30.7 C
Manila
Huwebes, Hunyo 20, 2024

Gatchalian: Higit P7 bilyon sa SHS Voucher program ginasta para sa ‘non-poor beneficiaries’  

- Advertisement -
- Advertisement -

GUMASTA ang pamahalaan ng mahigit P7 bilyon para sa mga benepisyaryo ng senior high school voucher program (SHS-VP) na hindi naman nangangailangan o ‘yung tinatawag na non-poor beneficiaries. Ito ang isa sa mga pinuna ni Senador Win Gatchalian sa isang pagdinig ng Senado hinggil sa pagpapatupad ng Republic Act No. 8545 o Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE) Act.

Pinuna ni Senador Win Gatchalian sa isang pagdinig ng Senado hinggil sa pagpapatupad ng Republic Act No. 8545 o Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE) Act. Larawan ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Sa ilalim ng SHS-VP, nakakatanggap ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng voucher ang mga kwalipikadong mag-aaral ng SHS mula sa mga kalahok na pribadong paaralan at mga non-Department of Education (DepEd) schools.

Batay sa pagsusuri ng tanggapan ni Gatchalian, lumalabas na noong school year 2021-2022, P7.21 bilyon o 53 porsiyento ng P13.69 bilyong pondong nakalaan sa SHS-VP ang napunta sa mga non-poor learners. Para sa school year 2019-2020 naman, P7.30 bilyon o 39 porsiyento ng P18.76 bilyong pondong nakalaan sa SHS-VP ang napunta sa mga non-poor learners.

Gamit ang datos ng Annual Poverty Indicators Survey 2020 at 2022, binigyang diin ni Gatchalian na noong school year 2021-2022, 70 porsiyento ng mga benepisyaryo ng SHS-VP ang nagmula sa mga non-poor households. Noong school year 2019-2020 naman, 64 porsiyento ng mga benepisyaryo ng SHS-VP ang nagmula sa mga non-poor households.

“Para sa akin, nasayang ‘yung pondo. Mahalagang itama natin ito agad at suriin natin ito nang maigi sa budget hearing. Kailangang tiyakin nating napupunta ang bawat sentimo sa mga nangangailangang mag-aaral at sa maayos na pagpapatakbo ng mga programa at proyekto. Pero batay sa datos na nakikita natin, hindi maayos ang pagpapatakbo ng programa,” ani Gatchalian.

Pinuna na rin ng senador ang parehong suliranin sa pagpapatupad ng Educational Service Contracting (ESC) program, na bahagi rin ng GASTPE. Para sa school year 2020-2021, 68 porisyento ng mga benepisyaryo ng ESC ang nagmula sa mga non-poor households. Dahil dito, umabot sa P8.6 bilyon ang pondong nasayang batay sa pagsusuri ng tanggapan ng senador.

Matatandaang pinuna ng Commission on Audit (CoA) sa 2018 Performance Audit Report nito na nagbibigay ang DepEd ng ayuda kahit sa mga non-poor families. Inirekomenda rin ng naturang report ang pagbibigay ng prayoridad sa mga mag-aaral na mula sa mahirap na pamilya.

Samantala, sinabi naman ni Atty. Tara Rama, Director 3 ng Government Assistance and Subsidies Office ng DepEd, na tutugunan ng rebisyon ng guidelines ng GASTPE ang mga natuklasang mga isyu, kabilang ang pagbibigay prayoridad sa mga mas nangangailangang mag-aaral.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -