ANG Kagawaran ng Paggawa at Empleyo ay nakikiisa sa sambayanang Pilipino sa paggunita ng Mahal na Araw sa taong ito.
Sa panahong ito kung saan ang mga manggagawa ay uuwi sa kani-kanilang mga probinsya upang gunitain ang Semana Santa sa piling ng kanilang mga pamilya, atin pong pinapayuhan at pinapaalalahanan ang bawat isa ng ibayong pag-iingat para sa matiwasay at ligtas na paglalakbay.
Para naman sa ating mga manggagawa na patuloy na papasok sa kani-kanilang mga trabaho upang gampanan ang kanilang mga tungkulin, ang Kagawaran ay kaisa ninyo sa pagsusumikap na makapaglingkod sa panahong ito.
Ganun din sa mga tanggapan at mga kumpanya na mananatiling bukas at magpapatuloy ng kanilang operasyon sa panahon ng Semana Santa, atin pong ipinaaalala na ibigay ang karampatang pasahod ng kanilang mga kawani at naaayon sa ating mga polisiya at batas.
Ang Kagawaran ay naglabas ng “Labor Advisory No. 02, Series of 2024” na kalakip ng pahayag na ito para siguraduhin ang tamang pasahod para sa mga araw ng Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de Gloria para sa karagdagang kaalaman at impormasyon ng publiko.
Mula sa Kagawaran ng Paggawa at Empleyo, ang inyong Kalihim ay bumabati ng isang ligtas, makabuluhan at mapagpalang Semana Santa para sa ating lahat.
(sgd)
BIENVENIDO E. LAGUESMA
Kalihim
Department of Labor and Employment