32.5 C
Manila
Sabado, Hulyo 27, 2024

Sumpa ng globalisasyon sa larangan ng pandaigdigang pananalapi

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -
SA larangan ng pananalaping internasyonal ang globalisasyon ay ipinakikita sa magaang pagdaloy ng mga pondo sa pagitan ng mga bansa. Ang ganitong sitwasyon ay nakabubuti sa larangan ng kalakalang internasyonal dahil pinalalawak nito ang kita sa buong daigdig sa pamamagitan ng madaling pagkuha ng pondo ng mga bansa upang tustusan ang kanilang inaangkat, deficit sa current account ng Balance of Payments (BOP), pagpapalawak ng kanilang eksports at pagbibigay ng mga oportunidad na tumaas ang kita ng kanilang labis na pondo sa ibat’ ibang instrumentong pananalapi sa iba’t ibang bansa.
Kahit marami ang mga benepisyo sa magaan na pagdaloy ng pondo sa pagitan ng mga bansa marami rin itong kaakibat na hamon at sakripisyo. Una, ang paglubog ng fixed exchange rate o takdang palitan ng salapi. Ikalawa, pagiging susi sa pagbuo ng krisis pananalapi. Ikatlo, paghina ng bisa ng patakarang pananalapi upang magamit na instrumento ng pamahalaan sa pagpapalawak ng pambansang kita at empleo.
Matatandaang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isa sa mga kasunduan ng mga nanalong Allied Powers ay ipatupad ang sistema ng takdang palitan ng salapi sa ilalim ng Bretton Woods System upang lumihis sa sistema ng flexible exchange rate o nagbabagong palitan ng salapi na ipinatupad bago ang digmaan. Ang sistema ng nagbabagong palitan ng salapi ay inayawan dahil ginamit ito ng maraming bansa upang ipatupad ang patakarang competitive depreciation sa layuning mapataas ang kanilang eksports at mapaliit ang kanilang imports. Ang problema sa patakarang ito, kapag ito ay ipinatutupad ng maraming bansa, kikitid ang kalakalang internasyonal, liliit ang kita ng buong daigdig na magdudulot ng malawakang desempleo. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkaroon ng Malawakang Depresyon o Great Depression noong dekada ng 1930.
Naging matatag naman ang palitan ng salapi sa ilalim ng sistema ng Bretton Woods hanggang dekada 1970 nang manganib ang halaga ng US dolyar bunga ng malaking BOP deficit ng Estados Unidos. Sa ilalim ng sistema ng Bretton Woods ang mga salapi ng iba’t ibang bansa ay nakabatay sa takdang halaga sa US dolyar na nakabatay naman sa halaga ng ginto. Ang malaking BOP deficit ay hindi matanggal dahil sa pagpapatupad ng takdang palitan ng salapi. Kung ang Estados Unidos ay nakaranas ng BOP deficit ang ibang malalaking bansa ay nakaranas ng BOP surplus. Dahil sa malaking BOP surplus na ito malaking bahagi ng kanilang nalikom na reserba ay inilagak sa bilahan ng pondo sa Estados Unidos na nauwi sa patuloy sa  pagpapalawak ng salapi at lumobo ang BOP deficit ng Estados Unidos. Dahil sa malaking BOP deficit ng Estados Unidos nangamba ang ibang bansa na bumaba ang halaga ng US dolyar. Bago pa man tuluyang bumaba ang halaga ng US dolyar maraming bansa ang nagpilit na ipagpalit ang kanilang US dolyar sa ginto. Dahil sa kakulangan ng ginto ng Estados Unidos napilitang isuspendi ni Pangulong Richard Nixon noong Agosto 15, 1971 ang pagpapalit ng US dolyar sa ginto. Dahil dito, napilitang tapusin na ang sistema ng takdang palitan ng salapi at ang US dolyar ay pinayagang bumaba ang halaga sa pamamagitan ng depresasyon nito.
Nakita rin ang kahinaan ng takdang palitan ng salapi sa krisis sa Asya noong 1990. Malaking pondong naipon sa Estados Unidos na inilagak ng mga bansang malalaki ang BOP surplus ay ipinahiram sa mga bansa sa Asya. Maraming bangko ang naghiram dahil binibigyan sila ng proteksyon sa kanilang bayarin sa inutang dahil ipinatutupad ang takdang palitan ng salapi ng kanilang mga bansa. Ngunit nagkaroon ng problema nang ang mga pondong inutang ay iniligay sa pagpapatayo ng mga condominium. Nang hindi mabayaran ng mga makabili ng condominium ang kanilang inutang dahil sa matamlay na eksports nanganib ang katatagan ng mga bangko. Dahil dito, maraming dayuhan ang nagtanggal ng kanilang pondo sa Asya dahil nanganganib din ang kanilang palitan ng salapi. Ang malawakang pagbabawas ng pondo ng mga dayuhan sa Asya ay nauwi sa malawakang depresasyon ng Thai baht, Malaysian ringgit, Indonesian rupiah, Philippine peso at pati na rin ang Korean won. Bumagsak ang mga bangko at kumalat ang krisis sa iba pang sector ng ekonomiya.
Isa pang malalang epekto ng takdang palitan ng salapi sa harap ng magaan na pagdaloy ng pondo sa pagitan ng mga bansa ay ang paghina ng  bisa ang patakarang pananalapi na pataasain ang pambansang kita. Kung nagkukulang ang kabuoang demand ng isang ekonomiya maaaring ipatupad ng pamahalaan ang isang mapagpalawak na patakarang pananalapi na nagpaparami ng suplay ng salapi at nagpapababa sa interes reyt. Sa ganitong paraan tumataas ang pambasang kita. Ngunit sa kapaligiran ng magaan na pagdaloy ng mga pondo sa pagitan ng mga bansa, ang pagbaba ng interes reyt ay mauuwi sa paglabas sa pondo dahil mas mataas ang balik na makukuha nila sa kanilang pondo sa ibang bansa. Sa paglabas ng pondo, ang suplay ng salapi ay liliit at ang pambasang kita ay liliit din at babalik ang interes reyt sa mataas na antas.
Nakita natin kung bakit hindi atraktibo ang pagpapatupad ng takdang palitan ng salapi sa harap ng globalisasyon ng pondo. Mahirap umiwas sa mga tinalakay na sumpa ng proseso ng globalisasyon ng pondo kung ipatutupad ang takdang palitan ng salapi.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -