SA pangunguna ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF); at Pambansang Lupon para sa Pagpapaunlad ng Aklat (National Book Development Board – Philippines), isinasagawa tuwing buwan ng Abril ang Buwan ng Panitikan alinsunod sa Proklamasyon Bilang 968 na nilagdaan noong 2015.
Ngayong taon, ipinagdiriwang ang Buwan ng Panitikan 2024 na may temang “Ang Panitikan at Kapayapaan” na may layuning magbigay daan sa malayang pagtalakay kung ano ang mga kahalagahan at kontribusyon ng panitikan sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng kapayapaan sa bansa at sa mga komunidad. Sa pamamagitan nito, lalong mapagyayaman ang diskurso sa konsepto ng kapayapaan at maipararating sa mamamayang Pilipino ang papel ng panitikan sa lipunan.
Sa mga nakalipas na taon, ang Buwan ng Panitikan ay ipinagdiriwang na sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, at lalong pinalawak pa sa pamamagitan ng mga opisyal na online platforms. Bunsod ng mabisang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang institusyong pansining at pan-gakademiko, gayun din ang iba pang organisasyong nagtataguyod ng panitikan, patuloy na dumarami pa ang bilang ng mga grupo na nakikiisa sa nasabing pambansang selebrasyon.
Kaya samahan ang NCCA, KWF at NBDB sa isang makabuluhang pagtuklas sa mundo ng panitikan para sa kapayapaan, at kapayapaan mula sa panitikan.