga barkong pandigma ng China at US at mga kaalyado nitong mga kanluranin at Asyano. Kung papaanong ang tunggaliang US-Russo ay nagbunga ng giyerang Ukraine, o ang away ng US sa mundong Arabo ay sumambulat sa digmaang  Israel at Palestine, ganun din ang giyerang US-China ay di maiiwasang magpupukol sa Pilipinas sa parehong Armageddon na kinalugmukan ng Ukraine at Gaza Strip.

Iyan ay kung hindi hihinto si Bongbong sa pagpapauto sa Amerika. Kamakailan lang, nagpahayag si Presidente Xi Jinping ng babala sa Pilipinas tungkol dito: tigil na sa pagiging tuta ng Amerika. Imbes na masamain ang babala, tanggapin ito bilang mapagkaibigang payo.

Ang dahilan kung bakit ang US at mga kaalyado nitong kanluranin at Asyano ay may katwirang makialam sa laban ng Pilipinas at China ay ang pagkakaroon ng mga tratadong militar sa pagitan ng Amerika at Pilipinas: ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951, ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1998 at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng 2014. Sa ilalim ng MDT, ang pag-atake sa alinman sa US o PH sa Pasipiko  ay itinuturing na pag-atake rin sa isa pa na kailangang gumanting salakay sa kaaway. Makasasali lang ang US at mga kaalyado nito sa giyera ng Pilipinas kung aatake ang China. Kung ganon, ito ang alas na hawak ng China: huwag sumakay sa Pilipinas.

Sa panig naman ng Pilipinas, tigil na ang mga di pinagkakasunduang mga usapin. Patampukin ang magagandang bagay na kapakipakinabang kapwa sa Pilipino at Chino.

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -