MALI ang akala ng inyong lingkod. Hindi na pala kailangang bigyan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng panibagong bisa o renewal ang kasunduang nagpapahintulot sa Amerikang gamitin ang siyam na base ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Sa halip, nakasaad sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na magkakaroon ito lampas ng sampung taong paunang bisa kung walang kasulatan mula sa Estados Unidos (US) o Pilipinas na nagwawakas nito. Sa tayong ito, walang gayong panukalang lalabas.
Sa Abril 11, ayon sa White House, ang tirahan at tanggapan ni Pangulong Joseph Biden ng Amerika, pupulungin niya roon sina Marcos at Punong Ministro Kishida Fumio ng Hapon upang lalong palakasin ang alyansiya nila.
Pihadong hindi biglang ihihinto ni Marcos ang EDCA bago o matapos ang pulong na iyon. Sa halip, baka magkaroon pa ng kasunduang gaya nito para sa Hapon.
Mabuti ba ito o maproblema para sa atin, lalo na sa tatlong bagay na mahalaga sa seguridad ng Pilipinas:
Una, ang pagtatanggol ng West Philippine Sea, ang karagatang sa kanluran ng bansa kung saan may mga isla tayong inaangkin at may natatanging karapatan tayong makinabang sa yamang dagat.
Pangalawa, ang kapayapaan at seguridad ng Pilipinas. At pangatlo, ang katiwasayan at kapayapaan ng Asya.
Sa totoo lang, mukhang lalong nakasasama pa ang EDCA sa tatlong aspetong ito ng ating seguridad.
Iwas-pusoy ang Amerika
Sa pagtatalo natin sa China sa karagatan, lalong lumubha ito nang pahintulutan ng Pangulong gamitin ng Amerika ang siyam na baseng EDCA noong Pebrero ng taong nagdaan.
Hindi ito kataka-taka: kung payagan nating lumipad at maglayag mula sa Pilipinas ang mga eroplano at barkong pandigma ng US, ang pangunahing karibal ng China, talagang sasama ang relasyon natin at babagsik ito sa pagtrato sa atin.
Tayo man, kung may karatig-bansang pumayag gamitin ang mga base nila laban sa atin, aasim din ang trato sa kapit-bansang nagpagamit sa kalaban natin. Lalo pa’t maaaring may armas atomika ang mga eroplano, barko at submarinong US na gagamit ng mga paliparan at daungang EDCA.
Ganyan ang ginawa ng Amerika sa Cuba mula 1962, nang halos maglagay sa isla ng mga raket nuklear ang Rusya. At nang magtangkang lumahok ang Ukraina sa North Atlantic Treaty Organization (NATO), umatake ang Rusya upang hindi makapagpuwesto ng mga missile atomika ang alyansiya sa karatig-bansa.
Maging ang planong patrolya sa WPS ng mga barko natin kasama ang US at iba pang kaalyado, hindi makapagpapatalsik sa mga sasakyang dagat ng China.
Mangyari, sadyang hindi gagamit ng puwersa ang Amerika, gaya ng pag-iwas ng US at NATO sa giyera kahit sinakop ng Rusya ang malaking bahagi ng Ukraina. Sa katunayan, hiniling ng Amerika sa China na ibalik ang usapan ng mga hukbo nila para nga maiwasan ang labanan. Usapan, hindi putukan.
Sa EDCA tumindi ang girian sa China, at walang magagawa ang Amerika.
Nasa bungad ng digma
Tungkol naman sa banta ng giyera, lumubha rin ito dahil sa EDCA. At si Pangulong Marcos mismo ang nagsabing may panganib ng digma at nasa bungad ang Pilipinas, gaya ng nangyari noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig nang sakupin tayo ng Hapon dahil kalaban nila ang US.
Gayon muli ang kalagayan natin ngayon dahil pinapasok ni Marcos ang US sa mga baseng EDCA. Sa kabilang dako, ang Biyetnam, bagaman mas maraming sigalot at nakipagdigma na sa China, hindi nanganganib masangkot sa digmaang US-China.
Mangyari, may patakaran ang Biyetnam na tinaguriang “apat na huwag” — huwag magkaroon ng mga baseng pagamit sa dayuhan, huwag kumampi sa isang bansa laban sa iba, huwag lumahok sa alyansiyang militar, at huwag magpagamit ng sariling teritoryo laban sa ibang bansa. Samantala, ginagawa sa EDCA ang lahat ng bawal sa Biyetnam. Kaya damay tayo kung maglaban ang US at China.
Dapat naging leksiyon kay Marcos ang dusa ng Cuba at Ukraina matapos magpagamit sa mga dambuhalang bansa kontra sa karatig nilang bayan. At dapat nakinig siya nang magbabala ang sarili niyang ama noong 1975, isinalin mula sa pahayagan ng Philippine Council for Foreign Relations (ikatlong artikulo sa http://pcfr.weebly.com/pcfr-journal.html):
“Kung hangad ng mga base militar ng Amerika palakasin ang katayuang militar ng Amerika sa Pasipiko o Karagatang India, at sa buong mundo, hindi kaya maharap ang Pilipinas sa mga galit, hinala at away dala ng pagpapalakas militar ng Amerika — galit at away na hindi tayo ang may gawa — at hindi ba inilalagay sa peligro ng mga baseng iyon ang kaligtasan ng Pilipino at Pilipinas sa atakeng armado o atomika?”
Pinakamalagim sa lahat, kung magkagiyera, sa Pilipinas ang pinakamatinding atake dahil tayo ang malapit sa China at kung mawasak ang mga base militar natin, malaking dagok ito sa alyansiya ng US.
Ngayon, magkadigma kaya sa pagitan ng China at Amerika sa mga taong darating? Bagaman hindi sila madadamay, nagbabala ang Indonesya laban sa pagtatagisan ng mga higanteng bansa, at nag-aalala ang Biyetnam sa tumitinding girian sa Asya.
Ngayon, Marso 25, suriin natin kung malamang magkagiyera. Humanda tayong matakot.